Inday TrendingInday Trending
Pasaway at Mapangahas ang Apat na Magkakaibigan; Matuklasan Kaya Nila Ang Misteryo ng Babae sa Sementeryo?

Pasaway at Mapangahas ang Apat na Magkakaibigan; Matuklasan Kaya Nila Ang Misteryo ng Babae sa Sementeryo?

“Ano, Kim? Sama ka na mamayang gabi, punta tayo sa sementeryo!”

Iyon ang mensaheng natanggap nila mula sa kaibigan niyang si Hershey.

Napailing na lamang ang dalagita. Masyado talagang mahilig ang mga barkada niya sa kung ano anong katatakutan, kaya naman ayaw na ayaw ng kaniyang Mama na sumasama siya sa mga ito.

Subalit hindi man niya direktang aminin ay gustong gusto niya rin ang kakaibang kabog ng dibdib niya sa tuwing kung ano anong kapangahasan ang ginagawa nilang magkakaibigan.

Masyado kasing istrikta ang kaniyang Mama. Hinding hindi siya nito pinapayagan na lumabas ng bahay kapag lumampas na ang alas sais ng gabi.

“Hindi pwede, hindi ako papayagan ni Mama,” agarang pagtanggi niya sa paanyaya ng kaibigan.

Unti unting bumangon ang inis niya para sa kaniyang Mama nang maalala niya ang madalas nitong linya sa tuwing nagpapaalam siya.

“Tigilan mo ang kalalabas labas mo kapag madilim na. Maraming masasamang loob ang nagkalat at ayokong mapahamak ka, Kimberly!” Iyon ang madalas laman ng sermon nito sa tuwing mahuhuli siya na tumakas.

Sa totoo lang ay halos makulili na ang tainga niya sa pangaral nito subalit hindi niya naman magawang magalit nang tuluyan dito dahil ito ang nagpalaki sa kaniya.

“Kami rin naman, hindi pinayagan. Para namang first time mo lagi, eh! Tumakas ka na lang at hihintayin ka namin sa likod ng bahay,” udyok nito.

Wala na siyang nagawa lalo na nang sabihin nito na pupuntahan nila ang parte ng sementeryo na pinaniniwalaang may nagmumultong babaeng nakaputi.

“Sige, sige. Basta i-off mo agad ang makina ng sasakyan para hindi magising si Mama. Magkita tayo ng alas diyes,” pagpayag niya.

Kaya naman alas nuwebe pa lang ay nagpapanggap na siyang tulog. Pigil ang hininga niya nang maramdaman ang pagbukas-sara ng pinto ng kaniyang silid, tanda na sinilip siya ng kaniyang Mama.

Sampung minuto bago mag-alas diyes ng gabi ay handa na siyang tumakas. Patingkayad siyang naglakad upang hindi makagawa ng anumang ingay.

Ganun na lamang ang kaniyang tuwa nang makalabas siya ng bahay nang hindi nahuhuli.

“Naks, sanay na sanay ka na sa pagtakas, ah!” nakabungisngis na pambubuska ng kaniyang mga kaibigan, na sinuklian niya ng malaking ngisi.

Nagtatawanan sila nang sumibad ang sasakyan papunta sa kanilang destinasyon – ang kinatatakutang Sementeryo ng San Lazaro.

Pinaniniwalaan na maraming kababalaghan ang masasaksihan dito kapag kumagat na ang dilim kaya naman hindi na siya nagulat nang makitang walang katao tao sa sementeryo nang gabing iyon.

“Ang dilim!” wika ng kaibigan niyang si Shawn habang inilalabas nito ang mga dala nilang flashlight.

“Kinikilabutan ako,” nahihinatakutang utas kaagad ni Lorraine nang bumaba sila ng sasakyan at hampasin sila ng malakas at malamig na simoy ng hangin.

“Ang OA mo naman! Wala pa nga!” pabirong hinampas niya ang kaibigang si Hershey sa balikat.

Ito kasi ang parating nagyayaya sila sa kung ano anong kalokohan ngunit ito rin ang pinakamahina ang loob sa kanila.

“Tara na, tara na at nang makarami!” nakangising yaya sa kanila ni Shawn. Ito kasi ang mas nakakaalam ng kwento tungkol sa babaeng nakaputi.

Naglakad silang apat hanggang sa makarating sila sa tantiya niya ay gitnang bahagi ng sementeryo.

“Dito na ba?” bulong niya kay Shawn.

“Oo. Dito raw kasi nakalibing ‘yung babaeng gin@hasa bago pin@slang nung nakaraang taon,” pabulong rin na sagot nito.

Ilang minuto silang naghintay at nagpalinga linga sa paligid sa pag-asa na magpapakita ang multo subalit bigo sila.

“Hindi naman pala totoo,” natatawang komento ni Hershey makaraan ang ilang sandali. Bakas sa mata nito ang pagkatuwa na hindi totoo ang nasa kwento.

Naglalakad na sila paalis sa lugar na iyon nang tila itinulos sila sa kanilang kinatatayuan dahil sa kakatwang tunog na kanilang narinig.

“Ang anak ko… anak, anak!”

“Narinig niyo ‘yun?” nanlalaki ang matang tanong ni Hershey.

Isa isa silang nagtanguan. Hindi kasi nila maikakaila na lahat sila ay nakarinig ng iyak ng isang babae.

“Sabi ko sa inyo hindi magandang ideya ‘to eh! Baka saktan tayo nung multo!” nagpa-panic na wika ni Lorraine.

Kinakabahang inilawan nila ang paligid, pawang hinahanap ang pinagmumulan ng kakatwang tunog.

Napapitlag si Kim nang magtitili si Hershey.

“May nakita ako! May nailawan akong babaeng nakaputi!” umiiyak na kwento nito.

Lakas loob na inilawan nila ang parteng sinasabi nito.

Ganun na lamang ang panghihilakbot nila nang makita nila ang isang babaeng mahaba ang buhok at nakasuot ng puting puting bestida.

At ang mas nakakatakot ay palapit na ito nang palapit sa kanila!

Sabay sabay na napasigaw ang magkakaibigan. Tila itinulos ang kanilang mga paa at isa isa silang napaupo sa lupa na tila naparalisa sa takot.

“Anong ginagawa niyo rito?” narinig nilang tanong ng babae.

Takot na takot man ay pinilit pa rin ni Kim na magsalita.

“Wala po kaming ginagawang masama! Gusto lang po namin na malaman kung totoo ang istorya ng white lady! Pasensiya na po kung nabulabog namin ang pananahimik niyo!” hintakot niyang paliwanag.

“‘Wag niyo po kaming saktan!” pakiusap naman ni Shawn.

“Alam ba ng magulang niyo ang mga pinaggagagawa niyo?” maya maya ay tanong ng babae.

Naguguluhan man ay nagsiilingan ang apat na magkakaibigan. Tumakas lang kasi sila sa kani kanilang mga bahay.

Naramdaman na lamang ni Kim ang ilaw na tumatama sa kaniyang nakapikit na mata.

Takot na nagdilat siya ng tingin.

Nabungaran niya ang babaeng kinatatakutan nila. Ngunit hindi nakakatakot ang itsura nito nang mamasdan niya ito nang malapitan.

Ang kanina ay buhaghag na buhok nito ay maayos nang nakaipit sa tenga nito kaya naman nakita niya nang malinaw ang mukha ng babae. Wala itong dugo, o nakakatakot na itsura.

“Hindi ako multo,” paliwanag nito.

Isa isang nagtayuan ang magkakaibigan sa rebelasyon ng babae.

“Hindi po kayo multo? Pero bakit po kayo nandito ng dis-oras ng gabi?” naguguluhang tanong ni Shawn. Bakas pa rin sa mata nito ang pagkabalisa.

“Binabantayan ko lang ang anak ko,” simpleng tugon nito.

Nilingon nila ang paligid upang hanapin sa paligid ang anak na sinasabi nito ngunit wala silang nakita.

“Nandun siya,” wika nito bago itinuro ang isang puntod sa ‘di kalayuan.

Sa kwento ng babae na nagpakilalang si Nanay Linda ay napag-alaman nila na ito pala ang ina ng dalagitang gin@hasa bago pin@slang isang taon pa lamang ang nakalilipas. Tumakas daw ito isang gabi upang pumunta sa isang party at hindi na ito nakabalik pa nang buhay.

“Na-miss ko pa rin ang anak ko kaya naman madalas ko siya puntahan. Pasensiya na kung naghatid ako ng takot sa inyo,” naluluhang wika nito.

“Hindi po ba kayo natatakot? Gabi na po at baka may mga multo rito,” nakangiwing tanong ni Lorraine.

Mapait na ngumiti si Nanay Linda.

“Wala nang mas nakakatakot pa kaysa sa mawalan ng anak. Wala na yata akong kinatatakutan ngayon. Isa pa, mas nakakatakot ang kayang gawin ng mga buhay kaysa ng mga nakahimlay dito. Tingnan niyo naman ang nangyari sa anak ko. Kaya kayo, sundin niyo ang mga magulang niyo. Gusto lang nila na ligtas kayo. Hindi niyo alam kung anong pakiramdam ng mawalan ng anak.” Nang matapos maglitanya ang babae ay humahagulhol na ito.

Awang awa ang magkakaibigan sa babaeng nagluluksa. Isang taon na ang nakalipas ay nagdurusa pa rin ito.

Hindi rin nakasagot ang magkakaibigan. Binalot kasi ng konsensiya ang kanilang mga puso.

Bagsak ang balikat na umuwi ang magkakaibigan. Sa sasakyan ay tahimik ang lahat, tila inaalala ng lahat ang trahedyang sinapit ng anak ni Nanay Linda.

Napagtanto kasi ng magkakaibigan na katulad sila ng anak ni Nanay Linda. Ang kaibahan lang ay lubhang minalas ito at nakaengkwentro ng masamang loob.

Nang makauwi si Kim ay dumiretso siya sa kwarto ng kaniyang ina. Mahimbing na natutulog ito, walang kaalam alam na umalis at nakabalik na siya mula sa kung saan.

Humiga siya sa kama nito ang mahigpit itong niyakap.

“Anak, bakit? Nanaginip ka ba nang masama?” pupungas pungas na usisa nito.

Iling lamang ang isinagot niya, pilit na pinaglalabanan ang pagtulo ng luhang kanina pa niya pinipigilan.

Nang makita niyang muli na itong nahihimbing ay hinigpitan niya ang yakap dito.

“Salamat po sa walang sawang paggabay, Mama. Makakaasa po kayo na hindi na po ako magpapasaway simula ngayon,” pabulong na pangako niya sa ina.

Advertisement