Inday TrendingInday Trending
Mahilig Magpakuwento ang Anak sa Kaniyang Ama Hinggil sa mga Anekdotang Katawa-tawa; Paano Kung sa Kaniyang Paglaki ay Magkalamat ang Relasyon Nila?

Mahilig Magpakuwento ang Anak sa Kaniyang Ama Hinggil sa mga Anekdotang Katawa-tawa; Paano Kung sa Kaniyang Paglaki ay Magkalamat ang Relasyon Nila?

“Tatay, tatay, ikuwento mo po ulit yung istorya ninyo sa patigasan ng ulo!” tuwang-tuwang sabi ni Jaypee, 8 taong gulang, sa kaniyang tatay na si Mang Noel.

“Na naman? Anak naman eh. Paulit-ulit ko na naikuwento ‘yang anekdota na iyan. Siguro mga 100 beses ko nang nakuwento,” turan naman ni Mang Noel.

“Eh gusto ko po ulit, nakakatawa eh!” nakangiting tugon naman ni Jaypee. Litaw ang kaniyang mga bungi-bunging ngipin, kakakain ng tsokolate. Kinarga siya ni Mang Noel upang paupuin sa isang bench sa labas ng kanilang bakuran.

“Sige. Ganito, may paligsahan ng patigasan ng ulo. Apat ang kalahok: Espanyol, Hapones, Amerikano at Pilipino. Unang sumalang ang Espanyol. Kumuha siya ng malaking bato. Tapos, ipinukpok niya sa kaniyang ulo habang sumisigaw ng Viva Espanya! Viva Espanya! Mga tatlong beses niyang ginawa. Hindi nabasag ang ulo niya. Matigas nga ang ulo. Palakpakan ang mga taong nanonood,” saad ni Mang noel. Pumalakpak naman si Jaypee habang bumubungisngis.

“Tapos, siyempre hindi naman papatalo ang Amerikano. Hindi siya kumuha ng bato. Ang ginawa niya, sa harap ng lahat ay mabilis siyang tumakbo at inumpog ang kaniyang ulo sa pader. Mga limang beses niyang ginawa. Nang suriin nila ang ulo niya, walang kabarag-barag. Sabi niya, ‘In God We Trust.’ Matigas nga ang kaniyang ulo. Panalo siya dahil sa limang beses niyang pag-untog sa sarili niya, hindi pa rin nabasag ang bungo niya.”

“Pero siyempre, hindi naman padadaig ang isang Hapones. Ginawa niya, umakyat siya sa isang puno ng buko. Tapos, nagpatihulog siya na nauuna ang ulo. Mga sampung beses niyang ginawa. Namangha ang mga tao kaya siya ang panalo. Sabi niya, ‘Arigato! Arigato!”

Namilipit naman sa katatawa si Jaypee kahit ilang beses na niyang narinig at naikuwento sa mga kalaro ito. Iba pa rin kasi kapag naririnig niyang magkuwento ang ama.

“At siyempre, hindi naman papahuli ang Pilipino. Nagtaas siya ng kamay. Tatalunin daw niya ang lahat nang hindi kailangang masaktan. Tinawag siya ng host. Sabi sa kaniya, magsimula na siya. Pero ang ginawa ng Pilipino, tumayo lang siya, hanggang 21 oras. Galit na galit sa kaniya ang host pati na ang nag-organisa ng paligsahan. Matigas daw ang ulo ng Pilipino, ayaw sumunod. Kaya ang nanalo, ‘yung Pilipino!” natatawang sabi ni Mang Noel.

“Ano nga pong sinabi niya noong manalo siya?” tanong ni Jaypee.

“Sabi niya It’s More Fun in the Philippines!”

At nagkatawanan na naman nang pagkalakas-lakas ang mag-ama. Lumapit naman si Aling Lorna upang bigyan ng meryenda ang mag-ama.

“Hay naku Jaypee, hayan ka na naman sa pagpapakuwento mo sa Tatay mo. Hindi ka na nagsawa sa kuwentong iyan! Hindi naman nakakatawa!” kunwari ay ismid ni Aling Lorna.

“Nakakatawa po kaya. Tawa nga po nang tawa ang mga kaklase ko pati si Mam Guanzon kapag ikinukuwento ko ito eh!” saad ni Jaypee. Si Mam Guanzon ang gurong tagapayo nito sa paaralan.

Masasabing close na close talaga sa isa’t isa ang mag-amang Noel at Jaypee. Busog na busog si Jaypee sa mga kuwentong kutsero ng kaniyang ama. Hindi ito nauubusan ng kuwento. Bagay na ikinukuwento naman niya sa kaniyang mga kaibigan, kalaro, at kaklase. Magkasundong-magkasundo ang mag-ama.

Noon iyon…

Habang nagbibinata at lumalaki na si Jaypee, naiisip na niya ang mga bagay na gusto niyang marating sa buhay. Minsan, may mga ipinapayo sa kaniya si Mang Noel na taliwas sa kaniyang mga gusto. Kagaya na lamang ng kukunin niyang kurso sa kolehiyo. Ang pangarap ni Mang Noel sa kaniya ay maging abogado, subalit mas gusto niyang maging manunulat. Nais niyang kumuha ng kursong Creative Writing.

“Anak… hindi naman sa minamata ko ang kursong iyan, kaya lang, siyempre mas gusto kong abogado ka. Tagapagtanggol ng mga naaapi. O kung ayaw mo naman ng pagiging abogado, maaari namang pulis o kaya sundalo,” saad ni Mang Noel.

“Tatay, hindi po iyan ang gusto ko. Mas gusto ko pong gumawa ng mga kuwento. Gusto ko pong mahasa ang angking-talento ko sa pagkukuwento sa pamamagitan ng pagsusulat.

“Hindi ka naman makakaipon ng maraming pera diyan, anak. Hindi ka sisikat sa ganiyan. Sumunod ka sa akin. Huwag matigas ang ulo mo.”

Subalit hindi nakinig si Jaypee sa mga sinabi ng kaniyang ama. Kinuha pa rin niya ang kursong ibig niya. Nakikita niya ang sarili sa UP Diliman, kausap ang mga batikang manunulat na hinahangaan niya. Simula noon, hindi na siya pinagpapansin ni Mang Noel, bagama’t nagbibigay naman ito ng perang pangmatrikula niya.

Hanggang sa makatapos ng kaniyang pag-aaral si Jaypee. Dahil sa napakahusay niyang mga akda, napansin siya ng ilan niyang mga propesor, at inirekomenda siya sa pagsusulat ng script para sa mga programang pantelebisyon at pelikula.

Naging abala siya sa kaniyang buhay at career, na dumating pa sa puntong hindi na siya nakakauwi sa kanilang bahay dahil marami siyang kailangang tapusin. kapag buhos na buhos na ang kaniyang atensyon sa pagsusulat, naka-silent mode ang kaniyang telepono upang hindi maistorbo ng kahit sino.

Tulad ngayon, may tinatapos siyang kuwento na kailangang ilahok sa isang taunang film festival. Isang linggo niyang tinapos ito na walang tayuan sa kaniyang mesa. Inilayo rin niya ang kaniyang cellphone, at hindi pa siya nakuntento roon, ino-off rin niya ito.

Nang buksan niya ang kaniyang cellphone, katakot-takot na mensahe ang dumating. Subalit isang mensahe lamang ang nakapukaw sa kaniyang atensyon. Mga mensahe mula sa kaniyang Nanay na si Aling Lorna.

“Anak, umuwi ka na. Nasa ospital ang Tatay mo. Oktubre 14.”

“Anak, hinahanap ka ng Tatay mo. Baka operahan siya. Nasaan ka ba? Sumagot ka naman. Oktubre 15.”

“Anak, nasa malalang kalagayan ang Tatay mo. Umuwi ka na rito. Noong isang araw at kahapon pa ako nagpapadala ng mensahe sa iyo. Tinatawagan din kita, pero out of coverage area ka. Magpunta ka sa ospital na malapit sa atin, naghihingalo na ang Tatay mo. Baka mahuli na ang lahat. Oktubre 16.”

“Wala na ang Tatay mo. Oktubre 17.”

Pakiramdam niya ay pinagbagsakan siya ng langit at lupa sa kaniyang mga narinig. Agad siyang umuwi sa kanilang bahay. Ang naabutan niya ay ang burol nito. Umiiyak ang kaniyang ina.

“Saan ka ba nagpuntang bata ka? Hindi mo na naabutan ang Tatay mo!” panunumbat nito.

At nanumbalik sa alaala ni Jaypee ang mga sandaling nagpapakuwento siya ng mga istorya sa kaniyang Tatay; hindi ito nawawalan ng mga kuwento. lalo na ang paborito niyang patigasan ng ulo ng Espanyol, Amerikano, Hapones, at Pilipino.

Naisip niya, maaaring siya ang Pilipino sa kuwento nito. Sadyang matigas ang ulo niya. Hindi niya sinunod ang gusto nito para sa kaniya. Hanggang sa kadulo-duluhan, binigo niya ang tatay niya. Hindi man lamang siya nakapunta sa mga sandaling kailangang-kailangan siya nito. Sa mga panahong nag-aagaw-buhay ito.

Nilapitan niya ang kaniyang ina. Niyakap niya ito. Bumuhos ang kaniyang emosyon. Humingi siya ng tawad.

“Patawarin po ninyo ako ‘Nay. Hindi ko man lamang nakita ang Tatay sa huling sandali niya, dahil sa mga ambisyon ko na ikinasama ng loob niya,” saad ni Jaypee.

“Anak. maniwala ka sa hindi, pinagmamalaki ka ng Tatay mo. Wala kang dapat ipangamba. Nakapagbilin pa siya sa akin. Sabi niya, galingan mo raw ang pagsulat ng mga kuwento. Natutuwa raw siya sa mga kuwentong ginagawa mo, sa mga napapanood niya sa telebisyon at pelikula,” naluluhang paliwanag ni Aling Lorna.

Kaya sa puntod ng kaniyang Tatay, ipinangako ni Jaypee na hindi niya bibiguin ang mga bilin nito sa kaniya. Sa katunayan, may naiisip na siyang banghay sa susunod na kuwentong gagawin niya: tungkol sa isang amang mahilig magkuwento sa kaniyang mga anak, na ginamit ng mga ito upang matuto at harapin ang mga hamon ng buhay.

Advertisement