Inday TrendingInday Trending
Ayaw Magpatingin sa Doktor ng Ginang Kahit may Nararamdaman, Hindi Siya Makapaniwala sa Sakit na Nakuha

Ayaw Magpatingin sa Doktor ng Ginang Kahit may Nararamdaman, Hindi Siya Makapaniwala sa Sakit na Nakuha

“Kumusta ang pakiramdam mo, mahal? Nanghihina ka pa rin ba? May masakit ba sa’yo ngayon?” pag-aalala ni Cj sa kaniyang asawa, isang umaga nang makita niya itong naghihilamos sa kanilang lababo.

“Ang asawa ko talaga! Napakamaalaga at maalalahanin!” masayang sigaw ni Jade saka pinisil-pisil ang pisngi ng asawang bakas sa mukha ang labis na pag-aalala, “Wala namang sumasakit sa akin ngayon. Sa katunayan nga, parang ang sigla-sigla na ng katawan ko ngayon. Malayong-malayo sa nararamdaman ko kagabi!” dagdag niya pa dahilan upang ito’y mapabuntong hininga.

“Mabuti naman kung ganoon! Salamat sa Diyos! Mabuti pa sigurong magpahinga muna tayo ngayon sa pag-eehersisyo, baka muling bumalik ang sama ng pakiramdam mo, eh,” sambit nito nang mapansing nakapang-ehersisyo siyang damit.

“Naku, mahal, mas sumisigla nga ako kapag nakakapag-ehersisyo! Huwag ka na masyadong mangamba d’yan! Basta nag-ehersisyo tayo, walang masamang mangyayari sa kalusugan nating dalawa!” tugon niya habang hinahanap ang kaniyang sapatos.

“Sana nga, mahal, kinakabahan talaga ako sa kalagayan mo, eh,” sagot nito, napangiti lang siya rito habang nagsisintas.

“Wala kang dapat ikapag-alala! Ano pang hinihintay mo? Magsapatos ka na, mahal, gustong-gusto ko na ulit tumakbo nang malayo!” masigla niyang wika saka agad na hinagis sa asawa ang sapatos nito. Wala naman itong nagawa kung hindi siya’y pagbigyan at ngitian.

Simula nang makapagsilang sa isang kambal, napansin ng ginang na si Jade ang pag-iba ng hubog ng kaniyang katawan.

Lawlaw at puro guhit dala ng pagkahilat ang kaniyang tiyan at halatang nadagdagan talaga siya ng timbang. Dahil dito, tumaas ang insekyuridad niya. Halos hindi na siya lumalabas ng bahay at itinuon ang sarili sa pag-aalaga sa kaniyang kambal.

Nang lumaki-laki na ang mga ito, ro’n na siya nahikayat ng asawa niyang fitness instructor na sumubok mag-ehersisyo upang bumalik ang dati niyang katawan. Noong una’y hindi pa siya sigurado sa gagawing ito dahil nakararamdam pa rin siya ng kahihiyan sa itsura ng kaniyang katawan, ngunit nang muli niyang pagmasdan ang sarili sa salamin at nakita niyang ibang-iba na ang katawan niya kumpara noong siya’y dalaga pa lang, doon na nabuo ang loob niya.

Sa kabutihan naman, dahil sa kaniyang pagtitiyaga, isang taon lang ang lumipas, bumalik na ang dati niyang katawan at ramdam niyang sumigla at gumaan pa ang kaniyang katawan. ‘Ika niya, “Ramdam na ramdam ko ang pagtibay ng resistensya ko!” dahilan upang labis na matuwa ang kaniyang asawa dahil bumalik na siya sa pagiging masayahin.

Ngunit nitong mga nakaraang araw, iba ang nararamdaman niya sa kaniyang katawan. Labis siyang nanghihina na para bang siya’y malulumpo na. Masakit din ang kaniyang tagiliran at puson na labis na ikinapag-alala ng kaniyang asawa. Nais man siyang dalhin sa ospital ng kaniyang asawa, palagi niyang sambit dito, “Malakas ako, mahal, simpleng sakit lang ito ng katawan,” dahilan upang sundin siya nito.

Noong araw na ‘yon, ganoon na lang siya natuwa dahil pagkagising niya, wala na lahat ng nararamdaman niyang sakit sa katawan dahilan upang agad siyang magpasiyang mag-ehersisyo muli.

Katulad ng nais niya, muli silang tumakbo at nag-ehersisyo ng kaniyang asawa. Ang saya saya niya nang maramdamang ang gaan gaan na naman ng kaniyang katawan.

Ngunit hindi pa man sila nakakatakbo ng isang kilometro, agad nang nagdilim ang kaniyang paningin at ang huli niyang narinig ay ang sigaw ng kaniyang asawa.

Nagising na lang siyang nasa ospital na habang pisil-pisil ng kaniyang asawa ang kaniyang kamay.

Bakit mo naman ako agad dinala sa ospital? Sabi naman sa’yo, simpleng sakit lang ng katawan ‘to,” patawa-tawa niyang sambit, laking gulat niya naman nang bigla siyang yakapin ng asawa, “O, bakit?” tanong niya.

“Huwag kang mabibigla, malukungkot o mawawalan ng pag-asa, mahal, ha? Sasamahan kita sa laban na ‘to,” sambit pa nito na ikipagtaka niya dahilan upang libutin niya ang buong silid at marami nang aparato ang nakalagay sa kaniyang katawan, “May sakit ka sa obaryo, mahal, kaya kailangan muna nating mamalagi rito sa ospital,” dagdag pa nito dahilan upang labis siyang magulat.

“Pa-paano nangyari ‘yon, nag-eehersisyo naman ako at kumakain ng masusustansiyang…” hindi niya makapaniwalang sambit habang naiiyak dahilan upang muli siyang yakapin ng asawa at tuluyan na siyang humagulgol.

Doon niya napagtantong kahit siya’y nag-eehersisyo at kumakain ng masusustansiyang pagkain, hindi pa rin siya ligtas sa malulubhang sakit at kailangan niya pa rin talagang magpatingin sa doktor kada may ibang nararamdaman.

Advertisement