Tutol ang Ina ng Dalagang Nurse sa Pakikipagrelasyon Niya sa Isang Pedicab Drayber; Maipagpatuloy Pa Kaya Nila ang Kanilang Pagmamahalan?
“Anak naman, napakarami namang lalaki sa mundo bakit sa pedicab driver ka pa nauwi?!”
Pinagagalitan ni Aling Lotlot ang kaniyang anak na babaeng lisensyadong nurse na si Lerma nang mabalitaan nito na may kasintahan na ito. Ang totoo, titulado na ang kaniyang anak at nasa hustong edad na ito kaya ayos lamang sa kaniya kung makikipagrelasyon na ito, subalit hindi niya maatim na ang napili nitong kasintahan ay isang pedicab driver.
“Ano naman po Ma kung pedicab driver si Estong? Masipag naman po siya. Hindi po siya umaasa sa mga magulang niya pagdating sa aspetong pinansiyal. Sa katunayan po, hindi po siya nakakalimot na magbigay ng panggastos sa kanila. Siya rin po ang nagpapaaral sa kaniyang dalawang bunsong kapatid. Wala po akong nakikitang problema kung siya po ang taong mamahalin ko,” paliwanag naman ni Lerma sa kaniyang ina. Hinawakan niya ang balikat ng kaniyang ina.
“Ah basta! Ano na lamang ang sasabihin ng mga kamag-anak at kakilala natin kapag nalaman nilang ang nobyo mo ay isang pedicab driver lang? Diyos ko naman, hindi naman sa matapobre ako, anak. Maniwala ka sa akin, kahit sinong lalaki ang iharap mo sa amin walang problema, pero magpakawais ka naman pagdating sa aspeto ng trabaho! Siya pa naman ang lalaki na magtataguyod sa pamilya bilang padre de pamilya. At ikaw anak… isa kang nurse! Titulado ka. May diploma. Bakit hindi ka magkagusto sa doktor o katrabaho mo?” untag sa kaniya ni Aling Lotlot.
“Si Estong po ang mahal ko, Ma, at sana naman po igalang ninyo ang gusto ko. Sana naman po ako naman ang masunod. Sana po, pakinggan naman ninyo ako, kahit ngayon lang, Ma…” naiiyak na sabi ni Lerma sa kaniyang ina.
“Bakit? Sabihin mo sa akin… kailan kita hindi pinakinggan? Hindi ba nang sinabi mo sa aking gusto mong mag-aral sa UST pinakinggan naman kita, kahit na ang gusto ko sa UP Manila ka mag-aral?” galit na sabi sa kaniya ng ina.
“Ma… alam mo naman noong una pa lang na hindi ko gusto ang pagna-nurse. Architect talaga ang gusto ko. Anong sinabi mo sa akin, sabi mo, kailangang nurse din ako dahil ang mga pinsan ko ay nasa medical field din, na ayaw mong napag-iiwanan ng mga kamag-anak natin. Kaya kahit ayoko, napuwersa akong kunin ang kursong ito dahil hindi mo ako susuportahan sa pag-aral kapag hindi ito ang kinuha ko. Binigo ba kita, Ma? Hindi naman, ‘di ba? Pero aaminin ko po, niyakap ko na po ang pagiging nurse dahil napamahal na rin ito sa akin. Kaya please naman Ma. Huwag ka na tumutol sa pagmamahalan namin ni Estong,” pakiusap ni Lerma sa kaniyang ina.
Hindi na sumagot si Aling Lotlot. Iniwan niya si Lerma sa sala at pumasok sa kaniyang silid. Pakiramdam niya ay tumataas ang kaniyang presyon dahil sa ibinalita ng kaniyang anak.
Nagkakilala sina Lerma at Estong dahil si Estong ang pedicab driver na nakakasakayan lagi ni Lerma sa tuwing papasok na siya sa ospital. Namumukod-tangi si Estong sa lahat ng mga pedicab drivers dahil maayos itong manamit at masasabing guwapo ito.
At nang makakuwentuhan na niya ito, napag-alaman niyang masipag ito at mapagmahal sa pamilya. Napag-alaman din niyang nag-iipon ito ng sapat na pera para mapag-aral ang kaniyang sarili sa kolehiyo. Kaya pinasok nito ang pagmamaneho ng pedicab.
“Baka nga hindi talaga tayo para sa isa’t isa, Lerma. Langit ka samantalang alikabok lamang ako. Hindi nga siguro mapagsasama ang tubig at langis,” malungkot na sabi ni Estong nang malaman niya ang naging reaksyon ng Mama ni Lerma.
“Hindi, ano ka ba! Mahal kita at iyon lang ang mahalaga. Patutunayan natin kay Mama na karapat-dapat ka sa akin. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba. Isang nurse at pedicab driver? In a relationship? So what!” saad naman ni Lerma.
Kaya itinuloy nila ang kanilang relasyon, kahit na hinuhusgahan sila ng kanilang mga kapitbahay. Peperahan lamang daw siya ni Estong dahil mas malaki ang kita ng isang nurse. Subalit hindi sila nagpatinag kahit na tutol dito ang kaniyang ina. Hanggang sa sila ay ma-engage at magpakasal.
Ipinagpatuloy lamang ni Estong ang kaniyang pagpepedicab habang si Lerma naman ay nagpatuloy rin sa kaniyang pagtatrabaho bilang nurse. Hinayaan din ni Lerma na makapag-aral si Estong sa kolehiyo at sinuportahan ito sa kaniyang pag-aaral.
“Ako muna ang bahala sa mga gastusin natin, mahal. Magtutulungan tayo,” saad ni Lerma. Hinayaan muna niyang makatapos ng pag-aaral si Estong habang nagpepedicab.
Makalipas ang apat na taon, nakatapos ng kursong BS Management si Estong at agad na nakahanap ng magandang trabaho sa isang kompanya. Bukod dito, huminto na rin ito sa pagpepedicab. Sa halip, bumili ito ng sampung pedicab na moderno ang pagkakadibuho bilang negosyo, at pinamasada sa iba upang makatulong sa kaniyang kapwa pedicab drivers na alam niyang kailangang-kailangan din ng hanapbuhay, gayundin sa mga taong nagnanais na maabot ang kanilang mga pangarap.
Pinatunayan nila na wala sa estado o kalagayan ng buhay ang tunay na pagmamahalan, dahil kung tunay na nagmamahalan, magtutulungan at walang payabangan. Hindi naglaon, natanggap na rin ni Aling Lotlot si Estong bilang kaniyang manugang.