
Galit na Galit ang Dalagita sa mga Mayayaman Dahil sa mga Naranasan Niya Kaya Isinusumpa Niya ang mga Ito; Isang Matandang Lalaki ang Magpapabago sa Paniniwala Niya
Bata pa lang si Pia ay tumatak na sa utak niya ang matinding galit sa mga mayayaman. Ayaw na ayaw niyang makakakita ng mga taong magsisimba lang ay naka-kotse pa, mga taong naglalakad sa kalye na kumikinang dahil sa dami ng suot na alahas at mga nagbibigay ng tig-iisang libong perang papel sa mga nanlilimos na pulubi. Para sa kanya ay nilikha lang ng Diyos ang mga mayayaman para apihin lang ang mga mahihirap.
Tandang-tanda pa niya nang pumanaw ang mga magulang niyang mga tindero ng prutas. Kapwa naglalako ng mga paninda ang nanay at tatay niya noon na nagtutulak lang ng kariton nang bigla na lang araruhin ng rumaragsang sasakyan ang mga ito. Parehong hindi na umabot nang buhay ang mga magulang niya sa ospital at ang mas ikinadurog ng puso niya, naulila na nga siya ay hindi man lang nanagot ang taong nakaaksidente sa nanay at tatay niya. Napag-alaman niyang maimpluwensya at ubod ng yaman ang mga magulang ng binatilyong may kagagawan kung bakit wala na siyang pamilya. Hindi man lang naparusahan ang may sala at binayaran lang siya ng sampung libong piso. Ang perang ibinayad sa kanya ay hindi rin naman niya napakinabangan dahil kinuha iyon ng tiyahin niya na mukhang pera at hindi man lang siya binahagian. Matapos nitong makuha ang pera ay pinalayas siya at hinayaang magpalabuy-laboy sa kalye. Ngunit ‘di hinayaan ni Pia na wala siyang gagawin para mabuhay kaya napilitan siyang magtinda ng kendi, sigarilyo at iba pang puwedeng itinda sa labas ng simbahan para kumita.
Muling naulit ang masamang karanasan niya sa mayaman dahil isang araw habang nagtitinda ay bin@stos at hinipu@n siya ng isang matandang lalaki na tadtad ng mga alahas sa buong katawan. Inalok pa siya nito na sumama sa motel ngunit tumanggi siya at nagtatakbo palayo. Napag-alaman niya na mayaman ang lalaking iyon na mahilig mamingwit ng mga kabataang babae para sa panandaliang aliw.
“Isinusumpa ko ang mga mayayaman! Sana ay hindi na sila sumulpot sa mundo! Mga mapagsamantala, mga mapang-api at walang ginawa kundi apakan ang mga taong mababa sa kanila. Kinamumuhian ko sila!” sambit ni Pia sa isip.
Ngunit kahit natatakot na maulit ang nangyari sa kanya ay nilakasan niya pa rin ang loob na magtinda sa kalye at sa labas ng simbahan kung saan siya palaging nakapuwesto para mabuhay.
“Kendi, sigarilyo kayo riyan! Bili na kayo sa akin, mga guwapo at magaganda kong suki!”
“Mama, bili ka na ng panyo na may basbas ni Lord!”
“Ale, murang-mura lang itong paninda kong lucky charms kung gusto mong suwertehin habang buhay!” halos araw-araw na litanya niya.
Maya maya ay may matandang lalaki na lumapit sa kanya.
“Ineng, pabili ngang isang panyo at lucky charm na itinitinda mo,” sabi ng nakangiting matanda.
Nakahinga nang maluwag si Pia dahil sa wakas ay nakabenta rin siya. Tinitigan niya muna ang matanda bago niya ito pagbilhan. Nakita niyang simple lang ang pananamit nito at may suot pang lumang sapatos. Sa tingin niya ay hindi ito mayaman dahil hindi naka-kotse at walang alahas na suot kaya maayos niya itong kinausap.
“Naku, salamat po, manong. Kayo po ang buena mano ko. Eto po ang panyo na may bendisyon ni father at lucky charm para mas lalo po kayong suwertehin,” sagot niya.
Mula noon, araw-araw nang bumibili ng mga paninda niya ang matandang lalaki, na nagsabing tawagin na lang itong Lolo Simeon. Mabait ito at palagi siyang binibigyan ng pagkain.
“Salamat po, manong. Mabuti pa po kayo kahit mahirap, eh, nagagawang magbigay ng pagkain ‘di gaya ng mga mayayaman na madadamot na, mga wala pang magawang maganda sa kapwa nila,” himutok ni Pia.
Nabigla ang matanda sa sinabi niya.
“O, eh, bakit ganoon na lang ang galit mo sa mayayaman, ineng? Hindi naman siguro lahat ay madamot at masasama, mayroon din namang mapagbigay at marunong makipagkapwa-tao,” sagot ni Lolo Simeon.
“Galit po talaga ako sa mga mayayaman dahil sila ang may kagagawan kung bakit ulila na ako ngayon. Naaksidente po ng isang mayaman ang mga magulang ko, muntik na rin po akong pagsamantal*han ng isang many*kis na mayamang matanda kaya wala na po akong tiwala sa kanila. Lahat sila ay masasama at mga walang kuwentang tao!” hayag ng dalagita.
Lumungkot naman si Lolo Simeon nang marinig ang hinaing niya.
“Ineng, huwag mong husgahan ang ibang mayayaman. Hindi porket nakaranas ka ng ‘di maganda sa mayaman ay ganoon na rin ang iba. Hindi lahat ng tao ay pare-pareho,” tugon pa ng matanda.
Napaismid si Pia, ”Manong, kahit ano po ang sabihin niyo ay hindi magbabago ang pagtingin ko sa mga mayayaman na ‘yan! Teka, bakit niyo po ba sila ipinagtatanggol? Dapat nga po ay ako ang kampihan niyo dahil tulad ko ay mahirap din kayo,” sita ng dalagita sa kausap.
Hindi na nakakibo si Lolo Simeon at nagpaalaam na rin ito.
Mabilis na lumipas ang isang linggo, naroon pa rin sa puwesto niya si Pia. Mula noon ay hindi na nagpakita sa kanya si Lolo Simeon.
“Baka nagtampo sa akin si manong kaya hindi na nagpupunta rito at hindi na bumibili sa akin?” malungkot na tanong niya sa sarili.
Nakaramdam ng pagsisisi ang dalagita dahil sa sinabi niya rito. Sa isip niya ay naging mabait ito sa kanya at hindi nagpakita ng anumang kagaspangan. Kung bakit kasi tila kampi pa ito sa mayaman eh!
Nang sumunod na araw ay may pumarang kotse sa harap ng simbahan. Lumabas mula roon ang isang lalaking maayos ang pananamit. Mukhang mayaman.
“I-ikaw ba si Pia, hija?” tanong nito.
Napakunot ang noo niya dahil mayaman ang nasa harapan niya ngunit sinagot naman niya ito nang maayos.
“Opo. Bakit po?”
“Ipinapasundo ka ni Lolo Simeon. Nais ka raw niyang makita,” tugon ng lalaki.
Nang marinig niya ang pangalan ng matanda ay hindi niya napigilan ang sarili na sumama sa lalaki at sumakay sa magarang kotse. Tanong niya sa isip ay kung bakit gusto siyang makita nito? Bakit sinundo pa siya ng lalaking ito na may magandang kotse? Ngunit wala na siyang pakialam, may kung anong bumubulong sa puso niya na gusto niya ring makita ang mabait na matanda.
Ilang minuto lang ay narating na nila ang bahay ni Lolo Simeon. Laking gulat niya nang makitang mala-palasyo ang pinagdalhan sa kanya ng lalaki.
“Ganito ba ang bahay ng mga mayayaman?” mangha niyang bulong sa isip. I-ibig sabihin, si Lolo Simeon ay…
Biglang lumitaw ang matanda at sinalubong siya.
“Kumusta ka na, ineng?” nakangiting bati nito.
Hindi pa rin makapaniwala si Pia sa natuklasan niya. Gusto niyang magalit ngunit biglang lumambot ang puso niya nang makita ang matanda.
“L-lolo S-Simeon… m-mayaman po k-kayo?” nauutal niyang tanong.
“Oo, ineng. Ang lahat ng nakikita ng iyong mga mata ay pag-aari ko. Ako si Don Simeon De Altamera. Ipinasundo kita sa abogado kong si Atty. Ramirez dahil simula ngayon ay dito ka na titira sa bahay ko,” sagot ng matanda sa kanya.
Napamulagat si Pia at mas lalong hindi nakapagsalita.
“Hindi ako mahilig magsuot ng magagandang damit, hindi rin ako nagsusuot ng mga alahas. Kita mo naman, simple lang ang aking kasuotan dahil kinikilala ko pa rin ang aking pinagmulan. Dati rin akong mahirap na nagsikap kaya narating ko kung nasaan ako ngayon. Hindi lahat ng mayayaman ay gumagawa ng masama at nananamantala sa ibang tao. Mayroon din akong mga kakilala na nakaapak pa rin ang mga paa sa lupa at tumutulong sa mga nanganagilangan. Sa murang edad ay pinahanga mo ako sa determinasyon mong mabuhay sa kabila ng iyong mga pinagdaanan, kaya gusto kong kupkupin ka at ituturing kita na tunay kong anak. Hindi ka na magtitinda sa kalye. Matanda na ako at walang pamilya, ayokong mag-isa sa bahay na ito kaya maaari mo ba akong samahan?” bunyag ni Lolo Simeon.
Napaiyak si Pia sa ipinagtapat ng matanda. Hindi niya akalain na totoo pala ang sinabi nito na hindi lahat ng mayayaman ay kasuklam-suklam, mayroong katulad ni Lolo Simeon na may mabuting kalooban.
Napayakap siya sa matanda at napahagulgol.
“Patawad po, Lolo Simeon,” aniya na puno ng pagsisisi.
“Tahan na, ineng. Simula ngayon ay ako na ang pamilya mo,” nakangiting tugon ng matanda.
Pinag-aral din siya ni Lolo Simeon at ‘di nagtagal ay nakapagtapos siya at ngayon ay isa nang ganap na abogado. Lumipas ang mga taon at pumanaw na rin ang matanda at sa kanya ipinamana ang malaking bahay nito, lahat ng kayamanan at mga negosyo. Si Lolo Simeon pala ay isang mayamang mangangalakal na nagmamay-ari ng maraming negosyo sa bansa. Labis niyang ipinagpapasalamat na kahit saglit na panahon lang sila nagkasama ng matanda ay pinili pa rin nitong maging tulay para magbago ang buhay niya’t paniniwala.