Inday TrendingInday Trending
Hindi Agad Humingi ng Tulong ang OFW sa Kaniyang Pamilya; Tuloy ay Muntik na Siyang Mapahamak

Hindi Agad Humingi ng Tulong ang OFW sa Kaniyang Pamilya; Tuloy ay Muntik na Siyang Mapahamak

“Anak, naniningil na ang pinagkakautangan natin dito. Ang sabi ko sa kanilaʼy isang linggo ka pa lang diyan sa pinapasukan mo. Kumusta ka na ba riyan? Bakit ngayon ka lang nakatawag?”

Bakas sa tinig ng ina ni Hilda ang pag-aalala nito sa kaniya. Ganoon din ang pangungulila, dahil ito ang unang pagkakataong malalayo siya sa kanilang pamilya sa kasagsagan ng Paskoʼt bagong taon.

“Ayos lang po ako, mama. Huwag na po kayong mag-alala sa akin,” sagot naman niya upang ibsan ang pag-aalala ng magulang.

“Pupuwede ba namang hindi ako mag-alalaʼy malayo ka sa akin? Isang linggo ka pa lang diyan pero hindi ko na matiis, anak. Miss na miss na kita.” Napaluha si Hilda sa narinig sa kaniyang ina.

Kinailangan niya kasing mangibang bansa upang may maipangtustos sa kaniyang anak. Iniwan kasi sila ng kaniyang asawa para sumama sa ibang babae at wala siyang ibang mapagkukunan ng pera kung siyaʼy hindi kakayod. Maliit ang kita sa Pilipinas kaya naman alam niyang hindi iyon sasapat lalo pa at ipinanganak na may kapansanan ang kaniyang supling.

“Mama, okay lang po ako. Kumusta po pala si Baby Kisses?” pag-iiba niya ng usapan sa kaniyang ina. Agad naman nitong sinagot ang kaniyang tanong at ibinalitang palagi raw siyang hinahanap ng kaniyang anak.

Natapos ang tawagan nila ng ina na puno ng pangungulila ang puso ni Hilda, ngunit kailangan niya iyong tiisin. Hindi dapat siya panghinaan ng loob.

Ang totoo ay hindi maayos ang kaniyang lagay sa bansang kaniyang napuntahan.

Malupit at selosa ang asawang babae ng amo ni Hilda sa Saudi. Madalas ay ginugutom siya nito, sinasaktan at ginigipit. Kanina ay tumakas lamang siya at nagpaalam na magbabanyo kaya nagawa niyang tumawag sa kanila. Balak niya sanang pahingiin ng tulong ang ina sa mga kinauukulan sa pinas, ngunit bigla siyang naawa rito nang malamang sinisingil na sila sa perang ipinang-apply niya para lang siya ay makapag-abroad.

Tiniis na lamang ni Hilda ang pagmamalupit na ginagawa sa kaniya ng amo, kahit na minsan ay sumusobra na ito. Inisip niya ang naiwang pamilya sa pinas na kailangan niyang suportahan.

Lumipas pa ang ilang buwan at nagpatuloy ang ganoong ginagawa ng amo ni Hilda sa kaniya, hanggang sa pati ang kaniyang sahod ay iniipit na nito.

Dumating din sa puntong naranasan ni Hilda ang pinakamlupit na maaari niyang maranasan sa kamay ng kahit sino…

“Tama na po!” Napahiyaw si Hilda sa sakit at hapdi nang plantsahin ng amo niyang babae ang kaniyang mukha, likod at hita!

Minumura siya nito nang minumura at paulit-ulit na pinapaso ng plantsa!

Hinang-hina na si Hilda nang mga sandaling iyon. Halos malagutan na siya ng hininga. Nang makita ng kaniyang amo na malapit na siyang mawalan ng ulirat ay inutusan nito ang kanilang driver na ipatapon siya sa kung saan upang hindi siya matagpuan sa kanilang bahay. Plano nitong sabihing umalis siya at sumama sa isang arabong lalaki upang magpakasal.

Doon nakakuha ng pagkakataon si Hilda na makahingi ng tulong sa mga kapwa niya Pilipinong napadaan lamang sa lugar kung saan siya itinapon ng mga ito.

“Pakiusap, tulungan ninyo ako! Tulungan po ninyo akong makaalis dito! Sinasaktan ako ng amo kong babae. Pinaso niya ako ng plantsa sa ibaʼt ibang bahagi ng katawan ko. Diyos ko, Lord, tulungan po ninyo ako!”

Agad naman siyang sinaklolohan ng mga Pilipinong nakita niya at humingi sila ng tulong sa mga tao sa pinas upang siya ay ma-rescue.

Agad na kumalat ang tungkol sa ginawa sa kaniya ng kaniyang amo sa Saudi. Hindi nito akalaing mabubuhay pa siya sa lagay na iyon kaya naman nang hulihin ito ng mga pulis ay hindi na ito nakapalag pa. Nakauwi si Hilda sa Pilipinas na kahit marami nang peklat, pasa at sugat ay masaya pa rin dahil kahit papaano ay buhay siyang nakabalik sa kaniyang pamilya.

Dinagsa sila ng tulong mula sa ibaʼt ibang sangay ng gobiyerno at ilang personalidad na naantig sa kaniyang sinapit. Pinagsisihan ni Hilda ang desisyon niyang huwag agad humingi ng tulong sa kaniyang mga kaanak noong una palang na naging dahilan ng muntik na niyang pagkawala sa mundo.

Malaki ang pasasalamat ni Hilda at ng buo niyang pamilya sa Diyos dahil kahit papaano ay hindi pa rin sila pinabayaan. Ganoon pa man, isang malaking leksyon ang iniwan ng karanasang iyon sa kanila.

Advertisement