Inday TrendingInday Trending
Magulo Man ang Buhay Noon ng Lalaking Ito ay Ninais Niyang Magbago Kahit Hadlang ang Marami; Magbabago pa Pala ang Takbo ng Kaniyang Buhay

Magulo Man ang Buhay Noon ng Lalaking Ito ay Ninais Niyang Magbago Kahit Hadlang ang Marami; Magbabago pa Pala ang Takbo ng Kaniyang Buhay

Pagod na umuwi ang lalaking si Ken, edad tatlumpu, mula sa kaniyang pagtatrabaho bilang isang construction worker. Kahit na nakapagtapos siya hanggang ikalawang taon sa kolehiyo, hindi na ito ang nakikita ng mga tao sa kaniya, dahil kakalaya lamang niya mula sa pagkakakulong nang dahil sa ipinagbabawal na gamot at pagnanakaw.

Matagal man siyang nanatili sa loob ng piitan, marami pa ring pangarap si Ken. Nais pa rin niyang matapos ang pag-aaral sa kursong pagtititser. Ngunit hindi na ito posible ngayon dahil sa kaniyang edad at inabandona na rin siya ng kaniyang pamilya.

“Oh, ito na Makoy, masarap na biskwit ‘yan ha. Binili ko pa ‘yan doon kina Aling Tess! Sarap niyan! Pero matitigil ‘yan kapag nabalitaan ko pang naninigarilyo ka, ha?”

“Ikaw naman Nok-nok, tinigil mo na ba pagsisinghot mo diyan? Hindi na kita bibigyan ng pagkain kapag narinig ko pa na gumagamit ka pa rin ha?”

Ito ay ang araw-araw na sambit ni Ken sa mga binatang kaniyang tinutulungan. Simula kasi nang siya ay lumaya at nagkaroon na ng kinikita, maliit man ito ay hindi ito dahilan upang tumigil siyang gumastos para matulungan ang ilan sa mga kabataang kaniyang nakakatagpo. Lahat kasi ng mga ito ay patapon na raw ang buhay subalit pinagtitiyagaan ni Ken na mapaisip sa mga ito na hindi tama ang kanilang ginagawa at mayroon pa silang pag-asang mabago ng tinatahak na landas.

“Hoy, Kenzo! Upa mo ha? Sinasabi ko sa iyo, ang dami dami mong pinapatulog na mga kung sino sino diyan sa loob! Papalayasin na kita, alam mo namang nakiusap ka lang sa’kin kaya kita pinatira diyan!” galit na singhal naman ni Manang Carlita na may-ari ng kaniyang bahay na inuupahan.

“Opo, mag-aabot ho ako sa susunod na buwan,” maiksing sagot niya rito.

Dumaan ang mga araw na hindi napagod si Ken na gabayan ang mga kabataang nawalan na ng direksyon sa kanilang buhay. Isang araw, nabalitaan na lamang ni Ken na nahuli raw si Makoy ng mga pulis dahil sa ipinagbabawal na gamot. Dahil menor de edad pa ang bata at wala nang mga magulang, agad siyang bumale sa kaniyang amo upang makapagpiyansa at mailabas niya si Makoy mula sa kulungan. Nang makauwi sila, tumingin ang binata sa kaniya at niyakap siya nito kasabay ng malakas na atungal. Kitang-kita kung gaano katakot ang nararamdaman ng binata hanggang sa dumating si Ken upang muli siyang iligtas.

Dumaan ang isang buwan, nang makauwi si Ken, nakita niya si Makoy sa harap ng kaniyang nakasaradong bahay. Sinara na raw ni Manang Carlita ang bahay dahil hindi siya makapagbayad. Naroon na rin sa labas ang kaniyang mga gamit na binabantayan ni Makoy. Agad siyang nakiusap sa matanda na matigas pa rin ang kalooban na muling pagbuksan ang bahay. Buti na lamang at mayroong isang libong piso na natitira si Ken na ipanggagastos sana niya para may makain sila. Iniabot niya ito sa matanda at agad naman nitong binuksan ang bahay.

Isang gabi, kahit na hapo na ang katawan, minabuti pa rin ni Ken na lumabas ng bahay upang tingnan sina Noknok at iba pang mga kabataan na kaniyang tinutulungan. Dito, nakita niya ang binata na bago sa kaniyang paningin.

Malakas ang buhos ng ulan at nanginginig pa ang binata habang nakatayo ito sa sulok na mayroong bubong. Ramdam nila ang ampyas nang pumasok siya at tinabihan ang binata. Iniabot niya ang tuwalya upang ipambalot at mapatuyo ng binata ang kaniyang sarili.

“Ano’ng pangalan mo? Ako si Ken. Diyan lang ako nakatira, sa may paupahan ni Manang Carlita,” tuloy tuloy na sambit ni Ken habang nakatalikod naman sa kaniya ang binata at nagpapakita ng kawalan ng interes na makipag-usap.

Isang malakas na kulog at kidlat ang biglang tumama na nagresulta sa panginginig ng binata. Nawalan ito ng malay at kaagad niya itong dinala sa kaniyang bahay. Sira sira na ang damit nito na agad niyang pinalitan. Inaapoy rin ng lagnat ang binata kung kaya’t halos hindi natulog si Ken sa pagbabantay sa binatang hindi naman niya kilala.

Kinabukasan, alerto ang binata na sunod sunod na itinanong kay Makoy kung nasaan siya at sino ang kaniyang mga kasama. Ngunit nang kumalam nang malakas ang kaniyang sikmura, agad siyang inabutan ng lugaw ni Makoy at kumain ang dalawa nang magkasabay. Nagkwentuhan ang dalawa hanggang sa magpalagayan na sila ng loob dahil pareho lamang ang kanilang edad.

Nang makauwi si Ken galing trabaho, agad niyang sinuri ang kalagayan ng binata na nagpakilala bilang si Elle. Mabuti na ang lagay nito at sinabing wala na raw siyang mga magulang na mauuwian. Kahit na alam ni Ken na wala siyang maipapakain sa mga kinupkop niya, hindi siya nag dalawang-isip na kupkupin din si Elle kaysa naman masira lamang ang buhay nito sa lansangan.

Payapa at simple ang pamumuhay ng tatlo sa munti at tagpi-tagpi nilang bahay. Hanggang sa isang araw, muling dinakip ng mga pulis si Ken sa kasong kidn*pping.

“Siguraduhin ninyong makukulong habang buhay iyang lalaking ‘yan at hindi na makakalaya pa!” galit na wika ng tatay ni Elle na mayamang may-ari pala ng sikat na mga hotel sa siyudad.

Walang kaalam-alam si Ken na matagal na palang pinaghahanap si Elle ng kaniyang mga magulang dahil lumayas ito sa kanilang bahay. Hanggang sa nagsuplong sa mga pulis si Manang Carlita at kumuha ng pabuya. Habang nasa piitan, ang tanging pinag-aalala lamang niya ay ang kalagayan ni Makoy. Nagdaan pa ang mga araw at sinugod sa ospital si Ken.

“Kailangan mo ng bagong kidney dahil kung hindi, baka isang linggo lamang ay hindi ka na tumagal,” malungkot na balita ng doktor ang narinig ni Ken at ni Makoy.

Alam ni Ken na wala nang pag-asang maoperahan siya dahil wala siyang pamilya at pera upang maging matagumpay sa operasyon. Minabuti na lamang ni Ken na pangaralan si Makoy sa kaniyang natitirang isang linggo. Nagsisisi man siya sa kaniyang mga maling desisyon noon, masaya pa rin siya dahil mayroon siyang natulungang magbago na mga kabataan tulad ni Makoy.

Isang tanghali, hinang-hina na si Ken at muling nagpakita sa kaniyang harapan si Elle na patuloy na humihingi ng tawad sa kaniya.

“Ssh. Wala iyon, wala kang kasalanan. Basta tandaan mo lahat ng tinuro ko sa’yo at ang kwento ng buhay ko ha,” habilin ni Ken sa binata at tuluyan na siyang nawalan ng malay.

Nanghihina na binuksan ni Ken ang kaniyang mga mata at naroon ang maliwanag na bintana. Akala niya ay nasa langit na siya ngunit narinig niya si Makoy na tinatawag siya. Matagumpay na naoperahan si Makoy sa tulong ni Elle at ng kaniyang mga magulang. Inurong na rin ang kaso laban sa kaniya dahil nakumbinsi ni Elle ang kaniyang mga magulang ukol sa totoong nangyari. Tinulungan ng mga magulang ni Elle na magkaroon ng maayos na trabaho si Ken at muling nabuhay sina Makoy at Ken nang masaya habang patuloy siyang naghahanap ng mga kabataan upang tulungan niyang makabangon muli.

Advertisement