Inday TrendingInday Trending
Tutol ang mga Magulang ng Babae sa Kaniyang Nobyo; Tanan ang Kanilang Naging Paraan Laban sa mga Ito

Tutol ang mga Magulang ng Babae sa Kaniyang Nobyo; Tanan ang Kanilang Naging Paraan Laban sa mga Ito

Tinakasan ng magkasintahang Paulo at Ysa ang ʼsandamakmak na guwardiyang itinalaga ng lola ng babae upang bantayan siya. Dumaan siya sa bintana ng kaniyang kuwarto na naroon pa sa ikalawang palapag ng kanilang mansyon at hindi iyon naging hadlang sa balak nila ng kaniyang nobyo.

Magtatanan sila. Balak kasi siyang ipadala ng mga magulang, maging ng kaniyang lola sa ibang bansa upang doon na lamang siya manirahan. Gusto kasi nila siyang ihiwalay sa kasintahan niyang si Paulo dahil ang katuwiran ng mga ito ay wala itong maibibigay sa kaniyang magandang kinabukasan. Galing lamang kasi ang binata sa mahirap na pamilya. Sa katunayan ay isa lamang ito sa kanilang mga empleyado.

Nakilala niya si Paulo nang magtrabaho ito bilang isang hardinero sa kanilang mansyon. Hindi akalain ni Ysa na agad siyang mahuhulog sa binata, dahil bukod sa kakisigan nito ay kahanga-hanga rin ang taglay nitong talino at pagiging mabuting tao.

Kung nabigyan nga lamang ito ng pagkakataong makapagtapos ng pag-aaral ay baka mahigitan pa nito ang yamang taglay ng kanilang pamilya. Bagay na hindi kailan man nakita ng mga magulang ni Ysa, maging ng kaniyang lola.

“Masaya ka ba na sumama ka sa akin, Ysa? Hindi ka ba nagsisisi? Mahirap lang ako at hindi ko kayang ibigay sa ʼyo ang buhay na nakasanayan mo,” may pag-aalalang tanong ni Paulo sa kaniya matapos siya nitong dalhin sa probinsya upang doon sila mag-umpisa ng sarili nilang pamilya.

“Wala akong pakialam. Oo nga at talagang malahalaga ang pera sa panahon ngayon pero aanhin ko ang mga ʼyon kung hindi kita kasama? Maaari naman tayong mag-umpisa. Alam ko at naniniwala ako sa potensyal mo, Paulo, mahal ko. Nakita ko kung gaano ka kasigasig na matuto noong mga panahong nagtatanong ka kay papa tungkol sa pagpapatakbo ng negosyo,” aniya habang inaalala ang mga panahong nakikita niya ang kinang sa mga mata ni Paulo sa tuwing magtatanong ito sa kaniyang ama kung paano nga ba magpatakbo ng isang negosyo.

Inilabas niya ang laman ng kaniyang bag. Iyon ang mga perang matagal na pinag-ipunan ni Ysa mula sa kaniyang pinagsama-samang allowance at kita sa part-time job na lingid noon sa kaniyang mga magulang. Balak niyang gamitin ito upang magtayo ng maliit na babuyan dito sa probinsya ng kaniyang kasintahan na siya nilang gagamitin habang pinatatapos niya ng kolehiyo si Paulo.

Matagal nang pinagplanuhan ni Ysa ang pagkakataong ito, dahil alam niya ang magiging reaksyon ng kaniyang pamilya oras na malaman ng mga ito ang tungkol sa kanila ng nobyo. Dahil doon ay wala siyang inaksayang pagkakataon.

Pagkatapos niyang sabihin kay Paulo ang lahat ng kaniyang plano ay halos hindi ito makapaniwala!

“Talagang siguradong-sigurado ka na sa akin, Ysa! Hindi mo alam kung gaano mo ako pinasaya!” anito at ginawaran siya ng mahigpit na yakap.

Habang tinatapos nito ang kursong Business Management ay itinutuloy na nila ang kanilang itinayong negosyo na agad na pumatok sa kanilang lugar. Ang dating babuyan ay nanganak din ng isang paultry farm at kalaunan ay nagiging supplier na sila ng ibaʼt ibang katayan ng karne sa ibaʼt iba ring lugar.

Dahil sa determinasyon at kasipagan ni Paulo at Ysa ay lumago nang lumago ang kanilang negosyo, hanggang sa makatapos nga ng pag-aaral si Paulo. Dahil doon ay mas natutukan nito ang negosyo at iyon naman ang pagkakataon para si Ysa naman ang pumasok sa eskuwela.

Isang taon na lamang naman at matatapos na niya ang kursong accountancy, kaya naman itinuloy na niya iyon kahit nang mga panahong iyon ay nagdadalang tao na siya. Ganoon pa man ay hindi iyon naging hadlang sa patuloy nilang pag-angat sa buhay.

Nabalitaan ng kaniyang mga magulang ang tungkol sa pagiging matagumpay ng ngayon ay mag-asawa nang Paulo at Ysa. Nang malaman ng mga ito na mayroon na silang apo ay agad silang nagtungo sa probinsya kung nasaan sina Ysa at Paulo.

Nakita nila kung gaano na ngayon kahitik ang bungang inaani ng mag-asawa mula sa kanila mismong kasipagan. Halos maiyak ang mga magulang ng babae.

Nang mga sandaling iyon ay natanto nilang nagkamali sila ng paghuhusga kay Paulo.

“Anak, sana ay mapatawad nʼyo kami sa mga naging kasalanan namin sa inyo noon,” taos pusong paghingi ng tawad ng mga ito sa kanila na tinanggap naman nina Ysa at Paulo.

Ngayon ay isa na silang masaya at buong pamilya.

Advertisement