Inday TrendingInday Trending
Desperada ang Ginang na Mayroon Siyang Sakit; Totoo Nga Kaya Iyon o Nasisiraan Lamang ng Ulo si Misis?

Desperada ang Ginang na Mayroon Siyang Sakit; Totoo Nga Kaya Iyon o Nasisiraan Lamang ng Ulo si Misis?

Kumaripas ng takbo paakyat ng hagdan si Danny nang marinig ang malakas na kalabog na nanggaling sa kanilang silid. Pagkapasok sa loob ay nakita niya ang namimilipit pa sa sakit na kaniyang asawa matapos nitong mahulog dahil sinusubukan daw nitong tumayo sa sarili niyang mga paa. Agad niya itong binuhat pabalik sa kama at minasahe ang bandang balakang nito upang mapawi kahit paano ang sakit mula sa pagkabagsak.

“Kailangan kong pumunta ng ospital, Danny,” marahang salita ng nanghihinang si Hilda.

“Bumagsak ka lang naman. Palagi naman itong nangyayari kapag sinusubukan mong tumayo. Kapag matigas ang ulo mo,” tugon naman ng kaniyang mister.

“Eh may masakit eh! Kailangan kong pumunta ng ospital para masuri ako nang maayos ulit. Malay mo, ngayon, makita na nila kung ano’ng sakit ko,” muling tugon naman Hilda.

“Hindi. Walang pupunta ng ospital dahil wala kang sakit. Tatlong beses na tayong nagpapa-doktor at lahat sila sinasabing mahina lang talaga ang mga buto mo kaya hindi ka makalakad. Iyon na ‘yon! Huwag ka nang mangulit pa ulit!” galit na tugon naman ni Danny at halata ang pagkainis nito dahil sa pangungulit ng asawa.

Walang nagawa si Hilda kundi ang manahimik dahil tama naman ang sinabi ng kaniyang mister. Sampung taon na ang nakakalipas nang una niyang maramdaman ang panghihinga ng kaniyang mga binti, pagkahilo, at pagkawala ng balanse sa katawan. Hindi rin nagtagal at hindi na siya makatayo nang walang tungkod man lang. Ilang mga doktor at ospital na rin ang kanilang pinuntahan upang magpakonsulta ngunit pare-pareho nitong sinasabi na mahina lamang ang mga buto ni Hilda. Subalit hindi ito tanggap ng misis dahil alam niya sa kaniyang sarili na mayroon siyang sakit na hindi malaman ng mga doktor.

Maya maya lamang ay dumating sa silid ang kanilang anim na taong gulang na anak na si Dennise. Yumakap ito sa kaniyang mga magulang na halos nagtatalo na. Buti na lamang at hindi na iyon lumaki pa. Bumaba sila upang kumain ng hapunan na inihanda naman ni Danny.

Ilang mga araw pa ang lumipas, tumitingin lamang si Hilda ng mga litrato nila noong siya ay dalaga pa at noong sila ay ikasal ni Danny. Hindi niya namamalayan na bumubuhos na pala ang kaniyang luha mula sa mga mata niya. Wala siyang ibang hiling kundi ang muling makalakad at maging isang ina na nag-aasikaso sa bahay at hindi siyang inaasikaso ng mag-ama niya.

Dumating ang araw na umuwing umaatungal si Dennise. Nagulat si Hilda nang malaman ang istorya na isinusumbong ng kaniyang anak.

“Sabi po ng mga kaklase ko, pilay raw po ang nanay ko. Sabi ko po hindi, may sakit lang po kayo. Sabi rin po nila baliw daw po ang nanay ko…” pagpapatuloy pa ni Dennise.

Lubos na naawa si Hilda sa anak dahil sa kung anu-anong usapin na ang kumakalat tungkol sa kaniya. Dito siya muling nakaramdam ng pagiging desperada upang magpakonsultang muli sa isang doktor. Tutal naman ay tatlong taon na rin mula nang huli siyang magpatingin, mabuti nang magpakonsulta siyang muli sa ospital na malaki at pribado.

Palihim na pinaghandaan ni Hilda ang kaniyang pagpapakonsulta sa doktor. Nag-ipon siya ng pera na lingid sa kaalaman ni Danny. Kinausap din niya ang kaniyang kapatid na isikreto ito sa asawa upang masamahan siya sa ospital. Nang maayos na ang lahat, naghintay na lamang si Hilda ng tamang pagkakataon upang magpunta sa ospital nang hindi nalalaman o makakahalata si Danny.

“Ahm.. Pupunta sana ako kila Hazel sa makalawa. Hindi na ako magpapasama sa’yo kasi sabi niya tulungan ko siyang magluto ng caldereta at kung paano ko ito lutuin. Baka rin doon ako matulog. Basta bahala na, alam mo naman yung kapatid kong ‘yon,” pagbibiro pa ni Hilda sa mister.

“O sige. Kung gusto mo, sama kami ni Dennise?” alok naman ni Danny sa kaniya.

Mariin niya itong tinanggihan at sinabing susunduin naman siya ng kaniyang kapatid. Pumayag naman si Danny dahil madalas talagang bumisita si Hilda sa bahay nina Hazel na kaniyang bunsong kapatid.

Dumating ang araw na maayos at handa na ang lahat. Payapang nakarating si Hilda kasama ang kaniyang kapatid sa isang malaki at pribadong ospital. Sa unang pagsusuri ay inilahad ni Hilda ang lahat ng mga unang resulta niya sa mga naunang doktor na kumonsulta sa kaniya. Subalit upang makasiguro, muli siyang pinatigil muna sa ospital upang masuri siya ng mga espesyal na makina.

Kinabukasan, pagdilat ng mga mata ni Hilda, gulat siya nang makita ang kaniyang asawa’t anak na nakatingin sa kaniya na nakahiga sa ospital.

“Sabi ng doktor, mahina lang daw talaga ang buto mo sa paa. Kung makakapagbawas ka ng timbang, baka raw may pag-asa pang makalakad ka ulit,” mahinang wika ni Danny sa kaniya habang inililigpit nito ang kaniyang mga gamit.

“Sorry, Danny… Huli na ito, pangako, huli na,” wika naman niya sa kaniyang asawa na may malungkot na tono ng boses.

“Hindi na talaga! Dahil kapag inulit mo pa ‘to, aalis na kami ng anak mo dahil nasisira na ang ulo mo!” galit naman na pahayag ng mister sa kaniya.

Habang nakahanda na ang lahat at palabas na ng silid, nakasalubong nila ang doktor na nagmamadali naman na puntahan sila.

“May tumor po si misis sa kaniyang utak kaya naaapektuhan ang kaniyang balanse. Subalit huwag po kayong mag-alala dahil maooperahan naman po ito at maliit pa kaya gagaling din kaagad si misis,” balita ng doktor sa mag-asawa.

Hindi man magandang balita ngunit ikinatuwa ito ni Hilda. Sa wakas ay may nakapagsabi na rin sa kaniya na hindi siya nasisiraan ng bait. Niyakap niya si Danny at humingi ito ng pasensiya sa kaniya.

Ilang araw ang lumipas at napagtagumpayan ng mga doktor na alisin ang tumor mula sa utak ni Hilda. Muling nakatayo sa kaniyang mga paa ang misis habang inaalalayan naman siya ng kaniyang asawa. Masaya ang lahat pati na kanilang anak dahil hindi lamang mayroong napatunayan si Hilda kundi muling babalik sa normal ang kanilang buhay nang walang anumang sagabal.

Advertisement