
Palaging Binubulyawan ng Mister ang Misis dahil Pakialamera Raw Ito; Binigyan Siya ng Leksyon ng Maybahay
Hindi na alam ni Mildred kung paano hahatiin ang kaniyang sarili sa dami ng gawaing bahay nang bigla niyang marinig ang malakas na sigaw ng asawa mula sa kanilang sala.
“Mildred! Mildred, nasaan ka ba? Kanina pa kita tinatawag, a! Narito ka lang naman sa bahay, ang bagal bagal mong sumagot!” nakasimangot na sigaw ng asawang si Rudy.
“Nasa likod-bahay ako at nagsasampay. Tiningnan ko rin ang niluluto ko. Kanina pa ako sumasagot pero hindi mo ako naririnig. Ano ba ang problema mo? Ang ingay-ingay mo, baka mamaya magising ang mga bata’t hindi pa ako tapos sa mga gawaing bahay,” tugon naman ni Mildred.
“Nasaan ‘yung brown envelope na nakapatong dito sa may mesa? Dito ko lang nilagay ‘yun, e! Mahalaga ang laman n’on kaya hindi maaaring mawala!” inis na sambit muli ng mister.
“‘Yung may mga lamang kontrata? Narito sa tukador at tinago ko,” saad ni Mildred sabay pakita ng sobre sa asawa.
“Kapag itatabi mo ay sasabihin mo sa akin. Hilong-hilo na ako sa kahahanap!” bulyaw ni Rudy.
“Tinabi ko lang kasi nakakalat, baka mahablot ng mga bata. Baka mamaya ay masira, mukha pa namang importante,” saad pa ng ginang.
“Talagang importante ito sa trabaho ko kaya bago ka makialam ay itanong mo muna sa akin! Naubos na ang oras ko kahahanap! Akin na nga iyan at makaalis na! Letseng buhay ito, huli na naman ako. Hilig mo kasing makialam!”
Umalis si Rudy ng bahay na hindi man lamang nagpapaalam sa kaniyang asawa. Hindi naman maiwasan ni Mildred na malungkot dahil kahit na nagmagandang loob lamang siya ay ikinainis pa ito ng mister niya.
Kinagabihan, pag-uwi ng bahay ay kasama ni Rudy ang kaniyang mga kaopisina.
“Hindi mo man lang sinabi sa akin na magsasama ka ng mga kaibigan mo rito, Rudy,” bungad ni Mildred.
“Iinom lang kami sandali. Bumili naman na rin kami ng pulutan. Ipaghain mo na lang kami nang sa gayon ay makapaghapunan muna bago uminom. Abala kami masyado kanina sa trabaho kaya gusto namin ng dibersyon,” saad pa ng mister.
Inutusan pa rin ni Rudy itong si Mildred kahit na alam niyang ngayon lamang nakapahinga ang misis. Sa katunayan ay hindi nga ito talagang nagpapahinga dahil inaalagaan nito ang kanilang mga anak tuwing gabi.
Pagod na pagod na si Mildred ngunit pilit niyang itinatago ito para lang hindi mapahiya sa mga kasamahan si Rudy.
Habang nagkukwentuhan sina Rudy at mga kaopisina niya ay hindi maiwasan ni Mildred na makisali sa usapan. Labis naman itong ikinainis ng ginoo.
“Huwag ka ngang makialam dito, Mildred, dahil hindi mo naman alam ang pinag-uusapan namin. Hindi mo alam kung ano ang hirap sa pagtatrabaho dahil narito ka lang sa bahay! Ano ba ang alam mo? Kaya itigil mo na ang pagsabat mo riyan dahil taong bahay ka lang naman. Pumunta ka na lang sa kusina at ihanda ang mga pulutan namin. Ang hirap sa’yo, ang hilig mong mangialam! Hinihiya mo ako!” sita ni Rudy sa misis.
Napahiya si Mildred sa ginawang ito ng mister. Habang nasa kusina ay hindi niya napigilan pa ang pagtulo ng kaniyang mga luha.
Hatinggabi na nang matapos sa inuman sina Rudy at mga kasamahan niya. Imbes na makapagpahinga na itong si Mildred ay kailangan pa niyang linisin ang kalat at pinag-inuman ng mga ito. Hanggang sa hindi na makayanan pa ni Mildred ang pang-aalipin sa kaniya ng kaniyang asawa.
“Hindi! Hindi ko lilinisin ang mga ito. Bahala siya sa buhay niya. Simula ngayon ay hindi ko na siya pakikialaman pa!” sambit ni Mildred sa kaniyang sarili.
Kinabukasan ay tanghali na nang magising si Rudy. Pagtingin niya sa kaniyang orasan ay nagkukumahog na siyang kumilos dahil huli na siya sa trabaho.
Tawag siya nang tawag sa kaniyang asawa ngunit walang sumasagot. Paglabas niya ng silid ay nakita niya ang mga boteng pinag-inuman nila ng mga kaibigan. Hindi pa rin naliligpit ang mga ito. Ni walang nakahandang almusal para sa kaniya. Maging ang mga uniporme niya ay nasa marumi pa.
“Mildred! Mildred, ano ba? Nasaan ka ba? Kita mo nang huli na ako sa trabaho, ni hindi mo man lang ako ginising! Lintek naman talaga!” bulyaw ni Rudy.
Ngunit walang Mildred na sumasagot sa kaniya. Maging ang kaniyang mga anak ay wala rin. Sa inis ay tinawagan niya ang misis sa selpon nito.
“Mildred, nasaan ka ba? Bakit hindi mo man lang ako ginising?! Ni hindi mo man lang nilinis ang bahay. Saka wala akong susuoting uniporme!” bungad ng mister na galit na galit.
“Nandito kami sa parke ng mga bata at ipinasyal ko sila. Ikaw na ang bahala sa buhay mo, tutal naman ay ayaw mong napakikialaman, hindi ba?” pananarkastiko ni Mildred.
“Umuwi ka nga rito at gawin mo na ang lahat ng ito! Ako na nga ang nagdadala ng pera sa bahay na ito, ang gusto mo ay ako pa rin ang kumilos sa bahay? Gampanan mo naman ang paggiging maybahay mo!” sigaw pa ni Rudy.
“Ayoko na, Rudy. Sawang-sawa na ako sa mga pangmamaliit at pang-aalipusta sa akin. Hindi porket maybahay lang ako ay mamaliitin mo na ako. Hindi mo rin alam ang hirap na dinaranas ko sa araw-araw para lang uwian mo ang bahay na malinis at may nakahaing pagkain. Ayoko na, Rudy. Ikaw na ang bahala sa buhay mo dahil hindi ko na talaga kaya pang makisama sa isang taong hindi naman nakikita ang halaga ko,” wika pa ng ginang.
Ang akala ni Rudy sa puntong iyon ay magiging madali lang para sa kaniya ang lahat. Ngunit nang makahanap na ng trabaho si Mildred ay kailangan na niyang iwan ang mga anak sa kaniyang mister. Hirap na hirap si Rudy na pagsabayin ang mga gawaing bahay at pag-aalaga sa kaniyang mga anak.
Doon niya nakita ang sakripisyo ng kaniyang asawa. Kaya naman pinuntahan niya ito para humingi ng kapatawaran.
“Sana ay mabigyan mo pa ako ng isang pagkakataon. Mali ang mga sinasabi ko sa iyo at hinihingi ko ito ng paumanhin. Hindi ko dapat minaliit ang pagiging maybahay mo dahil napakahirap pala talaga. Wala kang maayos na pahinga at kailangang intindihin mo ang lahat. Mabuti pa nga ako, napapagod man sa trabaho ay kumikita. Samantalang ikaw, walang pahinga ang pagiging ina at asawa. Patawarin mo ako, Mildred. Kapag binigyan mo pa ako ng isang pagkakataon ay sisiguraduhin kong hindi ito masasayang,” pagsusumamo ni Rudy.
Agad namang pinatawad ni Milded si Rudy. Mahal naman kasi niya talaga ang kaniyang asawa at nais lang niyang matuto ito. Nais ni Mildred na mapagtanto ni Rudy na mahalaga ang papel na kaniyang ginagampanan sa kanilang pamilya. At hindi ganoon kadali lang ang pagiging isang maybahay.
Mula nang magkabalikan ang mag-asawa ay walang panahon na hindi ipinaramdam ni Rudy kay Mildred ang kaniyang halaga. Madalas nang tulungan ni Rudy sa mga gawaing bahay ang ginang maging sa pag-aalaga sa kanilang mga anak.
Buong respeto at pagmamahal ngayon ang inaalay ni Rudy sa kaniyang asawa at mga anak na naging susi sa mas maayos na pagsasama ng kaniyang pamilya.