Katakot-takot na Pangmamaliit ang Inabot ng Binata sa Kaniyang Kapatid, ang Kabaitan Niya ang Nagdala sa Kaniya sa Tagumpay

Katakot-takot na Pangmamaliit ang Inabot ng Binata sa Kaniyang Kapatid, ang Kabaitan Niya ang Nagdala sa Kaniya sa Tagumpay

InspiringStoriesSuccess

“Bakit ba kasi no’ng pinag-aral ka ng papa at mama, hindi ka nag-aral, ha? Mas pinahalagahan mo pa ang hiya mo kaysa sa kinabukasan mo! Tignan mo ngayon, pati pangkain mo, sa akin ka humihingi at nagmamakaawa!” bulyaw ni Lourdes sa kaniyang bunsong kapatid, isang araw nang dumalaw ito sa kaniyang bahay upang humingi ng makakain. 

“Alam mo namang mahina ang utak ko, ate, eh, hindi katulad mo. Nakakahiya kaya na halos araw-araw, napapahiya ako sa harapan ng maraming tao dahil hindi ako makasabay sa kanila,” nakatungong sagot ni Bino habang pilit na pinipigil ang kaniyang luha. 

“O, may naitulong ba sa’yo ang pagkahiya mo? Wala, hindi ba? Hanggang ngayong tatlumpung taong gulang ka na, wala ka pang sariling pera! Para ipaalala ko sa’yo, ha? Hindi habambuhay, tutugunan ko lahat ng pangangailangan mo! Masumikap ka naman!” sigaw pa nito sa kaniya dahilan upang makuha ang atensyon ng mga trabahador na nag-aayos ng bahay nito at labis siyang makaramdam ng hiya. 

“Opo, ate,” tipid niyang sagot. 

“Mas lalo kang nakakahiya sa pag-asa sa akin, Bino! Sayang ang buhay mo, wala kang silbi!” malakas na sigaw pa nito saka inihagis sa kaniya ang isang pakete ng tocino at isang maliit na plastik ng bigas na natapon pa sa sahig, “O, ‘di ba? Sasambutin na lang, aanga-anga pa! Pulutin mo ‘yan!” dagdag pa nito dahilan upang tuluyan nang tumulo ang luha niya habang nagpupulot ng bigas. 

Dahil sa kahihiyang nararamdaman bunsod ng kahinaan ng pag-iisip, hindi na tinuloy ng hanggang ngayo’y binata pa ring si Bino ang kaniyang pag-aaral. Sa katunayan, elementarya lamang ang kaniyang natapos kahit pa mayroon namang pera ang kaniyang mga magulang noon. 

Nahihiya at naaawa kasi siya sa kaniyang sarili dahil walang araw na hindi siya pinapahiya at sinasabihan nang masasakit na salita ng mga taong nakakakita ng kahinaan ng kaniyang pag-iisip lalo na ang kaniyang mga kamag-aral noon na silang nagsabi sa kaniyang, “Ang katulad mong mahina ang utak, walang mararating sa buhay! Makakapagtapos ka lang naman dahil binayaran ng nanay mo ang guro natin! Pero kahit anong gawin mo, wala pa ring laman ang utak mo!” dahilan upang tuluyan siyang tamarin sa pag-aaral. 

Ngunit kahit pa ganoon, malambot at butihin naman ang kaniyang puso dahilan upang labis siyang mapalapit sa mga kasambahay nila noon na talaga nga namang nagsilbing kaniyang mga kalaro noong siya’y bata pa.

Pero simula nang mawala ang kaniyang mga magulang, pinatalsik ito lahat ng kaniyang kapatid at sinamsam ang lahat ng ari-ariang nakalaan dapat sa kanilang dalawa. 

Dahil nga mahina ang pag-iisip niya, nang sabihin nitong may kailangan siyang pirmahang papeles upang makuha ang mana niya, agad niya itong pinirmahan ngunit ang dokumentong iyon pala ay nagsasabing ilalagay lahat sa pangalan ng kaniyang kapatid ang yaman dahil siya’y baliw na ngayon niya lamang napagtantong maling-mali. 

Sa ngayon, nakatira lamang siya sa isang maliit na bahay sa likod ng magandang bahay ng kaniyang kapatid. Binibigyan lang siya nito ng pagkain kapalit ng pagtatabas niya ng mga damo sa buong bahay at pag-aalaga sa mga halaman nito. Kahit pa ganoon, pahirapan pa rin bago siya katanggap ng makakain dahil katakot-takot na pangmamaliit muna ang mararanasan niya kada siya’y hihingi. 

Nang matapos na niyang pulutin ang mga bigas na natapon, agad na siyang naglakad patungo sa maliit niyang bahay. Habang nasa daan, may nakita siyang isang dalagang namimilipit sa daan. Agad niya itong nilapitan at doon niya nalamang ito pala’y nakararamdam na ng labis na pagkagutom. 

“Gusto mo ba nito? Tocino? Kaso lulutuin ko pa, makapaghihintay ka pa ba?” natataranta niyang tanong rito, tumango-tango lang ito dahilan upang agad siyang tumakbo sa kaniyang bahay at magluto ng makakain. 

Kahit pa pang-isang tao lang ang pagkaing ito, hindi siya nagdalawang-isip na ibigay lahat ‘to sa dalagang nagugutom. Kahit isang kutsara, hindi siya tumikim dito. 

Nang maluto na ito, agad niyang binalikan ang dalaga at binigay ang naluto niyang pagkain. 

“Pasensiya ka na, ha? Malata pa ‘yong kanin,” kamot-ulo niyang sambit dito, ngunit imbis na kainin ang pagkaing niluto niya, binalik ito ng naturang dalaga, “Ayaw mo ba nito? Teka, hahanap ako..,” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil agad itong lumapit sa isang sasakyan at kumuha ng maraming pagkain para ibigay sa kaniya. 

“Sa dinami-dami ng taong dumaan dito na may dalang maraming pagkain, ikaw lang ang tumulong sa akin. Napakabuti mo,” sambit nito saka binigay ang mga kinuhang pagkain dahilan upang siya’y mapangiti. 

Doon niya nalamang isa pala itong mayamang negosyante at dahil sa pinakita niyang kabaitan, nais siya nitong kupkupin. Ayaw man niya, labis siya nitong pinilit. 

Hindi naman siya nagsisi sa pagsama rito dahil tinuruan siya nitong kaharapin ang takot at hiya niya sa tao hanggang sa naging isa na siyang matagumpay na negosiyanteng humaharap sa iba’t ibang lahing negosyante. 

Nais man siyang bawiin ng kaniyang kapatid, wala itong magawa dahil ngayon, alam na niya ang halaga niya kahit mahina ang pag-iisip niya. 

More Stories