Inday TrendingInday Trending
Iginuhit ng Magaling na Babaeng Pintor ang Isang Guwapong Lalaki; Ikinagulat Niya na Biglang Nagkaroon ng Buhay ang Kaniyang Obra

Iginuhit ng Magaling na Babaeng Pintor ang Isang Guwapong Lalaki; Ikinagulat Niya na Biglang Nagkaroon ng Buhay ang Kaniyang Obra

Bata pa lang si Haydee ay napakahusay na niyang gumuhit. Marami ang pumupuri sa kaniya sa bawat nalilikha niyang obra. Dahil sa angking talento ay tuwang-tuwa at labis siyang ipinagmamalaki ng kaniyang ama.

“Napakahusay talaga ng iyong mga kamay, anak. Manang-mana ka sa yumao mong ina,” wika ng amang si Domeng.

“Marami pong salamat, itay. Sa tingin ko nga po ay ginagabayan ako ni inay sa tuwing gumuguhit ako. Sana nga po ay nakilala ko siya. Sanggol pa lamang ako nang pumanaw si inay kaya hindi na po ako nagkaroon ng pagkakataon na makasama siya. Sa mga lumang litrato ko na lang siya napagmamasdan. Napakaganda po ni inay, ‘di tulad ko.” Biglang nakaramdam ng lungkot si Haydee sa tinuran.

“Huwag mong isipin iyan, anak. Para sa amin ng iyong ina ay ikaw ang pinakamaganda. Kung nabubuhay ang iyong inay ay ipinagmamalaki ka rin niya,” tugon ng ama sabay yakap nang mahigpit sa dalaga.

Kahit busog na busog sa pagmamahal ng ama ay ‘di pa rin nawawala ang kalungkutan sa isip ni Haydee. Paano kung dumating ang panahon na iwan na rin siya ng kaniyang ama? Sino ang magiging katuwang niya sa buhay? Hindi naman siya ligawin dahil hindi niya kasing ganda ang napamayapang ina. Sa tingin niya ay mag-iisa na lang siya sa bahay na iyon na malungkot at nangungulila. Babae pa rin siya at nangangarap na may lalaking iibig sa kaniya kahit hindi siya kasing ganda ng ina. Isang gabi, naisipan niyang magpinta ng imahe ng isang lalaki. Lalaking laman ng kaniyang mga panaginip at pantasya. Sa husay niyang gumuhit ay nakalikha siya ng isang guwapo at matipunong lalaki.

“Ayan, tapos na! Ang cute mo naman! Hay… sana totoo ka na lang,” wika ni Haydee sa isip nang matapos ang ginawa niyang obra na agad niyang inilagay sa kuwadro.

Isinabit niya sa dingding ng kaniyang kuwarto ang iginuhit niya. Tuwang-tuwa siya dahil kahit sa larawan ay naiguhit niya ang lalaki na kaniyang pinapangarap.

Nang sumunod na araw ay nagpaalam ang kaniyang ama na may aasikasuhin ito sa probinsya at mawawala ito ng isang linggo kaya nakaramdam na naman ng lungkot si Haydee. Maiiwan siya sa kanilang bahay na wala siyang ibang kasama. Kung tutuusin ay sanay na naman siya sa ganoon. Matagal na niyang sinanay ang sarili sa pag-iisa. Ang ginagawa niyang pampalipas oras ay ang pagguhit dahil doon kahit paano ay nalilibang siya at naiibsan ang kaniyang kalungkutan.

Sa pagsapit ng gabi, himbing na himbing sa pagtulog niya si Haydee. Hindi niya namalayan na biglang nabuhay ang lalaki na kaniyang iginuhit! Bigla na lang itong lumabas sa kuwadro at dahan-dahang lumapit sa kinahihigaan niya. Pinagmasdan siya nitong mabuti.

“Ikaw ba ang lumikha sa akin?” tanong ng mahiwagang lalaki sa sarili habang pinagmamasdan ang natutulog na dalaga.

Kinaumagahan ay nagulat si Haydee dahil sa pagmulat pa lang ng mga mata niya ay nakita niya ang isang lalaki na titig na titig sa kaniya.

“Hoy! S-sino ka? A-anong ginagawa mo rito sa kuwarto ko at paano ka nakapasok sa bahay namin?” gulat niyang tanong.

“Hindi mo ba ako nakikilala? Ako ang lalaking iyong iginuhit, aking binibini,” sagot ng lalaki na may malapad na pagkakangiti.

Laking gulat ni Haydee nang makitang nawawala ang imahe ng lalaki sa kuwadro na nakasabit sa dingding. Halos gusto niyang mawalan ng malay sa natuklasan. Hindi niya alam kung nananaginip ba siya o isang multo ang kaniyang kaharap.

“Teka, teka, panaginip lang ba ito? Ano’ng nangyayari? Sino ka bang talaga? Isa ka bang multo?” naguguluhan pa rin niyang tanong.

“Hindi ko rin alam kung paano ito nangyari, aking binibini. Ang masasabi ko lang ay hindi ka nananaginip at hindi rin ako multo. Totoo ang iyong nakikita. Buhay na buhay ako, bigla na lang akong nabuhay at lumabas sa kuwadrong iyan. Ikaw ba ang lumikha sa akin? Kung ikaw ay napakalaki pala ng utang na loob ko sa iyo dahil mula sa pagiging isang dibuho lamang ay nabuhay ako at naging isang tunay na tao. Utang ko sa iyo ang aking buhay, aking binibini, kaya handa kong gawin ang lahat maging masaya ka lang,” hayag ng guwapong lalaki.

Kahit naguguluhan sa nangyari ay biglang nakaramdam ng saya si Haydee. ‘Di niya kasi akalain na magkakaroon ng buhay ang kaniyang iginuhit. Ang lalaking matagal na niyang hinahangad ay nagkatotoo na at ngayon ay kasama niya. Habang pinagmamasdan niya ang lalaki ay napakaguwapo nito at matipuno gaya sa pagkakaguhit niya rito. Wala na siyang pakialam kung panaginip man ang lahat ng iyon, ang mahalaga ay nagkaroon ng pagkakataon na matupad ang kaniyang pantasya.

“I-ibig sabihin ay nabuhay ang aking iginuhit? ‘Di pa rin ako makapaniwala, pero kung talagang buhay ka ay ano ang iyong pangalan?”

Hindi agad nakasagot ang lalaki. Napaisip ito nang malalim.

“A, eh, hindi ko alam kung ano pangalan ko aking binibini,” sagot nito.

“Alam ko na, bibigyan na lang kita ng pangalan. Tatawagin na lang kitang ‘Bernardo’ tamang-tama sa iyo ang pangalang iyan, lalaking-lalaki ang dating,” aniya.

“Kung iyan ang iyong nais aking binibini. Ngayon ako na si Bernardo,” pag-sang-ayon naman ng lalaki.

“Ayan may pangalan ka na. Ako si Haydee, ako ang lumikha sa iyo. Mag-isa lamang ako sa bahay dahil may pinuntahan ang aking ama.”

“Huwag kang mag-alala aking binibini. Sasamahan kita rito. Mula ngayon ay ako na ang iyong tagapagbantay,” wika ulit ng guwapong lalaki.

Hindi pinagsisihan ni Haydee na nakasama ang mahiwagang lalaki sa kanilang bahay dahil naging mabait ito sa kaniya at pinagsilbihan siya na para bang ito ang kaniyang nobyo. Palagi siya nitong ipinagluluto ng masasarap na pagkain, hindi siya nito hinahayaang mapagod dahil ito lahat ang gumagawa ng mga gawaing bahay. Naging maginoo rin ang lalaki at hindi sinamantala ang kaniyang pagiging babae. Itinuring siya nitong isang prinsesa na sa hinagap ay hindi niya akalaing mangyayari sa kaniya. Hindi niya namalayan na nahuhulog na ang loob niya sa lalaki dahil sa ipinakikitang kabutihan nito pero bigla niyang naisip, hanggang kailan niya makakasama ang lalaki? Paano kung bigla na lang ito mawala o iwan siya? Naisip rin niya kung paano niya ipapaliwanag sa kaniyang ama ang tungkol kay Bernardo?

Nagkaroon siya ng pagkakataon na kausapin ang lalaki. Ipinagtapat na niya rito ang nararamdaman niya.

“Batid nating dalawa na ilang araw pa lang tayong magkasama pero sa tingin ko ay may nararamdaman na ako sa iyo, Bernardo. Mahal na yata kita. Natatakot lang ako, baka mamaya ay bigla ka na lang maglaho o baka bigla na lang akong magising sa napakagandang panaginip na ito,” sabi niya sa lalaki.

“Iyan din ang pinangangambahan ko, aking binibini. Nag-aalala ako na baka bigla na lang akong mawala at hindi na kita makita pa. Ayokong mangyari iyon dahil tulad ng iyong nararamdaman sa akin ay mahal na rin kita. Ewan ko ba, pero isa kang naiibang babae. Napakabait mo at napakahusay sa iyong talento sa pagguhit. Nang una kitang makita akala ko’y ang nararamdaman ko sa iyo ay isa lamang malaking paghanga at pagpapasalamat dahil sa iginuhit mo ako ay nagkaroon ako ng buhay ngunit nang lubusan kitang makilala ay may kakaiba ka palang katangian na kaibig-ibig. Ayoko na ring magising kung panaginip lang ito. Nais kong maksama ka habang akoy nabubuhay, mahal ko,” hayag ni Bernardo.

“T-totoo? Mahal mo rin ako? Alam mo ba na bukod sa aking ama ay ikaw lang ang nagsabi niyan sa akin? Walang lalaking naglakas-loob na manligaw sa akin dahil hindi ko kasing ganda ang aking namayapang ina. Masaya ako dahil may lalaki pa palang magmamahal sa akin bukod sa pinakamamahal kong ama. Salamat, Bernardo, salamat at nakilala kita. Nagpapasalamat ako sa hiwagang nagdala sa iyo sa aking mundo dahil binigyan ako ng pagkakataon na umibig at mahalin,” tugon ng dalaga sabay yakap nang mahigpit sa kausap.

Niyakap din siya nang mahigpit ni Bernardo.

“Simula ngayon ay mamahalin na kita habang ako’y naririto sa tabi mo aking binibini. Hindi ko alam kung hanggang kailan ito, pero ipinapangako ko sa iyo na iyong-iyo na ang aking puso. Handa kong gawin ang lahat para sa ikaliligaya mo mahal ko,” malambing at sinserong wika ng lalaki.

“Hayaan mo, pagdating ni itay galing sa probinsya ay ipakikilala kita sa kaniya. Siguradong magugulat iyon pero alam kong mauunawaan din niya ang lahat,” sagot ni Haydee.

Nang biglang umihip ang malakas na hangin. ‘Di nila inasahan ang paglitaw ng isang mahiwagang babae sa kanilang harapan. Nababalutan ito ng matingkad na liwanag.

“S-sino ka?!” gulat na sabi ni Haydee.

“Ako si Hayera at isa akong diwata. Ako ang dahilan ng pagkabuhay ng lalaking iyong iginuhit, Haydee. Ang totoo niyan ay isa talaga siyang tunay na tao sa makalumang panahon at inalis ko ang lahat ng kaniyang alaala. Siya ay si Benedicto Zaragoza na nabuhay noong taong 1956. Siya ay aking isinumpa dahil noon ay isa siyang lalaking mapagmataas, mapagsamantala at mapanghamak sa kaniyang kapwa. Walang ibang mahalaga sa kaniya kundi ang pera at kagandahang panlabas ng mga babaeng niloko niya at pinaglaruan kaya pinarusahan ko siya. Ikinulong ko siya sa lugar ng kawalan kung saan madilim at walang pag-asang makalabas ang sinuman. Inalis ko rin ang lahat ng kaniyang alalala na parte ng aking sumpa. Mawawala lang ang sumpa sa kaniya kapag may isang babaeng makaisip na iguhit ang wangis niya at mahalin siya nang totoo. ‘Di ko akalain na ikaw ang babaeng iyon at nang iguhit mo ang wangis ng isinumpang lalaki ay naisip kong alisin siya sa lugar ng kawalan at buhayin sa pamamagitan ng iyong iginuhit na obra. Binantayan ko ang kaniyang mga ginawa at maging ang namuong pag-ibig sa pagitan ninyong dalawa ay hindi lingid sa akin. Natutuwa ako dahil natutunan niya na magmahal nang totoo sa isang babaeng tulad mo na kahit hindi nabiyayaan ng kagandahang panlabas ngunit busilak at nagniningning naman ang kalooban. Sa pagkakataong ito ay inaalis ko na ang sumpa sa iyo, Benedicto. Bibigyan kita ng pagkakataong muling mabuhay sa kasalukuyang panahon at ibabalik ko ang iyong alaala. Napatunayan mo na kaya mong magmahal ng tunay at wagas nang hindi tumitingin sa kagandahang panlabas ng isang tao,” bunyag ng diwata.

Ikinagulat nina Haydee at Bernardo ang ipinagtapat sa kanila ng makapangyarihang diwata. ‘Di rin makapaniwala si Haydee na alam ng diwata na isa siyang babaeng hindi nabiyayaan ng kagandahan. Ipinanganak siya na may ubod ng itim na balat at may kulot na kulot na buhok. Makapal din ang kaniyang mga labi at mga kilay. Marami noon ang nanghusga at nanlait sa kaniya dahil hindi siya ipinanganak na kasing ganda ng namayapa niyang ina. Naging mailap rin ang mga lalaki na ligawan siya dahil sa hitsura niya ngunit kahit ganoon ay minahal siya ng sobra-sobra ng kaniyang ama. Dahil sa angkin niyang galing sa pangguhit ay nabawi naman niya ang pagkilala ng mga tao. Hangang-hanga ang mga ito sa kaniyang husay kaya kahit malas siya sa hitsura ay nag-uumapaw naman ang galing niya sa kaniyang talento. Sa sinabi ng diwata ay may nabuong desisyon si Bernardo.

“Ikinatutuwa ko po at ipinagpapasalamat ang inyong sinabi mahal na diwata subalit maaari po bang huwag niyo na pong ibalik ang aking alaala?”

Nagulat si Haydee at ang diwatang si Hayera.

“Bakit naman ayaw mong ibalik ko ang iyong alaala?” tanong ng diwata.

“Oo nga, Bernardo este Benedicto? Bakit?” tanong naman ni Haydee.

“Ayaw ko na pong maalala ang dati kong buhay. Ayoko nang balikan at maalala kung gaano ako kasamang tao noon. Hindi ko na rin gagamitin ang pangalang Benedicto, simula ngayon ay Bernardo na ang pangalan ko. Kuntento na po ako sa buhay ko ngayon na kasama ang pinakamamahal kong si Haydee. Gusto ko rin pong maging mas mabuting tao sa kasalukuyang panahon para kapag dumating ang araw na magkaroon kami ng mga anak ay ipagmalaki nila ako na ako ang kanilang naging ama at ipagmalaki rin ako ng kanilang ina,” hayag ng lalaki.

Mas lalong ikinatuwa ng diwata ang sinambit ni Bernardo. Kinilig naman si Haydee dahil may balak pala ang lalaki na bumuo sila ng pamilya. Napagtanto niya na talagang minahal nga siya nito.

“Kung iyan ang iyong nais,” sagot ni Hayera. “Ikaw, Haydee, dahil isa kang mabuting babae ay igagawad ko sa iyo ang isang napakagandang regalo.”

“Ano po iyon, mahal na diwata?”

“Pagagandahin kita. Mapapasa iyo ang kagandahang ipinagkait sa iyo ng tadhana.”

Mabilis na tumanggi ang dalaga.

“Nagpapasalamat po ako sa inyong kabaitan, mahal na diwata, ngunit hindi ko po matatanggap ang inyong handog. Masaya na po ako sa aking hitsura. Kahit kailan ay hindi ko naman po ikinahiya ang aking sarili at tanggap ko po kung ano ang ibinigay sa akin ng Panginoon. Ayoko pong mabago ang aking hitsura dahil minahal po ako ng lalaking ito sa kung ano at sino ako,” wika ni Haydee sabay tingin kay Bernardo.

“Tutol din po ako, mahal na diwata. Minahal ko po ang binibining ito ‘di dahil sa kaniyang hitsura kundi dahil sa naiiba niyang katangian,” sabad naman ni Bernardo.

Napangiti ang diwata.

“Pinahanga niyo akong dalawa. Kung gayon ay aalis na ako. Huwag sana kayong magbabago. Hangad ko ang inyong kaligayahan!”

At biglang naglaho si Hayera.

Mahigpit na nagyakap sina Haydee at Bernardo. Nangakong mamahalin ang isa’t isa habang silay nabubuhay. Nangako si Bernardo na sa kaniyang ikalawang buhay ay mas magiging makabuluhan iyon at punumpuno ng pagmamahal sa kaniyang kapwa.

‘Di nagtagal ay bumalik na si Domeng at ipinakilala ni Haydee ang lalaki sa ama. Ikinagulat man ng ama ang lahat ng ikinuwento nila ay natutuwa naman ito dahil nahanap na ng anak ang tunay nitong kaligayahan. Makalipas ang ilang buwan ay ikinasal ang dalawa at namuhay nang masaya.

Advertisement