Inday TrendingInday Trending
Sobrang Higpit sa mga Hawak na Empleyado ang Binatang Ito, Hindi Niya Akalain ang Ginawa ng Empleyadong Pinauwi Niya

Sobrang Higpit sa mga Hawak na Empleyado ang Binatang Ito, Hindi Niya Akalain ang Ginawa ng Empleyadong Pinauwi Niya

“O, late ka na, ha? Bakit papasok ka pa?” masungit na tanong ni Dan sa isa sa mga empleyadong hinahawakan niya, isang umaga nang makasalubong niya ito sa hallway ng kanilang opisina at tila nagmamadaling makapasok.

“Ah, eh, pasensiya na po, sir, kailangang-kailangan ko lang po talaga ng pera, eh. Pakiusap po, kahit kalahating araw lang po ang idagdag niyo sa sahod ko para ngayong araw, ayos lang po sa akin, huwag niyo lang po ako pauwiin kasi sayang po ang pamasahe ko at ‘yong perang sasahurin ko po ngayon,” pakiusap nito sa kaniya habang hihingal-hingal pa.

“Nanghihinayang ka pala sa perang mawawala sa iyo kapag nahuli ka sa trabaho, eh, bakit hindi ka pumasok ng maaga?” inis niyang tanong dito.

“May emergency po kasi sa bahay, sir,” nakatungong sagot nito dahil na rin sa kahihiyang nararamdaman bunsod ng mga katrabahong nakatingin sa eksenang ito.

“Emergency? Gasgas na dahilan na ‘yan, Bryan. Kung gusto mo talagang magkaroon ng malaking kita sa kumpanyang ito, pumasok ka ng maaga kahit may emergency. Dahil kahit umiyak ka ng dugo d’yan, hindi kita hahayaang pumasok dahil uulitin at uulitin mo ‘yan at maaapektuhan pa ang ibang katrabaho mo. Sige na, umuwi ka na,” sambit niya dahilan upang ito’y mapabuntong hininga at agad na maglakad palabas ng kanilang opisina, “O, anong tinitingin-tingin niyo d’yan? Magtrabaho kayo!” sigaw niya sa ilang empledyadong nakikiusisa dahilan upang agad na magtakbuhan ang mga ito pabalik sa kani-kanilang lamesa.

Dahil sa galing sa pakikipag-usap at sa sipag sa pagtatrabaho, agad na naging manager sa isang kumpanya ng mamahaling damit ang binatang si Dan.

Tinuturing siyang kayamanan ng mga nakatataas dito dahil simula nang magtrabaho siya rito, lahat ng mga pinapasa niyang dokumento at proyekto, agad na kumikita ng malaki dahilan upang umangat din ang kanilang kumpanya.

Kaya lang, para naman sa mga hinahawakan niyang mga empleyado, para siyang isang istriktong dem*nyo na walang pakundangan sa panenermon. Lagi niyang depensa sa tuwing may nagrereklamo sa kaniya sa kanilang boss, “Naghihigpit lang naman po ako para maging organisado at disiplanado ang mga hawak kong empleyado at upang makagawa sila ng detalyado at disenteng trabaho,” dahilan upang palagi siyang pagbigyan ng kanilang boss at pagsabihan lamang.

Pagkatapos niyang pauwiin ang empleyadong ‘yon, agad na siyang nagtungo sa opisina ng pinakamataas na tao sa kanilang kumpanya upang magbigay ng mga natapos na dokumento ng mga empleyadong hawak niya.

Tuwang-tuwa ito sa kalidad ng mga pinasa niyang dokumento dahilan upang labis siyang purihin nito.

“Kakaiba ka talagang bata ka! Simula nang gawin kitang manager, wala nang walang kwentang dokumento at trabaho ang umaakyat dito sa opisina ko. Ipagpatuloy mo lang ‘yan at makasisigurado kang tataas lalo ang sahod mo,” sambit nito na labis niyang ikinatuwa.

Ngunit paalis pa lang siya, biglang nakatanggap ng tawag ang kaniyang boss na may isang empleyado raw na nagtatangkang tumalon sa tuktok ng kanilang gusali dahilan upang utusan siya nitong punta ro’n upang pakalmahin ang naturang empleyado.

Pagkaakyat niya sa kanilang roof top, nakita niyang nasa dulo nito ang empleyadong pinauwi niya kanina at tila isang maling galaw lang, maaari na itong mahulog dahilan upang mapapikit na lang siya dahil alam niyang siya ang dahilan ng pagtatangka nitong bawian ng buhay ang sarili.

“Bakit nandito ka? Papapasukin mo na ba ako ngayong nagtatangka na akong mawala sa mundong ‘to?” ngisi nito, “Sinabi ko na sa’yong may emergency sa bahay namin at kinakailangan ko ng pera dahil ‘yong nanay ko, naghihingalo na sa ospital! Bakit ba hangang-hanga sila sa’yo, eh, wala ka namang puso!” sigaw pa nito saka bahagyang lumiyad dahilan upang mataranta siya’t hawakan ang paa nito.

“Magbabago na ako, pangako, bumaba ka lang d’yan, kailangan ka namin, kailangan ka ng nanay mo,” pakiusap niya rito habang pinipigil ang iyak, sa kabutihang palad naman, biglang kumalma ang naturang lalaki. Niyakap siya nito at agad na umiyak sa kaniyang dibdib.

Sa pagkakataong iyon, napagtanto niyang ang mga empleyadong hawak niya, mayroon pansari-sariling buhay at problemang inuuwian pagkatapos ng kanilang trabaho. Ito ang dahilan upang bigla siyang magbago sa paghawak sa mga empleyado.

‘Ika niya sa sarili, “Ayoko na muling may isang buhay ang malalagay sa alangin dahil lang sa trabaho, dahil hindi lang naman sa trabaho umiikot ang buhay ng bawat tao,” saka niya araw-araw na pinapaalala ito sa sarili. Ang lalaking nagtangkang tumalon sa kanilang gusali, kaniyang tinulungan sa mga bayarin sa ospital at ngayo’y masaya dahil nakauwi na at maayos na ang lagay ng ina.

Advertisement