Inday TrendingInday Trending
Nalalapit na ang Kaarawan ng Isang Dalagang Malapit Nang Mawala sa Kalendaryo ang Edad; Paano Kaya Niya Ipagdiriwang ang Natatanging Araw ng Kapanganakan?

Nalalapit na ang Kaarawan ng Isang Dalagang Malapit Nang Mawala sa Kalendaryo ang Edad; Paano Kaya Niya Ipagdiriwang ang Natatanging Araw ng Kapanganakan?

“Anak, malapit na ang 32nd birthday mo. Saan mo gustong magdiwang?” tanong ni Aling Kira sa anak na si Kendra, na hanggang ngayon ay wala pa ring karelasyon.

Napabuntung-hininga naman si Kendra sa kaniyang ina. Nagkakape silang dalawa sa komedor.

“Mama naman eh. Bakit kailangang ipaalala sa akin na malapit nang mawala ang edad ko sa kalendaryo? Pakiramdam ko tuloy ang tanda ko na,” saway naman ni Kendra sa kaniyang ina.

“Huwag kang mag-alala, Ate. May Lotto pa naman saka BINGO!” singit naman ni Karlos, ang kaniyang nakababatang kapatid na lalaki.

“Tumigil ka nga diyan, Karlos! Sinabi ko bang sumabat ka sa usapan namin ni Mama?” galit-galitang saway ni Kendra sa kaniyang bunsong kapatid.

“Hoy tama na iyan. Baka magkapikunan na naman kayo. Seryoso, anak. Tinatanong ng Papa mo kung magkano raw na budget ang gusto mo para sa birthday mo. Mamaya mag-usap kayo. Tatawag iyon,” saad ni Aling Kira sa anak. Ang kanilang ama ay nagtatrabaho sa isang shipping company sa ibang bansa bilang isang OFW. Masasabing maganda at maayos naman ang kanilang estado sa buhay.

Kinagabihan, tumawag na nga ang kaniyang Papa sa pamamagitan ng video call. Matapos makausap nang personal ang kanilang Mama at si Karlos, siya naman ang personal na kinausap nito.

“Anak, pasensiya ka na kung wala ako riyan sa birthday mo sa susunod na linggo. Alam mo naman, hindi basta-basta makakaalis dito,” paghingi ng pasensiya ng kaniyang Papa.

“Ok lang naman, Pa. Wala naman pong kaso sa akin iyon. Ang mahalaga po ay nakikita ko po kayo ngayon at nakakausap. Miss na namin kayo!” nakangiting tugon naman ni Kendra.

“Salamat naman anak at nauunawaan mo ang sitwasyon natin. Saka sana lagi kang nasa mabuting kalagayan. Kailan ka ba magpapakilala sa amin ng magiging katuwang mo sa buhay?” pabirong tanong sa kaniya ng ama.

“Papa naman… wala pa kasi akong nakikilalang gaya mo, guwapo, mabait, responsable, at masipag. Saka hindi naman ako nagmamadali. Hindi naman ako nape-pressure,” nakangiting paliwanag naman ni Kendra.

“Tama iyan, anak. Huwag kang makipagrelasyon dahil lang sa dikta ng mga tao sa paligid mo. Kasi hindi naman sila ang makikisama kundi ikaw. Kaya sa pagpili ng makakasama sa buhay, kailangang siguradong-sigurado ka na,” paliwanag naman ng kaniyang Papa.

“Opo, Papa, susundin at tatandaan ko po iyan. Hindi na rin po ako bumabata kaya siyempre, kailangang maging mas matalino sa mga desisyon sa buhay,” saad ni Kendra.

Ilang araw bago ang aktuwal na birthday ni Kendra, nagpadala ng 10,000 piso ang kaniyang Papa para sa kaniyang pagdiriwang. Nag-isip mabuti si Kendra kung paano niya ipagdiriwang ang kaniyang birthday na kakaiba at hindi pa niya nagagawa sa tanang buhay niya.

“Mag-staycation kaya tayo?” payo sa kaniya ni Karlos.

“Nagawa na natin iyan eh. Gusto ko naman yung kakaiba. Hindi pa rin puwedeng bumyahe dahil sa travel ban. Ano nga kaya? Hindi naman puwede pa masyado ang salu-salo dahil nga sa health restrictions,” saad ni Kendra.

“Simpleng kainan na lang tayo rito sa bahay tapos yung matitira, ipang-online shopping mo na lang para masayahan ka. Hindi ba iyon naman ang kinahihiligan mo ngayon?” mungkahi ulit ni Karlos.

Hanggang sa may naisip siya. Bigla na lamang pumasok sa kaniyang isipan.

“Alam ko na…” bulong ni Kendra.

Isang araw bago ang aktuwal na birthday ni Kendra, sinamahan niya ang kaniyang ina sa pamamalengke ng kaniyang mga ihahanda: spaghetti, fried chicken, pansit, at puto ang naisip niyang ihanda. Bumili rin sila ng isandaang piraso ng styrofoam food containers.

Kinabukasan, maagang bumangon ang mag-ina upang magluto nang mga binanggit na pagkain. Tumulong naman si Karlos sa paglalagay ng mga pagkain sa loob ng styrofoam. Nang maiayos na ang lahat, isinilid na nila ang mga pagkain sa loob ng kahon, saka inilagay sa sasakyan.

Kalahati ng mga pagkain ay ibinigay nila sa mga pamilyang naninirahan sa ilalim ng tulay, at kalahati naman ay ipinamigay nila sa mga bata at matatandang ginawang tahanan ang lansangan. Kakaiba ang naramdamang ligaya ni Kendra sa kaniyang puso, lalo na nang masilayan na niya ang mga ngiti nila sa kanilang mga labi, at mga matang nangungusap ng pasasalamat.

Maligayang-maligaya si Kendra sa kaniyang ginawa. Sa huling birthday na ang kaniyang edad ay nasa kalendaryo pa, minabuti niyang isipin naman ang pagtulong sa kaniyang kapwa, kahit sa simpleng paraan na kaniyang ginawa.

Advertisement