Nagsagawa ng Kawanggawa ang Papalaos na Aktres Upang Gumanda ang Imahe Nito; Subalit Tila Kabaligtaran Yata ang Nangyari?
Nagpatawag ng pulong ang talent manager na si Mamang Chona para sa kaniyang alagang si Estelle Raymundo, isa sa mga sikat na artista ng showbiz, subalit dahil sa dami ng mga baguhang artistang nagsusulputan, tila ba nawawala na siya sa limelight at nauungusan na siya.
Tulad ng dati, huli na naman dumating ang aktres.
“Hindi pa rin nagbabago ang babaeng iyan, ha? Attitude pa rin, Mamang! Akala mo naman in-demand pa siya eh papalaos na siya dahil sa mga ganiyang ugali niya,” nakasimagot na sabi ng binabaeng sekretarya at personal na assistant ni Mamang Chona na si Boogie.
“Huwag kang maingay, nariyan na siya,” saad naman ni Mamang Chona.
Kung kanina ay nakasalubong ang kilay, biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Boogie. Agad itong tumayo at ubod-lawak ng ngiti sa mukha na sinalubong si Estelle. Nakasuot ng shades ang aktres. Bumeso kay Boggie at tumuloy kay Mamang Chona. Bago umupo, bumeso muna siya rito.
“Kumusta ka Estelle? Wala pa ring nagbago. Kahit ilang buwan kang walang proyekto, napakaganda mo pa rin!” puri ni Mamang Chona sa alaga. Sinenyasan nito ang waiter para sa kanilang order.
“Anong gusto mo, Estelle?” tanong ni Mamang Chona.
“Orange juice lang. Diet ako eh, thanks,” matipid na sagot ni Estelle. Inilista naman ng waiter ang iba pang mga orders ni Mamang Chona, bago ito umalis upang ihanda na ang pagdadala sa kanilang mga order.
“May teleserye na ba ulit ako? Endorsement? Pelikula? TV guestings? What else?” untag ni Estelle sa kaniyang talent manager.
“Actually, wala pa. Kaya nga kita pinatawag ngayon kasi gusto ng management na umingay ulit ang pangalan mo. As you can see, mahigpit na ang kompetisyon ngayon. Nariyan na ang social media. Kasikatan muna bago talento, o kahit nga looks eh. Kaya kailangan nating makisabay kundi pupulutin ka sa kangkungan,” paliwanag ni Mamang Chona.
“Sige. Good or bad publicity is still publicity. Anong kailangan kong gawin? Mag-date kaya kami ni Cholo Ismael? O kaya, gumawa kaya ako ng eskandalo? Makisawsaw ako sa mga isyu sa politika,” mungkahi ni Estelle.
“No. Hindi natin gagawin iyan. Gusto ko good publicity pa rin. Ganito, magsasagawa ka ng isang outreach activity. Palalabasin natin na sarili mong pera ang ginastos mo para doon. Popondohan ka ng management. Ang gagawin lang natin, kailangang mapag-usapan ka sa social media. Magla-live ka, para kita kaagad,” mungkahi ni Mamang Chona.
“Sige. Okay lang. Sino naman ang mga recipients natin? Mga matatanda? Mga bata?” usisa ni Estelle.
“Hindi. Sa isang… squatter’s area. Para mas madrama at may dating,” tugon ni Mamang Chona. “Mag-iimbita tayo ng press para mapag-usapan ka sa mga balita.”
At mabilis ngang naplano at naihanda ang mga kailangan para sa outreach activity na gagawin ni Estelle. Sa unang bahagi, magkakaroon muna ng maiksing mensahe si Estelle para sa mga makatatanggap na kapos-palad. Pagkatapos, ipapamahagi na niya ang mga grocery items na nakalaan para sa mga pamilyang mapagbibigyan nito.
Pagdating sa lugar, halata kay Estelle na diring-diri siya sa mga taong nakapaligid sa kaniya. Subalit nang makita niyang kinukuhanan siya ng video ng mga tao, dahil sanay naman siya sa pag-arte, todo-ngiti siya na akala mo ay taos sa puso ang kaniyang ginagawa. Hindi lamang nila alam na pabalat-bunga lamang ang lahat.
Bago magsimula ang pamamahagi ng grocery items, nagbigay muna siya ng kaunting mensahe para sa lahat. Naka-live siya sa social media at napapanood na ito ng kaniyang mga tagahanga at iba pang mga netizens. At siyempre, hindi mawawala ang mga bashers.
“Maraming salamat po kina…” at pinasalamatan ni Estelle ang barangay captain, kagawad, at lahat ng mga taong tumulong upang maisakatuparan ang kanilang outreach activity.
“Alam po ninyo, may malaking espasyo po talaga sa puso ko ang mga kaawa-awa nating hampaslupa, na kailangang-kailangan talaga ng tulong sa ngayon…”
Natahimik ang lahat sa salitang “hampaslupa” na ginamit ng aktres, subalit tila hindi natunugan ng aktres na nasaling pala ang mga tao sa ginamit niyang salita. Nagtuloy-tuloy lamang siya sa pagsasalita, habang nakatanga sa kaniya ang mga recipients, at nagbubulungan at nagsusulyapan nang palihim ang mga reporter na naroon.
“Hampaslupa raw? Ang pangit naman pakinggan ng sinabi ng alaga mo, Mamang…” bulong kay Mamang Chona ng isang reporter. Napahawak na lamang si Mamang Chona sa kaniyang noo.
“Hayaan ninyo na. Dedma na. Bigyan ko na lang kayo ng pakimkim sa susunod. Pasabihan na lang ang ibang mga kasamahan mong reporter na huwag nang i-highlight yung pagkakasabi niya ng hampaslupa. Saka walang gagawa ng blind item, kung hindi mawawalan ng biyaya mula sa management,” paalala ni Mamang Chona.
Nagpalakpakan ang mga tao nang matapos na siya sa pagsasalita. At nagsimula na nga ang kaniyang pamimigay ng grocery items. Tuwang-tuwa naman ang mga naaabutan niya, na bigla na lamang siyang yayakapin.
Subalit isang matandang babae ang bigla na lamang lumapit sa kaniyang likuran. Hindi niya ito napansin. Biglang yumakap sa kaniya ang matandang babae.
“Estelle, ako’y tagahanga mo, sinubaybayan ko ang teleserye mong…”
“Yuck! Ano ba! Bakit basa ang kamay mo?!” nagulat si Estelle sa pagkakahawak sa kaniya ng matandang babae dahil pasmado ang kamay nito. Sa lakas ng pagpiglas ni Estelle, nabuwal ang matandang babae sa lupa. Nasaksihan ito ng lahat, lalo na ang mga netizens na nanonood sa live coverage sa social media, gayundin ang mga reporter. Nanlaki ang mga mata ng lahat sa tunay na ugali ni Estelle.
“N-naku, lola… pasensiya na po kayo… nagulat lang ho ako…” namumutla si Estelle dahil nasaksihan ng lahat ang kaniyang ginawa, at wala na silang magagawa dahil nasaksihan ito ng maraming netizens.
“Ang sama pala ng ugali mo, Estelle! Parang babatiin ka lang eh. Kung ayaw mong malapitan, huwag kang pumunta rito sa teritoryo namin!” bulalas ng matanda. Tumayo ito at lumayo na sa kaniya. Humarap pa ito kay Estelle sabay lura sa lupa.
Nang araw ding iyon, naging matagumpay naman si Mamang Chona na muling mapag-usapan ang alaga, subalit sa masamang publicity nga lamang. Number 1 trending ang hashtag #BoycottEstelleRaymundo at #EstelleRaymundoDemonio dahil sa kamalditahang kaniyang ginawa.
Naging laman din siya ng mga blind items, binatikos at pinulaan ng mga showbiz columnist sa kani-kanilang mga pitak sa pahayagan, magazine, at maging sa mga showbiz news program. Sirang-sira ang imahe ni Estelle.
“Hindi talaga maitatago ang amoy na mabaho, aalingasaw at aalingasaw talaga ito, kahit na anong pagtatakip pa ang gawin,” naisaloob na lamang ni Mamang Chona para sa alagang lalong papalubog na ang showbiz career.