Hinusgahan ng Ginang ang Paglaki ng Tiyan ng Anak ng Kumare Niya, Napahiya Siya sa Sinabi ng Kaniyang Kumare
“Belen, nakita mo ba ang tiyan ng anak ni Maribeth? Aba, mukhang buntis na naman!” nguso ni Hilda sa kaniyang kumare, isang umaga nang makasalubong niya ito sa gulayan, ang araw din kung kailan niya napansin ang paglaki ng tiyan ng anak ng kaniyang isa pang kumare.
“Buntis na naman? Hindi ba’t kakapanganak lang no’n noong nakaraang taon? Ano ba naman ‘yan?! Ang mga kabataan talaga ngayon, napakapusok na!” segunda naman nito habang iiling-iling dahil sa pagkadismaya.
“Iyon na nga, eh, hindi man lang mapagsabihan ng kumare mo ang anak niya!” sabi niya pa habang naghahanap ng mga magagandang gulay pangsahog sa kaniyang lulutuing ulam.
“Diyos ko, kilala mo naman ang kumare nating ‘yon. Kahit anong gustuhin ng anak, ibibigay no’n at susuportahan pa kahit tagilid na ang mga desisyon sa buhay. Hindi ba’t simula nanganak ‘yon, siya ang nag-alaga sa sanggol?” nguso pa nito dahilan upang lalo siyang madismaya sa ginagawa ng kumare na para sa kaniya, isang kat*ngahan.
“Grabe, ano? Hindi ginagamit ang utak! Kung ako ‘yan, papalayasin ko ang anak ko. Maling-mali na ang mga gusto sa buhay, eh, nakakahiya na sa mga tao!” sagot niya habang iiling-iling saka na tuluyang binili ang napili niyang gulay.
Isa sa mga kinaiinisang ginang sa kanilang barangay si Hilda. Bukod kasi sa palagi siyang nakasigaw sa kaniyang mga anak tuwing mag-uutos o pangangaralan ang mga ito mapa-umaga man o gabi, palagi pa siyang nakabantay sa buhay ng bawat taong nakapaligid sa kaniya.
Sa katunayan, ilang beses na siyang may nakaaway na kapitbahay dahil halos lahat na lang ng pangyayari sa buhay ng mga ito, binibigyan niya ng komento at kinakalat pa sa kanilang buong barangay. Lagi niyang depensa, “Bakit, mali ba ang mga kinukwento ko? Totoo naman, hindi ba? Bakit kayo magagalit sa akin? Edi ayusin niyo ang buhay niyo para hindi kayo makwento sa iba!” dahilan upang palagpasin na lang ng mga ito ang ugali niyang kahit saan tignan, mali naman talaga.
May pagkakataon pa ngang kamuntikan nang sunugin ng isa nilang kapitbahay ang kanilang bahay dahil nang makita niya itong may kasamang babae, agad niyang sinumbong sa asawa nito. Dahil doon, nakipaghiwalay ang asawa nito at kinuha lahat ng mga anak nito at ipon na labis na ikinagalit nito. Iyon pala, katrabaho lang ito ng lalaki. Napahiya man siya ro’n at nakasira ng pamilya, tuloy pa rin siya sa pangingialam sa buhay ng iba dahilan upang halos lahat na ng kaniyang kapitbahay, mapakamag-anak man niya o kaaway, galit sa kaniya.
Tanging ang kumare niyang si Belen ang nagtitiis sa kaniya dahilan upang ito na lang ang lagi niyang pagkuwentuhan ng mga bagay na kaniyang napapansin sa paligid.
Matapos ang pag-uusap nila noong araw na ‘yon, ilang linggo ang nakalipas, muli niyang nakita ang anak ng kumare niyang iyon lulan ng isang ambulansya. Tila sobra na ang laki ng tiyan nito na para bang manganganak na.
Kaya naman, upang mas maklaro ang lagay ng dalaga, tinanong niya ang kumare niyang pasakay na sana ng ambulansya.
“Manganganak na ang anak mo?” tanong niya rito saka pasimpleng sinisipat-sipat ang lagay ng anak nito sa loob ng ambulansya.
“Naku, hindi, nagkaroon siya ng bukol sa tiyan matapos niyang manganak noong isang taon. Ngayon lang kami nagkapera kaya ngayon lang maooperahan. Nakakaawa nga ang anak ko, eh, nahihirapan na sa bigat ng tiyan na dinadala, tinutupok pa ng mga tsismosang tulad mo. Sana masaya ka sa mga kwentong ginagawa mo upang masira ako at ang anak ko,” sambit nito na labis niyang ikinagulat at ikinapahiya saka na siya agad na pinausod nito upang isara na ang naturang ambulansya.
Maraming tao ang nakarinig nang sinabi ng naturang ginang dahilan upang pagbulungan siya ng mga taong nakikiusisa rin dito.
“Ang CCTV camera ng barangay natin, napahiya na naman!” sigaw ng isang ginang dahilan upang magtawanan ang mga taong naroon.
Sisigaw pa lang sana siya ng pangbawi sa sinabi ng naturang ginang, nagulat na lang siya ng bigla siyang hablutin palayo ng kaniyang kumareng si Belen.
“Tama na, Hilda, hayaan mo na sila. Mali naman talaga ang ginagawa mong pangingialam at panghuhusga sa mga tao rito sa barangay natin. Aminado rin ako na may mali rin ako kasi hinusgahan ko agad ang kumare natin at ang anak niya. Kaya sana, bumawi tayo sa kumare natin imbis na pag-usapan natin ang buhay niya,” sabi nito dahilan upang siya’y mapaisip sa maling gawaing matagal na niyang ginagawa dahilan upang agad siyang magpasiyang tulungan ang kanilang kumare.
Simula no’n, araw-araw niyang tinitimpi ang sarili sa panghuhusga at pangingialam sa buhay ng iba. Mahirap man dahil nakagawian na niya ito, ginagawa niya lahat ng makakaya upang magkaroon na ng tahimik na buhay.