Inday TrendingInday Trending
Kinakahiya ng Binata ang mga Magulang na Panay ang Bangayan; May Pag-asa Pa Kayang Magbago ang Kanilang Pamilya?

Kinakahiya ng Binata ang mga Magulang na Panay ang Bangayan; May Pag-asa Pa Kayang Magbago ang Kanilang Pamilya?

“Ay, salamat po talaga sa paghatid, tito at tita! Ingat po kayo,” sambit ni Ross sabay paalam sa kaklase niyang si Martin. Ginabi siya sa bahay ng mga ito dahil sa ginagawa nilang proyekto. Namangha siya sa kabaitan ng mama at papa ni Martin dahil talaga namang ‘di siya hinayaan ng mga ito na umuwing mag-isa at hinatid pa siya hanggang sa kanila.

“Sige kita tayo bukas, bro!” paalam ni Martin pagkababa niya. Pag-alis ng sasakyan ay pumasok na agad si Ross sa bahay, ngunit nasa gate pa lang siya ay rinig niya na kaagad ang sigawan ng ama’t ina sa loob ng bahay.

“Ano ba naman, Romel?! Nakailang pabilin pa ako sa iyo na bantayan mo dahil baka masunog, ayan na nga! Tutok na tutok ka kasi diyan sa pinanonood mo eh,” nakapamewang na sabi ni Layla sa asawang si Romel na nakaupo naman sa sofa.

“Eh ayan na eh, mag-order ka na lang ng pagkain kung nasunog! Ano pang magagawa natin?” nakasigaw na sagot naman ni Romel. Dahil nasa kainitan ng hiritan ay ‘di man lang napansin ng mag-asawa na nakauwi na si Ross. Sanay naman na si Ross sa eksenang iyon dahil iyon lagi ang nakasanayan niya simula bata pa siya. ‘Di niya yata nakitang nag-usap nang mahinahon ang dalawa. Ngunit kahit sanay na siya, dahil sa nakitang pagmamahal sa pamilya nina Martin kanina ay hindi niya maiwasang ikumpara dito ang mga magulang niya.

Nang isara niya ang pinto ng kwarto ay doon lang siya namataan ng kaniyang ina. Agad itong kumatok at nagtanong kung kumain na siya na ang sagot niya naman ay oo. Hanggang sa nakahiga na siya ay bungangaan na naman ang narinig niya. Napabuntong hininga na lang siya at hiniling na sana ay nasa ibang lugar siya.

Kinabukasan, sinuhestyon ni Martin na kina Ross naman sila gumawa ng proyekto dahil may kukumpunihin sa bahay nito.

“Ah, eh… naku, baka maingay sa amin ngayon eh. Sa ibang araw na lang. Hanap na lang muna tayo ng ibang lugar,” sabi ni Ross.

Hindi lang iyon ang pagkakataong nahiya siya sa sarili dahil alam niyang sa isipan niya ay kinahihiya niyang makita ng mga kaibigan niya ang kaniyang mga magulang. ‘Di niya namalayan na unti-unti na rin pala siyang napupuno ng inis at galit sa mga magulang niya na walang ginawa kundi magtalo.

Nang gabing iyon na pati channel sa telebisyon ay pinag-iinitan ng mga ito ay bigla na lang sumabog ang damdamin ni Ross. Tumayo siya at hinugot sa saksakan ang telebisyon at saka nagdadabog na pumunta sa kaniyang kwarto. Tila natigilan naman ang dalawa sa inasal ng anak na sa pagkakakilala nila ay tahimik lang. Nang gabing iyon, walang narinig na pagtatalo si Ross. Hindi niya maintindihan ang nararamdamang galit at inis sa dalawa. Bakit ‘di na lang maghiwalay ang mga ito kung ganoong tila galit na galit ang mga ito sa isa’t isa? Inggit na inggit ang pakiramdam niya tuwing nakakakita ng pamilyang payapa at puno ng pagmamahalan.

Saktong malapit nang sumapit ang araw ng pagtatapos ni Ross kaya kailangan na silang kuhanan ng litrato habang suot ang toga.

“Maganda na maisama ninyo ang mga magulang niyo para mas maging memorable ang larawan niyo,” sabi ng kanilang guro. Tuwang-tuwa ang kaniyang mga kaklase habang si Ross ay nabura ang ngiti sa mga labi. Ayaw niyang mapahiya siya sa harap ng mga ito kaya’t nagpasya siyang huwag na lang ipaaalam sa mga magulang ang takdang araw ng pagkuha ng mga larawan. Bagsak ang balikat na umuwi si Ross at dumiretso sa kaniyang kwarto.

Matapos lang ang ilang sandali ay kinatok siya ng mga magulang.

“Anak? Pwede ba kaming pumasok?” tanong ni Layla. Hindi siya sumagot kaya umalis na lang ang mga ito. Sa loob-loob niya ay alam niyang hindi maganda ang kaniyang ginagawa ngunit gusto niyang maparating sa mga magulang ang hinanakit niya.

Araw ng kuhanan ng larawan, mag-isang pumunta sa eskwelahan si Ross. Pinili niyang magmukhang masaya para sa mga kaibigan niya kahit inggit na inggit siya sa mga larawan ng mga ito kasama ang kani-kanilang mga pamilya. Habang pinagmamasdan ang mga ito ay napagtanto ni Ross na kahit kailan ay hindi sila nagkaroon ng family picture. ‘Di rin sila kumakain sa labas, o gumagawa ng kahit anong sama-sama sa pamilya kaya lalo siyang nalungkot.

Nang siya na ang kukuhanan ng litrato ay tinanong siya ni Martin kung nasaan ang mga magulang niya.

“Ahh ano, busy kasi sila eh. Okay lang, bro!” masayang sabi ni Ross na pinipilit pigilan ang nangingilid na luha.

“Busy? Nasa labas sila kanina pa, Ross,” sambit ng guro nila. Kumabog ang puso ni Ross sa sinabi ng guro. Naguguluhan siyang sumilip sa labas ng kanilang silid-aralan. Nakita niyang nakatayo nga roon ang kaniyang mga magulang. Tila nahihiyang nakangiti ang mga ito sa kaniya. Doon na tuluyang napaiyak si Ross at niyakap ang mga ito.

“Patawad, anak, kung parati kaming nagbabangayan ng mama mo. Nasanay na lang kami na ganoon ngunit ‘di namin naisip na nasasaktan ka na pala. Sana ay hayaan mo kaming bumawi sa iyo,” naluluhang wika ng Papa Romel niya. Humingi din ng tawad si Ross sa mga ito.

Matapos ng madramang tagpo sa labas ng silid-aralan ay tila nahihiya si Ross ngunit ngayon ay hindi na para sa kaniyang magulang kundi dahil nakita siyang umiyak ng mga kaklase niya. Gayunpaman ay matatamis at tunay na mga ngiti ang pinakita niya sa harap ng kamera dahil totoong nag-uumapaw sa saya ang kaniyang puso.

Hindi perpekto ang kaniyang mga magulang ngunit hindi iyon dahilan para ikahiya niya ang mga ito. Sa huli, hindi rin naman siya perpektong anak, at walang perpektong pamilya. Ngunit basta may pagmamahal, kaya nitong tapalan ang anumang imperpeksyon ng bawat isa.

Advertisement