
May Taning na ang Buhay ng Lalaki Ngunit May Makikilala Siyang Babae na Tila Nababaliw; ‘Di Inasahan na Magugustuhan Niya Ito
Matapos basahin ng doktor ang resulta ng laboratory test ay biglang nanikip ang dibdib ni Nieves.
“O, ang kaawa-awa kong anak,” hagulgol ng ginang.
“Kung ako ang masusunod, misis, dapat ay ipaalam na natin sa inyong anak ang tunay niyang kalagayan,” payo ng doktor.
May taning na ang buhay ng kanyang anak na si Hans. Malubha na ang sakit nitong k*nser sa dugo. Nang ipaalam niya rito ang kondisyon, imbes na mabahala ay hindi ito nagpakita ng takot o kalungkutan.
“Don’t cry for me, mama. Hiram lang naman ang buhay nating lahat, eh,” sabi ng lalaki sa ina.
“Y-you’re too young, anak. You’re too young,” patuloy na iyak ni Nieves habang yakap-yakap ang kanyang unico hijo.
Para kay Hans ay wala siyang dapat na ikatakot o ikalungkot na malapit na siyang mawala dahil ang palagi niyang sinasabi…
“Too young to d*e? E, ano ngayon? Basta ba may magandang alaala akong maiiwan sa mundo,” aniya sa sarili.
Kaya inuubos niya ang mga nalalabi niyang oras at panahon sa mga makabuluhang bagay gaya ng pagtulong sa kapwa at mga nangangailangan. Lumaki sa mayamang pamilya si Hans kaya marami siyang pera, pero para sa kanya ay hindi naman ito madadala sa hukay kaya mabuti nang ibahagi niya ito sa iba. Kahit pa may pinagkakaabalahan ay nakakaramdam pa rin siya ng pag-iisa.
“Hayyy… parang kulang pa ang mga ginagawa ko para tuluyang maging masaya habang naghihintay ng aking kamat*yan,” bulong niya sa isip.
Minsan, habang mag-isa siyang namamasyal sa parke ay nakuha ang kanyang atensyon ng isang boses.
“’Di mo ako aabutan!” wika ng isang babae.
Nang lingunin niya ito ay ‘di niya napigilang matawa.
“Ang kupad-kupad mo talaga! Bilis pa!” bungisngis pa ng babae na aliw na aliw na kinakausap ang sarili.
“Naloloka na yata ang babaeng ito ah!” bulong ni Hans sa isip.
Hindi niya napigilan ang sarili na punahin ito.
“Sino ang kausap mo, miss?” tanong niya.
Nagulat naman ang babae nang pansinin niya.
“H-ha? W-wala! Mag-isa lang naman akong tumatakbo, ah!” sagot nito na tila napahiya.
May bigla na lang kung anong lumabas sa bibig ng lalaki.
“G-gusto mo, samahan kita?” tanong ni Hans na kalauna’y nabigla sa sinabi niya.
Pinamulahan ng pisngi ang babae.
“A, eh, baka isipin mo na totoong baliw ako, ah! Pinapasaya ko lang ang sarili ko dahil palagi akong nag-iisa, kaya naisip kong kunwari ay may kasama akong tumatakbo rito sa park,” tugon ng babae na nagpakilalang si Gigi.
Naging interesado si Hans sa babae kaya nagpakilala rin siya rito at nakipagkuwentuhan. Ganoon din ito na mabilis na nakagaanan siya ng loob. Kahit isang beses pa lang silang nagkita ay naging magkaibigan na sila at palagi nang magkasamang namamasyal. Parehong walang sabit ang dalawa kaya mabilis ding nahulog ang loob nila sa isa’t isa. Nalaman ni Hans na ulilang lubos na si Gigi at mahilig din pala itong tumulong sa mga kapuspalad kaya mas lalo siyang humanga sa babae dahil bukod sa matibay itong namumuhay na mag-isa ay may mabuting puso rin ito, hanggang ang pagkakaibigan nila ay nauwi na sa pag-iibigan.
Kung dati ay mag-isang namamasyal si Hans at mag-isang tumatakbo-takbo si Gigi, ngayon ay magkasama na silang nagpapakasaya sa paghahabulan sa parke na paborito nilang pinupuntahan.
“’Di mo ako aabutan!” masayang sabi ni Gigi kay Hans habang hinahabol siya nito.
“’Yan ang akala mo!” sagot ng lalaki na tuwang-tuwang humahabol sa kanya.
Nang mapagod ang dalawa ay umupo muna sila sa ilalim ng malaking puno. Habang nagpapahinga ay seryosong nagtanong si Hans.
“Sabihin mo nga ang totoo, Gigi. ‘Di ka ba nalulungkot na mag-isa ka lang na ginagawa ang pagtakbo-takbo rito sa park?”
Tinawanan lang siya ng kausap.
“Loko ka talaga! ‘Di naman ako nag-iisa, eh, ‘di ba magkasama tayong naghahabulan kanina?” pilisopo nitong sagot.
“I mean, ‘di ka ba nalulungkot na mag-isa ka lang na ginagawa iyon dati?”
Naging seryoso ang mukha ni Gigi.
“Malungkot, pero hindi ko iniisip ‘yon. Gusto kong mas mangibabaw sa akin ang kasiyahan kaysa kalungkutan,” tugon ng babae.
Matagal na hindi naka-imik si Hans.
“D-don’t tell me na pareho tayo?” tanong niya.
“Huwag mong sabihin na nagbabaliw-baliwan ka rin?” gulat na napatingin ang babae sa kanya.
Tumawa nang malakas ang lalaki.
“O, bakit ka natawa? Sa tingin ko’y nagsasaya-sayahan ka lang naman din, eh. Don’t tell me I’m wrong, kukutusan kita!” tila inis na sabi ni Gigi.
“Hindi naman halatang peke? Sa tunog ba naman ng tawa kong ito, eh,” tugon ni Hans.
Umusad ang araw na magkasama sila hanggang sa sumapit na ang paglubog nito. Oras na ng pamamaalam.
“Mag-gagabi na pala? Kailan uli tayo magkikita?” tanong ng lalaki.
Lumungkot ang mukha ni Gigi.
“H-hindi ko alam. Maaaring bukas, puwedeng sa susunod na araw o b-baka hindi na,” sagot ng babae na ‘di na napigilang maiyak. “’Di ako tulad mo na mahaba pa ang panahon, Hans, dahil ang buhay ko’y nasa dapit-hapon na. Naghihintay na lang ako ng biyahe paalis. Nagbabaliw-baliwan ako at pinaliligaya ang aking sarili dahil gusto kong umalis na masaya, na hindi ramdam ang pag-iisa,” dagdag pa nito.
Malinaw ang mensaheng gustong ipakahulugan ni Gigi kaya naunawaan iyon ni Hans na natuwa pa sa sinabi nito.
“Ibig mong sabihin, malapit ka na rin? Ako rin, Gigi, malapit na rin ang biyahe ko. Nag-aantay na lang din ako ng takdang oras,” sagot ng lalaki.
“H-ha?”
Ikinagulat ni Gigi ang ipinagtapat ni Hans. Ang lungkot sa mukha niya ay napalitan ng kaligayahan. May k*nser sa dugo si Hans at may leukemia naman siya. Pareho silang may taning na ang buhay.
“Ipangako mo, Hans, sabay tayong aalis ha? O kung hindi ay hintayin natin ang isa’t isa kung sino man ang mauunang umalis,” wika ni Gigi.
“Pangako, sabay tayong aalis. Kung mauuna ako ay hihintayin kita roon sa aking pupuntahan. Ikaw din ha? Kapag nauna ka’y hintayin mo rin ako ha?” tugon ni Hans na tumulo na rin ang luha sa mga mata.
“Oo, Hans, hihintayin kita. Salamat at dumating ka sa buhay ko. Ngayon ay hindi na ako mag-isang lilisan, mahal kita, Hans, mahal na mahal,” humihikbing sagot ni Gigi na napakayakap na kay Hans.
“Mahal na mahal din kita, Gigi. Napakasuwerte ko dahil nakilala ko ang tulad mo. Huwag kang mag-alala, hindi kita iiwan. Magkasama nating itutuloy ang ating pagmamahalan sa kabilang buhay,” tugon ni Hans na mas lalong humigpit ang yakap sa kasintahan.
Ipinakilala ni Hans si Gigi sa inang si Nieves na agad naman nitong nakasundo. Ilang linggo lang ay nagpakasal sila ngunit ‘di nagtagal ay sabay din silang pumanaw dahil tuluyan na silang nagapi ng kani-kanilang karamdaman. Tinupad nila ang pangako sa isa’t isa na sabay na aalis at muling mabubuhay sa lugar kung saan wala na silang mararamdamang hirap at sakit at malaya na ipagpatuloy ang kanilang pag-iibigan.