Dinampot ng Sekyu ang Isang Lalaking Kahina-hinala, Isang Magandang Aral at Pangyayari ang Kaniyang Natutunan at Nasaksihan
“May pagala-gala raw ngayon dito sa lugar natin na mga kawatan, magdoble ingat at alerto kayo, ha? Kapag may nangyaring hindi maganda rito sa mall na dahil sa mga kawatang ‘yon, pare-pareho tayong malilintikan kay boss!” sambit ni Billy sa mga kapwang sekyung pinamumunuan, isang umaga bago magbukas ang mall na kanilang pinagtatrababuhan.
“Eh, mukhang hindi naman pupunta ang mga ‘yon sa mga matataong lugar, sir,” sagot ng isa niyang katrabaho dahilan upang bahagyang mag-init ang ulo niya.
“Nag-iisip ka ba, Gino? Mga matataong lugar nga ang target nilang puntahan para bukod sa hindi mapapansin ang pagpapalitan nila ng pera at masamang gamot, makakapangdukot pa sila sa mga taong nasa paligid,” depensa niya habang tinitingnang maigi ang litrato ng mga pinaghahanap na tao ng mga pulis.
“Malabo rin, sir, kasi kapag maraming tao, alam nilang marami ring bantay. Lalo na ngayong pinaghahanap na sila, malamang nagtatago na sa malayong lugar ang mga ‘yon,” giit pa nito dahilan upang tuluyan na siyang sumabog sa inis at malukot ang hawak na mga litrato.
“Kumontra ka pa, ipapadala kita sa parking lot. Nakakainit ka ng dugo, alam mo ba ang bawat kilos nila, ha? Paano ka nakakasiguro sa mga pinagsasasabi mo?” bulyaw niya rito dahilan upang mapatungo na lang ito. “Pasensiya na, sir,” tipid nitong sambit sa takot sa kaniya.
“Dalian niyo na! Magpunta na kayo sa mga nakaatas na lugar sa inyo!” sigaw niya sa lahat ng sekyung nandoon dahilan upang agad na magsikilos ang mga ito patungo sa lugar na nakaatas sa kanila, habang siya’y nagpalakad-lakad na habang hindi pa bukas ang naturang mall.
Isang kilala at hinahangaang sekyu ang ginoong si Billy sa buong lalawigan. Nakilala siya nang nakararami noong nag-viral ang litratong nilagay ng isang dalaga sa social media na sinusubuan niya sa isang restawran sa loob ng mall ang isang matandang hindi makakain. Maraming naantig dito at labis siyang pinasalamatan.
Ito ang dahilan upang itaas ng kanilang pamunuan ang ranggo niya at naging tagapamahala na ng mga kapwa sekyu at ng buong mall. Sa pagtaas ng posisyon niya, tumaas din ang responsibilidad niya dahilan upang bahagyang magbago ang kaniyang ugali bunsod ng stress na dala nito.
Pinipilit man niyang maging kalmado sa lahat ng sitwasyon, hindi niya magawa dahil sa bigat ng ekspektasyong binibigay sa kaniya ng kanilang mga boss.
Lalo pa ngayong inalerto siya ng mga ito na may mga gumagalang kawatan sa kanilang lugar na maaaring makapasok sa mall na pinagtatrababuhan nila. Banta ng mga ito sa kaniya, “Kapag may hindi magandang nangyari sa loob ng mall natin, sisante kayong lahat,” dahilan upang ganoon na lang siya mangamba at magdoble alerto.
Noong araw na ‘yon, nang mabuksan ang mall, agad na dumagsa ang mga tao. Agad niyang binilinan ang sekyu na nasa entrada na tingnan lahat ng bag at kapkapang mabuti ang mga papasok. Habang siya, paikot-ikot upang sipatin ang bawat taong naglalakad-lakad.
Ilang oras lang ang nakalipas, may napansin siyang kahina-hinalang lalaki. Nakatakip ang buong mukha nito at tila balot na balot ang katawan. Agad niyang sinipat ang larawang bigay sa kaniya at napagtanto niyang tila may hawig ito sa isa sa mga kawatan dahilan upang magpatawag siya ng ibang sekyu at ito’y harangin.
Hindi naman pumalag noong una ang lalaki at matiwasay na sumama sa kanila upang makapkapan. Ngunit nang napadaan na sila sa maraming tao, bigla itong nagpumiglas at pumasok sa isang restawrang nadaan nila dahilan upang bigla silang mapahangos at ito’y habulin.
“Tabi! Tumabi kayo!” sigaw niya sa mga taong humaharang sa kanilang daan.
Natagpuan nga nila ang lalaking iyon sa loob ng naturang restawran. Mayroong isang batang yakap-yakap at tila pinipiga ang tiyan dahilan upang tutukan na niya ito ng baril.
“Doktor ako, sir, nabubulunan ang batang ito, tumawag na kayo ng ambulansya!” sigaw nito ngunit hindi siya nagpatinag sa pagtutok sa pag-aakalang nagpapanggap lang ito.
Ngunit maya maya, bigla nang nakahinga ang bata dahilan upang magpalakpakan ang mga taong naroon dahil sa doktor na iyon.
Unti-unti niyang tinago ang kaniyang baril sa likuran at sinaluduhan ang naturang doktor.
“Nagtatakip ako ng mukha upang huwag akong makilala ng tao. Tama lang ang ginagawa mo, naiintindihan kita kaya sumama ako sa inyo. Pero, sa susunod, huwag mong huhusgahan ang tao base sa panlabas nitong anyo dahil hindi lahat ng masasamang tao, ganito ang itsura. Madalas, sila pa ang may magagarang damit,” sambit nito sa kaniya habang sila’y naglalakad palabas ng naturang restawran. Tumango-tango lang siya dahil alam niyang siya’y nagkamali sa pagkakataong iyon.