
Ipinagpalit Siya ng Dating Kinakasama sa Mas ‘Guwapo’ sa Kabila ng Pagiging Mabuti Niyang Haligi ng Tahanan; Magsisisi Ito sa Kaniyang Muling Pagbabalik
Problemado si Joey at panay ang inom niya ng alak. Nagkalat na sa kaniyang harapan ang mga basyong bote ng alak at mga plastik ng sitsaron na siya niyang ginagawang pulutan. Maitim na rin ang ilalim ng mga mata ni Joey at nangangamoy na ang kaniyang katawan dahil sa ilang araw na niyang hindi paliligo. Ilang araw na siyang nagpapakalunod sa alak simula nang iwan siya ng kinakasamang si Clara upang sumama sa ibang lalaki.
Ipinagpalit siya ni Clara sa mas guwapo. Nakilala nito ang lalaki sa Facebook at ngayon niya lamang nalamang ilang buwan na rin pala siyang niloloko nito. Halos madurog ang kaniyang puso nang bigla na lamang makipaghiwalay sa kaniya si Clara at sinabing hindi na raw siya mahal nito.
Wala na siyang nagawa kundi hayaan ang babae nang magpasya itong umalis. Ginawa na niya ang lahat ng alam niyang paraan ng pagmamakaawa ngunit kahit ano ang gawin niya ay hindi iyon naging epektibo. Naglumuhod na siya sa harap nito, umiyak at halos hagkan ang paa ni Clara ngunit iniwan pa rin siya ng babae. Sinayang nito ang halos walong taong pagsasama nila para lang sa isang ‘guwapo’ na bago pa lamang naman nitong nakikilala.
Ang senaryong iyon ang inabutan ng kaniyang kuyang hindi man lamang niya namalayang bumaba na pala ng barko. Isa kasi itong seaman. Agad itong nagtungo sa kaniyang tahanan nang malaman nito ang nangyari.
“Joey, huwag mong gawin ’to sa sarili mo para lang sa isang babae. Hindi siya karapat-dapat sa mga luha mo,” payo sa kaniya ng kaniyang kuya.
“Hindi ko na kaya, kuya. Hindi ko kayang wala si Clara sa tabi ko. Bakit ba kailangan niya akong ipagpalit para lang sa guwapo? Mabait naman ako at naging mabuting kinakasama naman ako sa kaniya sa loob ng halos walong taon! Kahit kailan ay hindi ko siya niloko. Itinuring ko siyang reyna!” umiiyak namang sumbong ni Joey sa kaniyang kuya. “Bakit ba kasi naging pangit ako?” tanong pa nito na tila para naman sa kaniyang sarili.
“Pangit? Ano ba ’yang sinasabi mo? Hindi ka pangit!” Halos batukan siya ng kaniyang kuya dahil sa sinabi niya. “Alam mo, para tuluyan mong makalimutan ang babaeng ’yon, sumama ka sa akin sa susunod kong pagsampa ng barko. Siguradong marami ka pang ibang babaeng makikilala,” suhestiyon pa nito.
Wala nang dahilan para tumanggi pa si Joey sa alok ng kaniyang kuya. Wala na si Clara para pigilan siyang gawin ang mga gusto niya. Dahil doon ay agad siyang napapayag nito.
Matapos makapag-asikaso ng mga requirements ay agad na isinakatuparan ng magkapatid ang kanilang plano. Sumampa na sila ng barko at doon ay nagpakasipag si Joey upang makalimot sa kaniyang pagkabigo sa pag-ibig.
Doon ay natuto na rin siyang mag-ayos ng sarili. Sa katunayan ay noon lamang din napagtanto ni Joey na hindi naman pala talaga siya pangit. Sadyang hindi lang siya nag-aayos ng kaniyang sarili dahil ibinubuhos niya ang lahat ng atensyon niya sa pag-aalaga kay Clara noon. Ngayong kumikita na nang maganda si Joey ay kaya na niyang bilhan ng magagandang damit at magagarang alahas ang kaniyang sarili, ngunit hindi naman sobra-sobra. Palagi niya pa ring iniisip ang kaniyang kinabukasan kaya’t nagtatabi siya ng pera bilang ipon.
Lalo na nang makilala ni Joey si Lorrein, isang babaeng mas maganda, mas mabait at hindi hamak na mas elegante kaysa kay Clara at agad na tinamaan dito si Joey. Hindi nagtagal ay naging nobya niya ito at inayang magpakasal pagkababang-pagkababa niya sa barko.
Samantala, kalbaryo naman ang inaabot ni Clara sa kaniyang bagong kinakasama. Guwapo nga ito, ngunit napakatamad naman at walang pagsisikap sa buhay! Imbes na ito ay si Clara na ngayon ang naghahanap-buhay para mabuhay silang dalawa. Bukod doon ay makailang ulit na rin niya itong nahuling nambababae.
Nakahiga na siya sa kama noong nasa piling siya ni Joey, ngunit mas pinili niya palang lumipat sa sahig. Ngayon ay huli na para siya ay magsisi lalo pa at nabalitaan niyang ikakasal na ngayon ang lalaking dating nagmahal sa kaniya nang lubos ngunit nagawa niya pang lokohin at ipagpalit.
Mas nakadagdag pa sa nararamdamang pagsisisi ni Clara nang makita niya ang hitsura ngayon ni Joey. Hindi niya napansin noon pero napakaguwapo rin pala nito lalo na kapag nag-ayos. Ngayon ay wala na siyang ibang magagawa pa kundi ang mainggit na lang sa babaeng pakakasalan nito ngayon. Sigurado siyang magiging masaya ito sa piling ni Joey samantalang siya’y mananatiling naghihirap sa piling ng kaniyang kinakasamang guwapo nga, pero tamad naman.