Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Mabait na Aktor ang Binatang Walang Pambayad ng Matrikula; Pagdating ng Panahon ay Ito ang Ganti ng Binata

Tinulungan ng Mabait na Aktor ang Binatang Walang Pambayad ng Matrikula; Pagdating ng Panahon ay Ito ang Ganti ng Binata

Hindi magkamayaw ang mga guwardiya at ilang mga tauhan sa pagpapatabi ng mga tao habang dumaraan ang sikat na aktor na si Jaime Hilario. Lahat kasi ay nais na magpakuha ng larawan kasama ang batikang aktor. Nasa unibersidad kasi ang aktor kung saan siya nag-aral noon upang magbigay ng isang talumpati.

Habang nasa entablado ay may isang binata ang naglakas loob na siya ay hintayin at lapitan. Hindi man makalapit ang binata sa tindi ng seguridad ng aktor ay nakuha niya ang atensyon nito nang sigawan niya ang sikat na aktor.

“Jaime Hilario! Ang sabi nila ay mabait ka raw! Patunayan mo naman sa akin dahil hindi ko na alam kung saan ako kukuha ng pangmatrikula! Parang awa mo na, tulungan mo naman ako!” sigaw ng binatang si Eduard.

Lahat ay napatigil dahil sa ginawang ito ng binata. Maging ang sikat na aktor ay napalingon kay Eduard.

Agad namang nilapitan ng mga bantay ang binata at agad itong pinatahimik.

“Boy, hindi mo ba kilala kung sino ang sinisigawan mo? Para kang hindi nag-aaral sa ginagawa mong iyan!” saad ng manager ng artista.

“Kilala ko nga siya kaya nga sa kaniya ako lumapit. Ang gusto ko lang naman ay mapatunayan kung tunay nga siyang mabait. Magkano lang naman ang matrikula ko. Hindi naman niya siguro ikakahirap ito,” pilit na tinatapangan ni Eduard ang pagsasalita.

Pinahinto ni Jaime ang lahat ng kaniyang tauhan na pigilan sa pagsasalita ang binata.

“Hayaan n’yo siyang magsalita. Nais kong malaman kung ano ba ang maitutulong ko sa kaniya,” saad ni Jaime sa mga tagabantay.

“Pero, Jaime, hindi mo kailangang gawin ito dahil lang sa hinahamon ka niya. Hindi mo kilala ang binatang iyan. Baka mamaya ay kung saan lang niya dalhin ang itutulong mo. Mukha pa naman siyang hindi mapagkakatiwalaan. Baka nga ad*k pa ‘yan!” sambit naman ng manager.

“Paano naman kung wala talaga siyang pambayad ng matrikula? Tama naman siya, magkano lang ba ang matrikula niya? Hindi naman malaki ang mababawas sa perang kinikita ko. Hayaan n’yong mag-usap kami,” utos pa ng aktor.

Nilapitan ni Jaime si Eduard upang kausapin ito.

“Ang sabi mo ay wala kang pambayad ng matrikula at nais mong humingi ng tulong sa akin? Saan ka kumukuha ng lakas ng loob para sabihin ito sa akin gayong hindi naman tayo personal na magkakilala?” tanong ni Jaime sa binata.

“Desperado na po ako, ginoo. Pasensiya na po sa mga nasabi ko. Ilang linggo pa lang po ang nakakalipas nang ilibing ang tatay ko. Nasawi po siya dahil wala kaming pampagamot sa kaniya. Ngayon naman po ay ang nanay ko naman ang may sakit. Kung titigil ako sa pag-aaral ay lalo akong walang kahihinatnan sa buhay. Wala akong pambayad ng matrikula kaya hindi ako makapag-exam. Kahit tanungin n’yo pa ang mga guro ko, mainam ang mga grado ko. Kulang lang talaga ako ng pera para makatapos. Ang gusto ko lang naman ay makapagtapos para matulungan ko ang pamilya ko,” hindi na napigilan pa ni Eduard ang pagtulo ng kaniyang mga luha.

Ngunit hindi naman kumpyansa ang manager ni Jaime sa mga sinasabing ito ng binata. Sa tingin niya ay gumagawa lang ng kwento ang binata upang pagkaperahan itong si Jaime.

“Magkano ba ang kailangan mo para makakuha ka ng pagsusulit?” tanong ni Jaime.

“Kailangan ko po ng apat na libong piso para mabayaran ko po ang lahat ng matrikula ko. Ayos na po sa akin iyon,” pagtangis ng binata.

Agad na dumukot ng pera sa kaniyang pitaka ang aktor at iniabot sa binata.

“Huwag mong sabihing bibigyan mo talaga ang binatang iyan! Baka mamaya ay kung saan lang niya dadalhin ang pera! Inuuto ka lang niya! Hindi mo na kailangan pang bigyan ang batang iyan para lang sa publicity, Jaime,” bulong ng manager.

“Hindi para sa publicity ito, manager. Tulong ito para kahit paano ay makatulong na matupad ng binatang ito ang kaniyang pangarap. Maliit na halaga lang ito. Walang wala sa akin ito,” saad naman ni Jaime sabay bigay ng pera sa binata.

“Buwan-buwan ay magtungo ka sa tanggapan ko para sa pambayad mo sa eskwelahan at sa baon mo. Hayaan mo, tutulungan kita hanggang sa makapagtapos ka ng pag-aaral,” sambit pa ni Jaime.

Labis ang tuwa ni Eduard, hindi siya makapaniwala na nasagot na ang kaniyang problema nang araw na iyon.

Buwan-buwan ay kinakapalan ni Eduard ang kaniyang mukha sa pagpunta sa tanggapan ni Jaime. Hindi man siya hinaharap ng aktor ay nariyan naman ang kaniyang manager para asikasuhin ang lahat.

“Ang kapal rin ng mukha mo, ano? Isipin mo para kang sustentado. Nauto mo si Jaime sa pagpapaawa mo. Alam ko na hindi totoo ang sinasabi mo at pinapasakay mo lang siya. Mabuti na lang at lalo siyang sumikat dahil sa ginawa mo kung hindi ay hindi ko talaga ibibigay sa iyo ang perang ito!” saad ng manager kay Eduard.

Bilang ganti naman ay lalong pinaghusayan ni Eduard ang kaniyang pag-aaral. Noong araw ng kaniyang pagtatapos ay nais niyang imbitahin si Jaime ngunit abala raw ito. Kaya personal na lang siyang nagtungo sa tanggapan upang bigyan ng kopya ng kaniyang diploma ang mabait na aktor.

“Iwan mo na lang kung ano man ang iiwan mo. Sabihin mo na ang gusto mong sabihin at ako na ang magsasabi sa kaniya! Bilisan mo at marami kaming tinatrabaho, nakakaabala ka!” saad ng manager.

“Nais ko lang naman pong sabihin na nakapagtapos na ako ng pag-aaral. Nais ko lang pong magpasalamat sa lahat ng nagawa ni Ginoong Jaime Hilario para sa akin at sa pamilya ko,” saad ni Eduard.

“Mabuti naman kung gan’on! Ibig sabihin ay hindi ka na manghuhuthot ng pera dito buwan-buwan, ano? Kaya mo na sigurong tumayo sa sarili mong paa! Baka naman mamaya pati trabaho mo ay iasa mo pa kay Jaime, labis na ang kapal ng mukha mo noon!” saad muli ng manager.

Napayuko na lang si Eduard. Ang tanging sadya lang naman niya talaga ay pasalamatan ang mabait na aktor.

Lumipas ang panahon at tumanda na rin si Jaime. Dahil sa kaniyang edad ay dumalang na rin ang kaniyang mga proyekto. Dahil hindi na rin kumikita ay iniwan na rin siya ng kaniyang manager.

Ang masaklap pa roon, dahil sa kabutihan ni Jaime ay ipinagkatiwala niya sa kaniyang manager ang lahat ng pangangasiwa sa kaniyang pera. Hindi niya namalayan na unti-unti na rin itong naubos. Ni wala man lamang siyang naipon.

Ngayon ay naghihikahos na sa buhay itong si Jaime.

Isang araw ay nakatanggap siya ng isang alok na proyekto.

“Ako? Bibida sa isang pelikula? Sa tingin ko ay hindi ko na kaya. Matanda na ako at hindi na ako ganoong kagaling,” saad ni Jaime.

“Pero kayo po ang nais ng direktor na gumanap sa pelikulang ito. Personal po niya kayong pinili. Kung hindi raw po kayo ang gaganap ay hindi na lang po niya itutuloy ang pelikula. Kaya pinilit ng management at ng mga producer na mapapayag kayo,” saad naman ng representante ng produksyon.

Sa pagtataka ay nais tuloy makilala ni Jaime kung sinong batikang direktor ang nagpupumilit na siya ang gumanap sa pelikula. Nang makaharap niya ang direktor ay hindi na niya ito makilala.

“Baguhan ka lang sa industriyang ito, hindi ba? Bakit ako pa, matanda na ako at laos na. Tingnan mo nga ang hitsura ko. Ni hindi ko man lang naalagaan ang sarili ko. Ni wala akong naipon! Isa akong malaking kabiguan!” saad ng matandang aktor.

“Naniniwala po ako kasi na kayo lang ang may kayang gumanap sa role ng bida. Dahil alam kong sa gitna ng lahat ng inyong pinagdaanan ay nananatili pa rin sa inyo ang kabutihan ng inyong puso. Pumayag na po kayo dahil sa ganito lang po ako makakabawi sa lahat ng nagawa ninyo para sa akin!” naluluhang sambit ng ginoo.

“Makaganti? A-ano ba ang nagawa ko para sa iyo, ginoo? Ni hindi kita naaalala,” pagtataka ni Jaime.

“Ako po ito, si Eduard. Ako po ang pinaaral niyo noon sa kolehiyo. Kung hindi dahil po sa lahat ng tulong ninyo ay hindi ko matutulungan ang pamilya ko. Hindi ko po sila maiaahon sa hirap. Kayo po ang naging inspirasyon ko sa pagbangon sa kahirapan. Mula nang araw na pinansin n’yo ako sa likod ng entablado sa unibersidad ay ipinangako ko na sa sarili ko na isang araw ay makakaganti rin ako sa kabutihan ninyo. At ito na po iyon! Ibabangon ko po ang karera n’yo. Hindi ako papayag na magreretiro kayo sa pagiging artista na hindi kayo muling nagiging tanyag!” lumuluhang sambit ng binata.

Napayakap si Jaime sa direktor. Hindi niya lubusang akalain na nakapagbigay pala siya ng inspirasyon sa binata.

Bilang ganti kay Eduard ay labis na ginalingan ni Jaime ang kaniyang pag-arte. Hindi nga nagtagal ay muling sumikat ang matanda dahil sa katangi-tangi niyang pagganap sa pelikula. Muli, sa matandang edad ni Jaime ay naging laman siya ng kabi-kabilang balita dahil sa galing niya. Maraming parangal ang kaniyang nakuha dahil sa pagganap na ito.

“Ngayon pa ba kayo magreretiro gayong walang kupas pa rin ang pagganap n’yo? Magiging malaki kayong kawalan sa industriya, Sir Jaime,” saad ni Eduard sa matanda.

“Matanda na ako at nais ko na ring magpahinga, Eduard. Maraming salamat sa iyo sapagkat sa huling pagkakataon ay pinaranas mo muli sa akin ang bagay na pinakamamahal kong gawin – ang pag-arte. Ang mapapayo ko lang sa iyo ay paghusayan mo at mag-ipon ka. Huwag kang magsasawang maging mabuting tao dahil nakikita ng Diyos ang puso ng bawat isa at Siya ang magbibigay ng gantimpala sa atin. Tulad mo, ibinigay ka Niya sa akin sa panahon na lugmok na lugmok ako. Maraming salamat sapagkat tinulungan mo akong makabangong muli,” naluluhang payahag ng matandang aktor.

Hindi roon nagwakas ang pagiging magkaibigan ng dalawa. Minsan ay umaarte pa rin sa pinilakang tabing itong si Jaime ngunit tanging kapag si Eduard lamang ang direktor. Bilang pagtanaw naman ng utang na loob ay hindi pinabayaan ni Eduard si Jaime.

Habambuhay na dadalhin ni Eduard ang kaniyang pasasalamat sa matandang aktor dahil sa kabutihan ng loob nito.

Advertisement