
Naabot na ng Misis na Ito ang Inaasam Niyang Pangarap; Nakagugulantang Pala ang Kaakibat Nito
Bilang panganay na anak si Dianne ay ibinuhos niya muna ang kaniyang lakas, oras, at lahat ng perang kinikita sa kaniyang pamilya. Kaya naman noong pumatong siya sa edad na trenta’y singko ay saka niya pa lamang napagpasyahang ituloy ang kaniyang pangarap ngunit kasabay din nito ang pagtibok ng kaniyang puso. Masasabi niyang swerte nga raw siya dahil sinuportahan siya ng kaniyang mister sa desisyong ipagpaliban muna ang pagkakaroon ng anak at unahing matupad niya ang minimithi sa kaniyang karera sa buhay.
“Peter, ito na! Handa na talaga ako, salamat sa paghihintay sa akin at sa pagmamahal. Maraming maraming salamat!” naiiyak na sabi ni Dianne sa kaniyang mister nang lumabas na ang resulta at nakapasa na siya sa pagiging abogado.
Hindi nagsalita ang lalaki at niyakap lamang siya nito. Saka niya nakumbinse ang lalaki na magpatingin sila sa doktor para nga mabilis silang makabuo lalo na nga sa edad ni Dianne.
“Bakit pakiramdam ko, masama ang loob mo sa ginagawa nating ito? Hindi ba’t ikaw ang may gustong makabuo na tayo kaagad kaya nga magpapatingin tayo para malaman natin ang mga dapat gawin?” mahinahong tanong ni Dianne sa kaniyang asawa habang hawak nito ang kaniyang kamay at tinititigan ang kanilang mga singsing.
“Dianne, doktor ako at alam ko sa sarili kong wala akong problema. Ikaw ang magdadala ng bata at sa edad mo na ito, alam nating dalawa na ikaw ang pinaka may kailangan gawin, ihanda o ayusin,” malamig na wika ni Peter sa kaniya.
“Salamat sa paghihintay. Alam kong hindi magiging madali ang sasabihin kong ito para sa inyong dalawa pero may pag-asa pa naman kahit na may problema ang isa,” saad ng doktor na lumabas hawak ang isang papel.
“Tingnan mo na, kakahintay natin na maabot mo lahat ng pangarap mo ay ito na ang naging resulta. Kung pinagsabay lang sana natin ang pagkakaroon ng anak habang nag-aaral ka ay baka may elementarya na tayong pinag-aaral ngayon,” mabilis na komento ni Peter sa kaniya at sobrang dismayado ng itsura nito.
“Patawarin mo ako, Peter,” nangingilid na luha ni Dianne.
“Doc, paano po ba ang dapat kong gawin para mabuntis nang maayos at makapagdala ng buhay sa sinapupunan ko?” malungkot na tanong muli ng babae sa doktor.
“Sa totoo lang ay maayos pa ang lahat sa’yo, kaya mo pa ngang magbuntis ng kambal kahit sa edad mong iyan. Ang problemang sinasabi ko ay sa’yo, Peter, ikaw ang may deperensiya. Mababa ang bilang ng mga sem*lya mo upang makabuo kayo ng anak ni Dianne,” paliwanag ng doktor sa lalaki.
Hindi makapaniwala si Peter at mabilis itong napatayo.
“Isa itong malaking pagkakamali, doktor din ako at mali ‘yang resultang sinasabi mo!” galit ngunit natatawa-tawang baling ni Peter dito saka mabilis na lumabas at iniwan si Dianne.
Hindi naman umimik pa ang babae at nagtagal pa nga ito ng ilang araw.
“Ano, ganito na lang ba tayo? Hindi tayo mag-iimikan? Paano pa tayo makakabuo niyan?” basag ng babae sa kanilang katahimikan.
“Bakit hindi mo sabihin ang gusto mong sabihin sa akin? Ako ang may kasalanan ng lahat katulad ng pagsisi ko sa’yo noong una! Bakit hindi mo sabihin lahat ng iyon?!” baling ni Peter sa kaniya.
“Ibig mo bang sabihin na sa loob ng halos limang taon ay araw-araw mo akong sinisisi na wala pa tayong anak?” balik ng babae sa kaniya.
“Oo! Sa totoo lang, nagkaroon na ako ng ibang babae pero hindi ko sila nabubuntis dahil buong akala ko’y maingat lang ako pero hindi pala. Nasa akin pala ang lahat ng sisi, napakalaki ng kasalanan ko sa’yo, Dianne, wala akong mukhang maiharap ngayon dahil kahit anong gawin natin ay hindi na tayo magkakaroon ng pamilya. Abogado ka na, pwede mo na akong iwan,” naiiyak na siwalat ni Peter sa kaniya saka ito humarap sa pader at doon binuhos ang kaniyang galit.
“Ang dami kong kasalanan sa’yo, lihim kong sinusuka ang relasyon natin noon dahil napapagod na ako sa ganitong sitwasyon, gusto ko ng anak ngunit ayaw mo. Kaya sabi ko noon sa sarili ko, sa oras na makabuo ako ng bata sa ibang babae ay iiwan na kita. I’m sorry, Dianne, sa dami ng ginawa kong pagkakamali, ako rin pala ang aani nito lahat sa huli, kaya kung iiwan mo ako ay hindi kita maaaring pigilan. Wala akong kwentang lalaki,” dagdag pa nito.
Saglit na hindi nakapagsalita si Dianne. Galit, pagkabigla, pagtataksil, pangarap, at buong buhay niya ang kaniyang nakikita sa mga oras na ito. Para bang mabilis itong umiikot sa kaniyang utak na hindi niya namamalayan kung paano pipigilan. Ngunit tinitigan niya ang kaniyang singsing, ang pangakong binitiwan niya sa altar at saka niya muling sinulyapan ang mister na lumong-lumo sa kaniyang sarili.
“Iwan mo na ako, niloko kita, Dianne, wala na rin akong mabibigay na anak sa’yo, ito na ang karma ko,” muling iyak ni Peter sa kaniya.
“Hindi kita iiwan, Peter, dahil hindi noon masosolusyunan ang problema natin. Pagpapatawad at pagtanggap sa mali ang kailangan nating matutunan. Mahal kita at sa tingin ko, pareho tayong may natutunan sa pangyayaring ito,” sabi ni Dianne habang pumapatak ang kaniyang mga luha.
Alam ni Dianne na maraming kukwestyon ng desisyon niyang iyon sa kaniyang asawa lalo na nga nang malaman niya ang mga pangloloko nito sa kaniya. Ngunit alam din niya sa sarili na hindi niya maaring ibigay ang lahat ng sisi sa lalaki dahil aminado siyang malaki ang kaniyang pagkukulang dito. Gayunpaman, alam niyang sa mabilis niyang pagpapatawad na iyon ay mas mabubuhay silang dalawa sa kasalukuyan at hindi sa nakaraan.
Napayakap na lang din ang lalaki sa kaniyang misis. Sa mga oras na iyon ay pareho nilang napagtanto na ang pagpapamilya ay hindi natatapos sa pagpapakasal at hindi rin ito masusukat sa pagkakaroon ng anak. Dahil ang pamilya ay isang pangako, dedikasyon na walang aayaw sa oras ng pagsubok. Nalampasan nila ang pagsubok na ito kahit nga hindi na sila nagkaroon pa ng sarili nilang supling. Nag-ampon na lamang sila at nagsimula ng bagong pamilya. Ngayon ay mas matibay na ang kanilang relasyon, at sigurado silang kahit ano pang unos ang dumating ay kaya nilang harapin at lampasan nang magkasama.