Inday TrendingInday Trending
Hilig ng Lalaki ang Mangolekta ng Sapatos Kahit Hindi Naman Nito Iyon Sinusuot; Pakialamera Nga Ba ang Nobya Niya Kung Nagbigay Lamang Ito ng Payo?

Hilig ng Lalaki ang Mangolekta ng Sapatos Kahit Hindi Naman Nito Iyon Sinusuot; Pakialamera Nga Ba ang Nobya Niya Kung Nagbigay Lamang Ito ng Payo?

Malapad ang ngiti sa labi ni Samuel habang inalalayan niya papasok ang nobyang si Fremarie sa loob ng kaniyang bahay. Ito ang unang beses na binisita siya ng nobya sa bahay nila sa loob ng dalawang taon nilang relasyon. Nais niyang ipakita rito ang kaniyang koleksyon ng iba’t ibang mamahaling sapatos na kadalasan ay sa ibang bansa pa niya nabili.

“Oh! Mukhang kakaiba ang saya ng mukha mo ngayon, Samuel?” usisa ni Fremarie.

“Oo naman s’yempre, Frem, bukod sa nakapunta ka na rito sa bahay namin sa wakas at makikilala mo na nang personal sila mama at papa, ay nasasabik akong ipakita sa’yo iyong mga sinasabi kong koleksyon ko,” ani Samuel. “Matagal ko nang inasam ang araw na ito,” dugtong pa nito at masayang nginitian ang nobya.

Halata sa mukha ni Samuel ang pananabik at saya na maipakita sa kaniya ang palaging ibinibida nitong koleksyon. Hindi man niya maintindihan ang sayang nararamdaman nito pero kahit gano’n ay sinusuportahan niya ang nobyo, dahil para sa kaniya’y dito ito masaya at wala siyang balak hadlangan ang kaligayahang ito.

“Mamaya na ako magbibigay ng komento kapag nakita ko na nang personal iyang ibinibida mo sa’king koleksyon,” ani Fremarie saka matamis na ngumiti sa nobyo.

Matapos ang kaunting salo-salo sa hapagkainan ay nagpahangin na muna sila sa at saka nakapagdesisyon si Samuel na ipakita na sa kaniya ang kwarto kung nasaan ang mga ipinamamalaki nitong iba’t ibang klaseng mga sapatos.

At totoo ngang nakamamangha iyon sa dami at ganda ng bawat disenyo at istilo. Iba’t iba rin ang kulay dahilan upang magmukha itong palamuti sa silid na iyon. Kung magbibigay siya ng grado base sa nakikita niya’y kulang ang isandaang porsyento para sa kagandahang nakatunghay sa kaniyang harapan ngayon.

Naglakad si Samuel at may kinuha itong isang sapatos.

“Alam mo ba, Frem, nang una ‘tong lumabas, palagi itong sold-out dito sa ‘Pinas? Kaya napilitan akong bumiyahe abroad para lang makabili ako ng ganitong istilo. Sikat ang ganitong klaseng sapatos sa mga kagaya kong mahilig mangolekta,” paliwanag pa ni Samuel.

“Patingin nga,” aniya saka kinuha at sinuri ang sapatos. “Ano ang kaibahan nito sa mga iyan?” taka niyang tanong sabay turo sa mga naka-display na sapatos.

Totoong hindi niya maintindihan ang hilig nito, kasi kung titingnan ay normal lang naman ang sapatos, iba-iba nga lang siguro ang klase, kulay at istilo, pero pare-parehong para lamang iyon sa paa.

“Ang design kasi nito sa gilid ang kinaaaliwan ng mga kagaya kong collector, bagong labas at kakaiba ang kulay. Kaya pinag-aagawan,” paliwanag naman ni Samuel.

Matamis na ngumiti si Fremarie saka niyakap ang nobyo.

“Kahit hindi kita naiintindihan, Samuel, ay alam mong handa akong suportahan ang hilig mo. Sadyang nagtataka nga lang talaga ako paminsan-minsan. Hindi ko lang talaga lubos maisip kung bakit kailangan mong mangolekta ng ganyan karaming sapatos tapos wala ka naman pa lang balak na suotin, kasi ayaw mong masira at magmukhang luma,” ani Fremarie sa nobyo.

Ngumiti si Samuel, saka ginawaran ng magaan na halik sa labi ang nobya. Hindi naman siya magagalit kung wala itong maintindihan sa hilig niya, ang mahalaga ay sinu-suportahan siya nito. “Koleksyon ang tawag sa ginagawa ko, Frem, kaya bawal talaga iyang suotin, pero pwede lamang siyang titigan at itanghal sa iba.”

“Para saan?” tanong niya sa nobyo. Puno pa rin ng kuryosidad niyang sambit. “Ang ibig kong sabihin ay para kanino mo iyan ginagawa? Para sa sarili mo?”

“Masaya na kasi ako kapag tinititigan ko ang mga sapatos na pinag-ipunan at pinaghirapan ko. Parang pakiramdam ko ang galing-galing kong tao,” sagot naman nito.

“Okay, naiintidihan ko,” ani Fremarie, saka marahang tumango at bumitaw sa pagkakayakap sa nobyo. “Alam mo, Samuel, ayos na itong mga nakolekta mong sapatos, dahil sobrang dami na nila at hindi na nga halos magkasya dito sa kwarto mo. Kaya kung ayos lang sa’yo ay okay na ito, para sa isang kolektor na kagaya mo,” aniya saka inisa-isang tingnan ang mga sapatos.

“Kasi kung magdadagdag ka pa ay parang hindi na siya sulit, parang sobra na. Kasi hindi mo rin naman nasusuot ang mga ito, hindi mo naman sila napapakinabangan, parang wala ring kwenta. Kahit gaano kamahal ang bagay kung hindi mo rin naman susuotin ay wala ring halaga,” aniya saka bumaling sa gawi ng nobyo.

“Sabi nga ng iilan ay you only live once, kaya dapat ituring mo ang bawat araw mo na ito na rin ang huli. Hindi natin alam, baka bukas wala na tayo sa mundo, hindi naman natin hawak ang buhay natin. Kaya imbes na itago’t i-display mo sa loob ng kwarto at kabinet na ito ang mga sapatos na iyan, hindi ba’t mas maiging suotin mo rin siya paminsan-minsan?”

Saglit na napatitig sa kawalan si Samuel na animo’y nag-iisip at tinitimbang ang kaniyang sinasabi.

“Suotin mo, pagsawaan mo, ipakita mo sa ibang tao para mas ma-appreciate nila ang ganda ng mga sapatos mo. Hindi iyong itinatago mo lang kasi para sa’yo’y koleksyon ito at hindi dapat magasgasan o ‘di kaya ay magmukhang luma. Kapag nam@tay ka- na huwag naman sana!” aniya saka kumatok sa dingding.

“Hindi mo madadala ang mga iyan sa hukay mo, kaya habang ngayon ay nabubuhay ka pa, pakinabangan mo na para hindi man lang masayang. Lahat ng bagay rito sa mundo ay pansamantala lamang, Samuel, kay imbes na itago mo ang iyan, suotin mo’t pakinabangan. Kung maluma man dahil sa paggamit mo, at least nagamit mo,” mahabang paalala ni Fremarie sa nobyo. “Hindi ako kontra sa trip mo sa buhay ah, sadyang nakakapanghinayang lang talaga ang ganda ng mga sapatos na ito, tapos nakatago lang.”

“Gusto kitang kontrahin, Frem, pero sa kabila ng isipan ko, sumasang-ayon ako sa sinasabi mo,” pag-amin ni Samuel.

Ngumiti si Fremarie, saka muling niyakap ang nobyo. “Alam mo ba kung ano ang mas magandang ipunin sa buhay?”

“Ano?”

“Mga alaala ng kapwa natin— mga mabubuting alaala nila sa’tin kung paano natin sila pinapakisamahan sa araw-araw, iyon ang mas magandang gawing koleksyon habang nabubuhay tayo. Ang gamit, kapag nawala tayo sa mundo, wala na rin namang pakinabang ang mga iyan. Pero ang alaala ng mga taong mahal mo sa buhay o kahit ng mga taong nagawan mo ng mabuti habang nabubuhay ka, mananatili iyan sa puso’t isip nila kahit wala ka na,” nakangiting wika ni Fremarie.

Hindi na lamang sumagot si Samuel, ngumiti na lamang siya nobya at ginawaran ito ng halik sa labi.

Tama naman si Fremarie, ang mga gamit at bagay sa mundo ay wala nang kwenta kapag ikaw ay wala na. Pero ang alaala ng mga tao na dumaan sa buhay mo’y mananatili kahit wala ka na.

“Hayaan mo, susubukan kong gamitin ang mga sapatos na iyan at sundin ang payo mo,” mayamaya ay sambit ni Samuel. “Pasalamat ka’t mahal kita kaya palagi kong kinokonsidera ang payo mo,” dugtong niya.

Humahagikhik namang niyakap muli ni Freamarie ang nobyo. Tunay nga siyang mahal nito dahil palagi nitong tinitimbang at pinag-iisipan ang kaniyang mga sasabihin. Hindi siya kailanman binalewala ni Samuel at tama lang naman iyon, dahil wala naman siyang sinabi na magpapasama para sa nobyo.

Lahat ng bagay dito sa mundo ay pansamantala lamang. Ang tanging permanente ay ang pagmamahal ng mga taong napamahal sa’yo habang ikaw ay nabubuhay pa.

Advertisement