Inday TrendingInday Trending
Laging Nagtataray ang Hambog na Tindera sa Parmasiya; Isang Matandang Lalaking Walang Sapin sa Paa ang Magbibigay ng Leksyon sa Kaniya

Laging Nagtataray ang Hambog na Tindera sa Parmasiya; Isang Matandang Lalaking Walang Sapin sa Paa ang Magbibigay ng Leksyon sa Kaniya

Taas-noong pumasok sa pinagtatrabahuhang parmasiya ang dalagang si Doris. Hindi na kasi siya makapaghintay na ipagmalaki sa kaniyang mga kasamahan ang kaniyang bagong biling mamahaling bag.

“P’wede ba, itabi n’yo ang lahat ng mga bag n’yo at huwag n’yong idikit sa bag ko! Baka mamaya ay magasgasan ‘to, kabago-bago lang!” sambit ni Doris sa mga kasamahan.

“Ang hambog talaga niyang si Doris. Nagkaroon lang ng mamahaling bag ay akala mo kung sino na. Tara na nga at itabi na natin ang mga bag natin at baka mamaya ay pabayaran pa niya sa atin ‘yan kapag nagasgasan,” saad naman ng kasamahang si Sandra sa mga kapwa-empleyado.

Madalas na pag-usapan ng mga kapwa-empleyado itong si Doris dahil sa kayabangan nito. Hindi naman nila ito maisumbong dahil malakas ang kapit nito. May gusto kasi sa dalaga ang kanilang manager na si Rolando.

Sa sobrang tuwa ni Doris sa bago niyang bag ay palagi niya itong bukambibig. Pinapakita pa nga niya ito sa mga mayayamang regular na kostumer ng parmasiya.

Maya-maya ay bumukas ang pinto at may isang gusgusing babae ang pumasok sa loob ng tindahan.

Napataas ang kilay ni Doris dahil siya ang kailangang umasiste sa marungis na babaeng ito.

“Paracetamol nga po saka kahit anong gamot para sa ubo’t sipon para sa bata. Pakisamahan mo na rin ng langis na pamahid at saka thermometer,” saad ng ale.

Isa-isang kinuha ni Doris ang mga kailangan ng ale.

“Limang daan ang lahat ng ito,” wika ni Doris na nagmamadaling kunin ang bayad.

“Binibini, pasensya ka na at wala kasi akong pambayad. Matindi kasi ang buhos ng ulan kaya hindi ako nakapagtinda ngayon. Baka p’wedeng sa susunod ko na lang ito bayaran? Kailangan lang ng anak ko ngayon,” saad naman ng ale.

“Pinagod mo pa akong kunin ang lahat ng ito tapos gusto mo ay hingin lang? Ano ang tingin mo dito sa parmasya namin, charity? Kung wala kang pambayad ay umalis ka na! Mangutang ka sa iba kung gusto mo saka ka bumili ulit. Nakakainis ka! Inabala mo lang ako!” bulyaw ng nakasimangot na si Doris.

Padabog na ibinalik ni Doris ang mga gamot sa kinalalagyan nito.

“‘Yung susunod nga na kostumer at pakisigurado na may dalang pambayad!” malakas na wika ng dalaga.

“Miss, pasensya ka na talaga. Hindi naman ako humihingi. Umuutang ako. Kailangan ko lang talagang mapainom ang anak ko ng gamot. Ilang araw na siyang nilalagnat nang mataas. Kahit ‘yung paracetamol na lang sana. Bukas kapag nakapagtinda ako ay babayaran din kita. Parang awa mo na. Baka p’wede mo akong bigyan ng tulong,” saad pa ng ale.

“Sa tingin mo ay pumasok lang ako dito sa trabaho ko para mamigay ng pera? Ale, umalis ka na riyan at nakakagambala ka! Hindi talaga p’wede ang gusto mo at wala akong iaabono! Lumayas ka na o ipapatawag ko ang gwardiya para kaladkarin ka palabas ng parmasiyang ito!” sambit pa ng galit na galit ng si Doris.

Nang mapansin ni Sandra na may tinatarayan na naman itong si Doris ay agad niyang itinigil ang pagsasalansan ng mga gamot at nilapitan niya ang dalawa.

“Doris, anong problema dito? Bakit mo sinisigawan ang kostumer?” tanong ni Sandra.

“Ang kapal ng mukha! Umorder nang umorder sa akin ng mga gamot pagkatapos ay ayaw bayaran. Akala niya ata ay may patago siya!” inis na sambit muli ni Doris.

“Nakikiusap lang naman ako, baka sakaling p’wede akong makautang. Hindi kasi ako nakapagtinda ngayon kaya wala akong kinita. Ang taas na ng lagnat ng anak ko. Pangako ko naman na ibibigay ko ang bayad bukas o sa makalawa. Hinding hindi po ako tatakas!” pagmamakaawa pa ng ale.

Ngunit matigas ang loob ni Doris. Wala siyang ginawa kung hindi pagtulakan ang ginang na umalis na sa parmasiya.

Ilang saglit lang ay may isang matandang lalaking walang sapin sa paa ang dumating din sa parmasiya.

“Kung manghihingi rin kayo ng tulong ay hindi ito ang tamang lugar! Umalis na nga ang lahat ng walang pambayad!” inis na sambit nit Doris.

Napansin ni Doris na inaayos muli ni Sandra ang mga kailangang gamot ng ginang. Isa-isang iniligay ito ng dalaga sa supot.

“Anong ginagawa mo, Sandra? Hindi sa iyo ang parmasiyang ito kaya hindi mo siya maaaring pautangin. Gusto mo bang mawalan tayo pare-pareho ng trabaho? Ibalik mo na ‘yan at huwag kang magpauto sa sinasabi ng aleng iyon!” mariing sambit ni Doris.

“Huwag kang mag-alala, Doris, dahil hindi ka madadamay sa gagawin ko. Gagamitin ko ang sarili kong credit card para ipambayad sa mga kailangang gamot ng ale para sa kaniyang may sakit na anak. Sa akin siya may pagkakautang at hindi sa tindahan na ito. Kaya kami na ang bahalang mag-usap,” saad pa ni Sandra.

“Ito na po ang mga gamot na kailangan ng anak n’yo. Sana po ay gumaling na siya kaagad. Bayaran n’yo na lang po ako kapag nakaluwag na kayo,” nakangiting sambit ni Sandra sa gusgusing ale.

“M-maraming salamat, miss. Hulog ka ng langit. Napakahirap talaga sa mundong ito na maging mahirap. Mabuti na lamang ay mga katulad mong handang tumulong sa mga tulad kong nangangailangan. Pagpalain ka pa nawa ng Panginoon. Sa wakas ay makakainom na ng gamot ang anak ko!” umiiyak na sambit ng ale.

Hindi naman maiwasan ng matandang lalaking nakayapak na magmasid sa mga nangyayari. Gayong maging siya ay nakatikim ng panghuhusga at pagtataray ni Doris.

Lumapit ang matanda kay Sandra at kinausap niya ito.

“Matagal ka na bang empleyado sa parmasiya na ito?” tanong ng matandang lalaki.

“Dalawang taon na po akong nagtatrabaho rito bilang tagasalansan ng mga gamot. Bakit n’yo naman po naitanong?” pagtataka ng dalaga.

Sa inis naman ay hindi maiwasan ni Doris na sumabat sa usapan ng dalawa.

“Baka mangungutang din sa iyo pambili naman ng tsinelas!” pananarkastiko ni Doris.

Napabuntong hininga lang ang matanda at napailing.

“H-hindi. Sa katunayan ay nais kong ako na ang magbabayad sa iyo ng nakuha ng ale. Natutuwa ako sapagkat mayroon pala akong isang empleyado na mabuti ang puso at kaparehas ng aking prinsipyo sa buhay,” tugon ng matanda.

“Nababaliw na ata ang matandang iyan at kung anu-ano ang sinasabi,” wika naman ni Doris.

Ilang sandali pa ay napalabas na rin ng tanggapan ang manager na si Rolando upang tingnan ang komosyon na nangyayari. Nagsumbong naman agad si Doris sa kaniyang amo. Ngunit laking gulat ng manager nang makita ang matandang lalaking walang sapin sa paa.

“S-sir Henry, a-ano po ang ginagawa n’yo rito? Bakit hindi naman po kayo nagpasabi na dadaan kayo?” nauutal sa sambit ni Rolando.

Nanlaki ang mata ng mga empleyado dahil hindi nila akalain na ang matandang walang sapin sa paa ay ang may-ari mismo ng parmasiya!

“May meeting kasi ako malapit lang dito kaya sinubukan kong dumaan. Sa labas ay nakakita ako ng isang matanda na basang basa sa ulan kaya binigay ko ang tyaleko ko at ang aking medyas at sapatos. Baka kasi mayroon dito na maaaring tumulong sa akin. Tamang-tama naman na masaksihan ko ang isang nakahihindik na pangyayari. Sa tingin ko ay tama nga ang naririnig kong balita. Hindi nga tama ang pamamalakad mo sa lugar na ito, Rolando. Saka hindi rin mali ang mga sumbong na nakakarating sa akin tungkol sa empleyadong si Doris. Hindi ko akalain na siya ang hinaharap mo sa mga kostumer. Hambog siya at masama ang ugali. Simula ngayon ay ito nang si Sandra ang magiging manager ng lugar na ito. Bahala na kayong dalawa, Rolando at Doris, na humanap ng trabaho ninyo dahil sinisisante ko na kayo,” mariing desisyon ng may-ari.

Hindi makapaniwala si Doris dahil ganoon na lang kabilis nawala ang kaniyang trabaho. Labis siyang napahiya dahil sa desisyon ng may-ari ng parmasiya.

Imbis na kaawaan ng mga kapwa-empleyado itong si Doris ay tuwang-tuwa pa sila dahil sa wakas ay wala na ang manager at ang napakataray na dalaga.

“Sa tingin ko ay magiging mas maganda ang benta ng lugar na ito dahil mabuti ang namamahala. Ipagpatuloy mo lang ang kabutihan mo, Sandra, dahil magiging malaki ang ibabalik sa iyo ng Panginoon,” saad ng among si Henry.

Mula nang araw na iyon ay mas naging maganda nga ang pamamalakad sa parmasiya. Lalong dumami ang kostumer ng parmasiya dahil wala nang tinderang nagsusungit sa kanila.

Advertisement