Inday TrendingInday Trending
Para sa Dalaga, Masasama at Dapat Pakaiwasan ang mga Taong May Tattoo sa Kanilang Katawan; Paano Mababago ang Kaniyang Pananaw?

Para sa Dalaga, Masasama at Dapat Pakaiwasan ang mga Taong May Tattoo sa Kanilang Katawan; Paano Mababago ang Kaniyang Pananaw?

“May tattoo, besh. Ayoko na niyan. Unmatch ko na siya…”

Nasa coffee shop ang magkaibigang Leslie at Trisha at kasalukuyang tinitingnan ni Trisha ang mga nakaka-match niya sa sikat na dating app. Matiyaga niyang sinusuri ang mga larawan nito: kapag nakitaan niya ng kahit na maliit na tattoo, agad niyang ina-unmatch.

“Diyos ko naman besh, moderno na ang panahon natin ngayon, ganiyan ka pa rin mag-isip? Anong klase iyan? Hindi lahat ng mga may tattoo ay masasamang tao!” bulalas ni Leslie sa kaniyang matalik na kaibigang si Trisha.

“Hay naku! Basta. Ayoko sa mga lalaking may tattoo. Pakiramdam ko, marumi sila at masasamang tao. Hindi sila dapat pagkatiwalaan. Sa mga babaeng may tattoo naman, ayoko rin… narurumihan ako sa kanila,” saad ni Trisha sa kaniyang kaibigan.

“Hanggang ngayon ba hindi mo pa rin nagbabago ang pananaw mo sa mga taong may tattoo? Eh paano na lang yung pinakamatandang mambabatok sa Kalinga? Ibig bang sabihin niyon ay masama na siyang tao dahil naglalagay siya ng tattoo, saka marami siyang burda sa katawan?” tanong ni Leslie. Kahit na matagal na silang magkaibigan ni Trisha, hindi pa rin nawawala ang kaniyang pagtataka kung saan nito nakuha ang konseptong masasamang tao ang mga may tattoo.

“Ah basta. Huwag mo na nga akong tanungin. Ayoko talaga sa mga may tattoo. Hindi naman sa hinuhusgahan ko kaagad sila, pero iyon kaagad ang rumerehistro sa akin. Kapag may tattoo, may kakaiba sa tao na iyan na kailangang iwasan,” paliwanag ni Trisha.

“Alam mo, sayang ang mga nakaka-match mo. Hindi mo man lang nami-meet. Mukha pa naman silang mababait na tao at may sinasabi rin sa buhay. Malay mo, yung na-unmatch mo ay si Mr. Right na pala,” nanghihinayang na sabi ni Leslie sa kaniyang kaibigan.

“Hay, hayaan mo na nga iyan! Talagang ikaw talaga ang nanghihinayang para sa akin besh ha?” natatawang saad ni Trisha.

“Oo besh. Sayang naman ang ganda mo kung hindi ka pa nadidiligan!” biro sa kaniya ni Leslie.

“Loka-loka ka talaga!”

Sa totoo lamang ay hindi naman pihikan si Trisha pagdating sa mga lalaki. Hindi siya masyadong tumitingin sa panlabas na anyo, gayundin sa estado sa buhay. Subalit hindi rin niya maipaliwanag kung bakit kapag nakakita na siya ng tattoo sa kahit na alinmang bahagi ng katawan ng lalaki, nawawalan na kaagad siya nang gana at interes na makilala pa niya ito.

Marahil, nakaugat ito sa isang kahindik-hindik na karanasan noong siya ay bata pa. Kitang-kita ng kaniyang dalawang mata kung paano nap@slang ng isang lalaking maraming tattoo ang kaniyang mga magulang dahil sa agawan sa lupa, na hindi na niya masyadong maalala kung ano ang puno’t dulo. Maaga siyang naulila sa kaniyang mga magulang; salamat sa kaniyang Tiya Carmen na siyang nag-aruga sa kaniya. Hanggang ngayon, hindi pa rin nabibigyang-hustisya ang nangyari sa kaniyang mga magulang.

Isang araw, may nakilala si Trisha sa dating app: guwapo, matangkad, at tila may sinasabi sa buhay. Maayos din ang pakikipag-usap; hindi nagkakamali sa ispeling gayundin sa paglalagay ng mga pangunahing bantas sa pangungusap. Isa kasi iyon sa pinagbabatayan niya kung may kabuluhan bang kausap ang kaniyang nakikilala. Inisa-isa rin niya ang mga larawan nito: maputi at malinis at walang bahid ng mga tattoo. Agad siyang pumayag nang mag-aya itong makipagkita.

Dahil may kotse ito, nagprinsita itong ihahatid na siya, bagay na pinaunlakan naman siya. Maya-maya, nagulat siya nang mapansing malayo na ang direksyong tinatahak nito.

“H-Hindi rito ang daan papunta sa amin,” paalala ni Trisha.

“May pupuntahan pa tayo. Sa pagkakaalam ko masarap ang sisig doon,” nakangising sabi nito.

“Ha? Hindi ba kakakain pa lang natin? Hindi pa naman ako gutom, siguro sa susunod na lang, gusto ko nang magpahinga,” saad ni Trisha. Tila nakakaramdam siya ng kaba sa ikinikilos ng ka-date.

“Ayaw mo ba ako makasama nang matagal? Kakain tayo ng sisig at lalasapin ang ligaya. Pupunta tayo sa ikapitong glorya,” saad ng lalaki, at tila papunta na nga ito sa isang “biglang liko.”

Pagkababa ni Trisha sa sasakyan, nagulat ang ka-date nang bigla siyang magtatatakbo palabas. Agad siya nitong nahabol. Niyakap siya upang hindi na siya makatakas.

“Ang dami mong arte, sa ganito rin naman tayo mapupunta! O gusto mo sa kotse na lang natin gawin?”

Maya-maya, tatlong lalaking may mga tattoo sa kanilang mga braso ang lumapit sa kanila at sinapak sa mukha ang kaniyang ka-date. Pinalibutan nila ang lalaki.

“Hayop ka! Pakawalan mo si Miss! Siraulo kang lalaki ka ah… gusto mong mabangasan ‘yang mukha mo?” saad ng unang lalaking may tattoo sa braso.

“Bawal sa lugar namin ang mga walang galang sa babae! Ano Miss, ipapapulis na ba natin itong hudas na ‘to?” tanong ng ikalawang lalaki. Hawak nila ng ikatlong lalaking burdado ng mga tattoo sa binti ang ka-date niyang nagtangkang manamantala sa kaniya.

Sinamahan siya ng tatlong lalaking may mga tattoo sa pulisya. Sa pagmamakaawa ng kaniyang ka-date, hindi na niya itinuloy ang pagsasampa ng kaso rito, subalit pina-blotter niya ito. Labis-labis naman ang kaniyang pasasalamat sa kalalakihang tumulong sa kaniya. Bagama’t napakarami nilang tattoo sa kanilang mga katawan ay masasabing mabubuting tao naman.

Simula noon ay unti-unti nang nagbago ang pananaw ni Kendra sa mga taong may tattoo sa katawan. Napagtanto niyang hindi porke’t may tattoo, masama na. Hindi dapat gawing pangkalahatan ang pagtanaw sa ugali ng bawat indibidwal.

Advertisement