Inday TrendingInday Trending
Tinanggap at Minahal ng Ina ang Anak sa Ibang Babae ng Kaniyang Asawa; Kaya Niya Kaya Itong Ibigay Ngayong Binabawi na Ito ng Tunay na Ina?

Tinanggap at Minahal ng Ina ang Anak sa Ibang Babae ng Kaniyang Asawa; Kaya Niya Kaya Itong Ibigay Ngayong Binabawi na Ito ng Tunay na Ina?

“‘Ma, papayag ka ba talagang sumama ako sa tunay kong ina?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Tristan kay Dina, ang kaniyang kinilalang ina.

“Ayaw mo bang makasama ang nanay mo?” tanong niya sa anak-anakan.

Lumabi si Tristan at muling lumingon sa gawi saka nagsalita. “Gusto,” pag-amin nito. “Pero hindi ang tumira doon, mama,” dugtong nito.

Nahihirapang ibinaling ni Dina ang tingin sa ibang direksyon. Kung siya lang ang masusunod ay hindi niya nais na ibigay si Tristan sa tunay na ina nito. Ngunit wala siyang magagawa kung nais na ng ina nitong kunin sa kaniya ang anak.

Kapapanganak pa lang noon ni Mae, nang puntahan siya nito sa bahay nila at nagpakilala bilang nobya ng kaniyang asawa, bitbit ang isang sanggol at iyon ay si Tristan. Galit na galit itong nakipag-usap noon sa kaniyang namayapang asawa at pinagmumura ito nang malamang may pamilya pala si Ernesto.

Kabit ng kaniyang mister ang ina ni Tristan na si Mae. Sa galit nito sa kaniyang asawa noon ay nagwala ito sa bahay nila at basta na lang nito iniwan sa kanila ang sanggol, kasama ang bantang alagaan nila ang anak niya at magpapayaman lamang siya at babalikan niya ito.

Tinawanan lamang niya ang bantang iyon ni Mae at kailanman ay hindi naisip na seseryosohin nito ang sinabi. Sa nakalipas na labing walong taon ay siya ang tumayong ina para kay Tristan, nawala na sa isip niya na anak ito ng kabit ng asawa. Minahal niyang ang batang si Tristan, gaya ng pagmamahal niya sa totoo niyang mga anak.

Hindi naman lingid sa kaalaman ni Tristan ang totoong istorya ng buhay nito. Wala siyang inilihim sa mga anak. Dahil ayaw niyang dumating ang araw na sumbatan siya ng mga ito. Kaya masakit sa kaniya ngayon na kukunin na ito ng tunay na ina. Hindi niya kayang ibigay si Tristan kay Mae. Siya ang nagsakrispisyo noon, pero kay bilis lamang para kay Mae na kunin ang anak nito ngayon.

Umiiyak na niyakap ni Dina si Tristan saka nagsalita. “Kapag hindi mo gusto roon, anak, ay malaya kang bumalik sa pamamahay na ito,” aniya. “Ayokong ibigay ka, alam ng Diyos na ayokong kunin ka ng nanay mo. Mahal na mahal kita na para bang nanggaling ka sa’kin, alam mo ‘yan. Kaya kahit nagbalik na ang totoo moong nanay, nandito pa rin ako. Si Mama Dina, na minahal ka at itinuring na parang tunay na anak.”

Tumatangis na yumakap sa kaniya si Tristan. “Mahal na mahal rin po kita, ‘ma. Ayokong sumama sa tunay kong ina, pero ayoko naman siyang pagsaraduhan ng pinto. Gusto ko rin po siyang makilala, marami akong gustong itanong at sabihin sa kaniya. Pero pangako mama, babalik ako rito. Ito ang bahay ko, kayo ang pamilya ko ‘ma, ikaw ang ang kinalakihan kong nanay, at sa’yo ko naramdaman na hindi mahalaga ang dugo upang mahalin mo ang isang tao,” ani Tristan.

“Kuya,” sabay-sabay na wika ng mga kapatid niyang kanina pa nakikinig sa naging usapan nila ng ina.

“Mamimiss po kita,” ani Jasmine, ang bunso ng lahat.

“Sino na ang sasaway sa’min kapag nagpasaway kami?” segunda naman ni Jane, ang pangatlo sa magkakapatid.

Apat silang lahat na magkakapatid sa ama, tatlo lamang ang tunay na anak ni Dina, sina James, Jane at Jasmine at si Tristan ang pinakapanganay.

“Hayaan mo, kuya, mag-enjoy ka doon. Kilalanin mong maigi ang mama mo, kasi sabi nga ni mama, kahit pagbalik-baliktarin man ang mundo, siya ang tunay mong ina,” ani James. “Pansamantala, kuya, ako na muna ang papalit sa pwesto mo… pero ipangako mo kuya na babalik ka ah,” mangiyak-ngiyak na wika ni James.

Tumayo si Tristan at niyakap ang sumunod na kapatid na lalaki.

“Pangako, James, babalik ang kuya,” aniya.

Sa loob ng halos labing siyam na taon ay ngayon lamang niya nakita at nakasama ang tunay niyang ina. Ni minsan ay hindi inilihim ni Mama Dina na hindi siya totoong anak nito. Ngunit ni minsan ay hindi ipinaramdam ni Mama Dina na hindi siya kasali sa pamilya. Pinaramdam nito ang tunay na pagmamahal ng isang ina, dahilan upang hindi niya hanapin ang pagkukulang na iyon. Kaya ngayong kasama niya ang totoong ina ay hungkag ang pakiramdam niya na hindi niya maipaliwanag.

Masaya naman siya dahil sa wakas nakilala na niya ang totoong ina. Ngayon, alam na niya kung kanino ba talaga niya nakuha ang biluging hugis ng mga mata, kung kanino niya nakuha ang kulay ng kaniyang makinis at maputing balat, dahil pare-parehong moreno’t morena ang mga kapatid niya sa ama. Sa wakas, alam na niya kung ano ang itsura ng ina.

Ngunit sapat na ang bagay na iyon. Mas hinahanap niya ang presensya ng pamilyang kinalakihan. Kaya makalipas lamang ang limang araw ay nagpalam siya sa tunay na ina na nais na niyang bumalik sa bahay kung saan siya lumaki.

“Ayaw mo bang sumama sa’kin, Tristan?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Mae sa anak.

“Masaya po ako na sa wakas ay nakilala na rin kita,” aniya saka malamyos na hinawakan ang mukha ng totoong ina. “Pero mas kumpleto ako kapag kasama ko sila Mama Dina, mas masaya ako sa kung saan lumaki. Mahal kita dahil nanay kita, pero nandoon na ang puso at buong pagkatao sa bahay ni Mama Dina, kaya hayaan niyo na lang po ako sa poder ni Mama Dina. Kung gusto mo akong dalawin ay welcome ka sa bahay. Mabait si Mama Dina, hindi siya kagaya ng iniisip niyo. Ako ang magpapatunay no’n dahil nasa kaniya ako sa mahabang panahon, at ni minsan ay hindi niya ako pinagkaitan ng anumang bagay,” mahabang pakiusap ni Tristan sa ina.

Walang nagawa si Mae kung ‘di payagan ang anak sa gusto nito. Kahit masakit ay wala siyang nagawa sa naging desisyon ni Tristan. Tanggap niyang mas mahal nito si Dina kaysa sa kaniyang totoo nitong ina at wala siyang magagawa kung ‘di tanggapin ang bagay na iyon.

Naging masaya muli si Tristan at ang buong pamilya ni Dina sa muling pagbabalik nito sa bahay nila. Kumpleto na muli ang kaniyang mga anak, dahil nandito na muli ang kaniyang panganay. Si Mae naman ay welcome na dumalaw sa bahay nila upang makasama paminsan-minsan ang anak na si Tristan at kailanman ay hindi iyon naging problema para kay Dina.

Pareho silang ina, at pareho nilang mahal si Trsitan, kaya dapat lang na pareho silang magbigayan at suportahan kung saan man masaya si Tristan.

Hindi madali para sa karamihang babae na tanggapin ang anak ng kabit ng asawa nila. Ngunit para kay Dina, kailanman ay hindi naging kasalanan ng anak kung anuman ang kasalanan ng magulang nito. Inosenteng bata si Tristan at hindi ito mahirap mahalin, kahit na kumplikado pa ang pinanggalingan nito.

Advertisement