Inday TrendingInday Trending
Sinisiraan ng Ginang na Ito ang Mayamang Kapatid, Siya pala ang Kasira-sira dahil sa Kababuyang Ginawa Niya Noon

Sinisiraan ng Ginang na Ito ang Mayamang Kapatid, Siya pala ang Kasira-sira dahil sa Kababuyang Ginawa Niya Noon

“Kathlyn! Totoo ba ‘yong nakita ko sa social media ng bunso mong kapatid? Mayaman na ba talaga ‘yon? Grabe ang ganda ng bahay at mga sasakyan niya!” manghang-manghang sabi ni Marissa sa kumare nang makita niya itong nagwawalis sa palengke.

“Oo, mayaman na nga ‘yon! Kita mo, nakalimutan na kami kaagad. Kung dati’y halos isiksik niya ang sarili niya sa barung-barong naming bahay, ngayon, ni hindi kami makumusta!” inis na inis na sagot ni Kathlyn.

“Kahit pambili ng grocery, walang binibigay sa inyo?” pang-uusisa pa nito dahilan para lalong tumaas ang dugo niya.

“Wala! Walang utang na loob ang taong ‘yon! Ako pa ang nagbigay ng pamasahe riyan noong lumuwas ‘yan ng Maynila noon, kita mo, kahit ‘yon hindi binayaran! Walang kwentang tao ‘yon, napakamakasarili!” sigaw niya na talaga nga namang ikinagulat nito.

“Diyos ko, aanhin niya naman ‘yong yaman niya kung galit naman sa kaniya ang kapatid niya? Hindi naman niya ‘yon madadala sa langit!” segunda pa nito habang iiling-iling.

“Baka sa impyerno kamo! Ang sama ng ugali, eh!” dagdag niya pa habang sinusumpa sa utak ang naturang kapatid.

Ang pagwawalis ng mga kalat sa palengke ang tanging pinagkakakitaan ng ginang na si Kathlyn upang matugunan ang mga pangangailangan ng kambal niyang mga anak sa pagkadalaga.

Malayong-malayo ito sa buhay na mayroon na ngayon ang bunso niyang kapatid na nasa Maynila na dati’y nasa puder niya. Siya ang nagpapakain dito, nag-aalaga tuwing may sakit ito, at higit sa lahat, siya pa ang bumibili ng mga damit nito.

Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya manggalaiti rito ngayong kahit pangungumusta, hindi nito magawa dahil lang sa biglaang pagyaman nito. Sabi niya pa sa iba na kinukumpara ang buhay niya rito, “Baka nga sumama lang ‘yan sa isang mayamang matanda kaya yumaman nang gan’yan!”

Pinagpatuloy niya ang pagwawalis noong araw na ‘yon kahit na muli na naman siyang nakaramdam nang pagkainis sa kapatid. Hanggang sa pag-uwi niya kinagabihan, bitbit niya ang inis na nararamdaman.

Bago niya pa sermunan ang anak niyang kambal dahil hindi pa nagluluto ng hapunan ang mga ito, nagulat siya nang may kumatok na food delivery sa kanilang bahay.

“Naku, hindi ako na-order ng gan’yan! Baka maling address ang naibigay sa inyo!” sabi niya sa mga drayber nang makita niyang hindi bababa sa lima ang bilang ng mga ito.

“Kayo raw po si Kathlyn, eh, wala naman po kayong babayaran. Pinapabigay po ito ng kapatid niyong nasa Maynila,” sagot ng isa na talagang ikinagulat niya.

“Aba, naaalala niya pa pala ako,” iiling-iling niyang sabi habang pinapasok ng mga ito ang mga pagkain at grocery.

“Paanong hindi ka maaalala no’n, eh, pinagkakakitaan mo nga siya dati, hindi ba?” sabat ng kapitbahay niyang matanda na ikinalaki ng mga mata niya, “Kaya hindi ko maintindihan kung bakit galit na galit ka sa kapatid mong umasenso. Parang gusto mong habambuhay mo siyang binebenta kung kani-kanino,” dagdag pa nito dahilan para siya’y magdali-daling pumasok sa bahay.

Doon biglang bumalik sa alaala niya ang lahat ng pangwawalang-hiyang ginawa noon sa kapatid niyang ito para lamang mapakain niya ang sarili’t mga anak. Kung tutuusin, sila ang pinakain at inalagaan nito dahil ito ang pinagkakakitaan niya noon.

Agad niyang kinuha ang selpon niya upang tawagan ang kapatid. Nais niyang humingi ng tawad at magpasalamat dito ngunit bigla siyang nanlamig sa nabasa niyang mensahe nito.

“Mukhang nakalimutan mo na talaga, ate, ang ginawa mo sa akin, ‘no? Sinisiraan mo talaga ako sa lahat ng tao riyan sa atin. Huwag kang mag-alala, lalabas din ang baho mo kapag hindi ka tumigil. Ayan, mga pagkain at grocery, siguro naman, matatahimik ka na niyan kahit papaano o gusto mong sa presinto tayo mag-usap at sabay nating alalahanin ang mga kababuyang pinapagawa mo sa akin noon para kumita ka ng pera?”

Sa sobrang takot niya, bigla niyang tinaob ang hawak na selpon pagkatapos basahin ang mensaheng iyon.

Nais man niyang humingi ng tawad dito, siya’y napangunahan ng kaba dahilan para piliin niya na lang na manahimik at huwag na muling siraan ang kapatid na ngayong may masagana at maganda nang buhay.

“Dapat pala talaga naging masaya na lang ako sa kung anong mayroon ang kapatid ko ngayon dahil kulang pa ‘yon sa lahat ng paghihirap na tiniis niya para sa akin at sa mga anak ko,” mangiyakngiyak niyang sabi habang pinagmamasdan ang mga litrato nito sa social media.

Simula noon, hindi na niya muling siniraan sa iba ang kapatid, bagkus kaniya na itong pinagmamalaki na talaga nga namang ikinatuwa nito dahilan para unti-unti siya nitong patawarin at tulungan sa buhay.

Advertisement