
Walang Respeto ang Karamihan sa Basurerong Ito, Mayroon Palang Marangyang Buhay na Nakaabang sa Kaniya
“Kuya! Kuya! Ikaw ‘yong magaling magpatawa at sumayaw, hindi ba? Nakita ka namin sa social media, eh! Sikat ka na!” sabi ng isang estudyante kay Greg, isang umaga habang siya’y nagkakalkal ng basura sa tapat ng isang mamahaling restawran.
“Totoo ba ‘yan?” paninigurado niya.
“Oo, kuya, siguro mayaman ka na, ‘no?” sabi pa nito na ikinatawa niya.
“Naku, hindi! Ito nga, o, naghahanap ako ng maibebentang kalakal! Ang yumayaman lang doon ay ‘yong taong kumuha sa akin ng bidyo! Ni piso, wala akong natanggap doon,” wika niya dahilan para mapaisip ito.
“Ay, ganoon ba, kuya?” tugon nito.
“Pupwede mo pa rin ba kaming patawanin sa mga jokes mo? Sayaw ka na rin, kuya!” sabat ng kasama nitong estudyante dahilan para siya’y mapakamot ng ulo.
“Oo ba, walang problema! Sige, kumanta kayo, ako ang sasayaw! Pagkatapos, papaiyakin ko kayo kakatawa!” magiliw niyang sabi sa mga ito, ngunit bago pa makakanta ang mga estudyante, siya’y binuhusan na ng tubig ng isang ginang.
“Hoy! Ang iingay niyo! Huwag kayo rito sa tapat ng restawran ko!” sigaw pa nito sa kaniya, “Kayong mga bata kayo, kapag napahamak kayo sa kamay ng basurerong ‘yan, kawawa ang mga magulang niyo! Layuan niyo ‘yan! Umuwi na kayo!” bulyaw pa nito sa mga estudyante dahilan para magtakbuhan ang mga ito at siya’y maiwan doon habang pinapahiya ng ginang.
Simula pagkabata, pangangalakal na ang naging dantayan ng binatang si Greg sa buhay. Hindi man kalakihan ang kinikita niya rito, siya’y labis pa rin kung magpasalamat sa tuwing may maibebenta siyang kalakal na ibibili niya ng pagkain ng kaniyang pamilya.
At dahil nga isa lang siyang mangangalakal, karamihan sa mga taong nakakasalamuha niya, walang respetong binibigay sa kaniya. Paminsan pa nga, nagagawa pa siyang sigaw-sigawan ng mga ito sa tuwing kinakalkal niya ang mga basura sa tapat ng bahay ng mga ito.
Kahit pa ganoon ang trato ng mga tao sa kaniya, hindi pa rin nawala sa kaniya ang pagiging masayahin at pagkahilig sa pagsayaw at paggawa ng mga jokes na talaga nga namang nakapagpapasaya sa mga taong nakakaintindi sa kaniya.
Nang araw na ‘yon, agad na niyang nilayasan ang ginang na iyon at hinabol ang mga batang nakausap niya.
Sakto namang nakita niya ang mga itong bumibili ng tubig sa tindahan dahilan para muli niyang kausapin ang mga ito at ituloy ang pagtatanghal na nais ng mga ito.
Halos mag-umapaw ang kasiyahang naramdaman niya nang makita kung paano mag-ihit kakatawa ang mga bata at kung paano lumaki ang mga mata nito dahil sa galing niyang magsayaw.
Uupo pa lang sana siya pagkatapos niyang magpakitang gilas, may isang bihis na bihis nang binabae ang lumapit sa kaniya.
“Gusto mo bang mag-artista, hijo? Naghahanap kami ngayon ng comedian at dancer. Sakto, magaling kang magpatawa at sumayaw!” sabi nito na talagang ikinasigaw ng dalawang batang kasama niya.
“Sige na, kuya, sumama ka na sa kanila! Ito na ang simula ng pagsikat mo!” sabi ng isa sa mga ito dahilan para siya’y tuluyang sumama rito.
At hindi niya nga pinagsisihan ang desisyon niyang iyon dahil hindi pa man siya nagsisimulang magtrabaho, marami na siyang nakuhang biyaya katulad ng mga bagong damit at sapatos, paunang bayad na ‘di hamak na mas malaki pa sa isang buwang kita niya sa pangangalakal, at mga masasarap na pagkain na ngayon niya lang natikman.
“Totoo po ba ang lahat ng ito?” mangiyakngiyak niyang sabi habang pinagmamasdan ang mga biyayang nasa harapan niya.
“Oo, hijo. Ilabas mo lang ang angking talento mo sa kamera, siguradong dodoble pa ‘yan!” sabi nito sa kaniya na talaga nga namang sinunod niya hanggang sa nagtuloy-tuloy na ang kaniyang pagiging artista at siya’y makilala na sa buong bansa.
Kahit na siya’y sikat na at marami nang pera, hindi ito naging dahilan para maging ilag siya sa tao. Bagkus, tuwing wala siyang trabaho, nililibot niya ang kanilang lugar upang tumulong sa mga nangangailangan at doon niya muling nakita ang dalawang estudyante.
Nilibre niya ang mga ito sa isang mamahaling restawran at binigyan ang mga ito ng dagdag baon at ilang mga gamit sa paaralan.
Doon siya muling nakita ang ginang na namahiya at nagbuhos ng tubig sa kaniya. Laking gulat niya nang sabihin nitong, “Hijo, pupwede mo bang i-promote ang restawran ko? Marami ka namang nakuhang kalakal sa mga basura namin noon, eh, sige na,” na labis niyang ikinatawa.
“Pasensya na po, hindi ko po ‘yan magagawa,” tipid niyang sabi, magmakaawa man ito sa kaniya, hindi niya talaga iyon tinanggap dahil sa respetong mayroon na siya sa sarili niya ngayon.
Patuloy man siyang nagtagumpay sa buhay, kahit kailan, hindi ito naging dahilan para mangmaliit siya ng tao at mawalan ng respeto sa mga ito.

Sinisiraan ng Ginang na Ito ang Mayamang Kapatid, Siya pala ang Kasira-sira dahil sa Kababuyang Ginawa Niya Noon
