Inday TrendingInday Trending
Tinulungan Niya ang Kaibigang Makalayo sa Malupit Nitong Ina; Isang Milagro ang Dala ng Pagbabalik Nito sa Kaniyang Buhay

Tinulungan Niya ang Kaibigang Makalayo sa Malupit Nitong Ina; Isang Milagro ang Dala ng Pagbabalik Nito sa Kaniyang Buhay

“‘Nay! Tama na po! Maawa naman po kayo sa akin!”

Napapitlag si Jenny nang marinig ang palahaw ng kaniyang matalik na kaibigan si Agnes.

Marahil ay may nagawa na naman itong maliit na pagkakamali kaya pinagmalupitan na naman ito ni Aling Lupe, ang ina nito.

Tahimik na napaluha si Jenny dahil wala man lang siyang magawa para sa kaniyang matalik na kaibigan. Ayaw rin kasi ng kaniyang Nanay na nakikigulo siya sa problema ng mag-inang Agnes at Lupe.

Kinabukasan ay napanganga na lamang siya nang makita ang pasa sa pisngi at putok sa labi ng kaibigan.

“Agnes, ayos ka lang ba? Gusto mo ba dalhin kita sa clinic para magamot ang mga sugat mo?” nag-aalalang pilit niya sa kaibigan.

“Hindi na, Jen. Sanay na naman ako. Baka ipatawag ulit si Nanay kagaya noon, mas lalo lang akong malilintikan,” malungkot na katwiran nito.

Matagal na silang magkaibigan ni Agnes. Simula pagkabata ay ito na ang naging kalaro at kasa-kasama niya kahit saan.

Ito lamang ang nag-iisa niyang kaibigan kaya naman lungkot na lungkot siya dahil hindi niya man lang magawang maipagtanggol ito sa pang-aabuso ng sarili nitong ina.

Ang ama naman ni Agnes ay hindi niya alam kung saan naroroon. Bata pa sila nang umalis ito at hindi na muling bumalik pa. Hanggang sa nagkaroon na lang ulit ng bagong pamilya si Aling Lupe.

“Agnes, hindi ba pwedeng isumbong na lang natin sa mga pulis ang nanay mo? Baka sakaling matulungan ka nila. Baka kung ano pang magawa sa’yo ng nanay mo kung magtutuloy tuloy ‘yan,” puno ng pag-aaalalang payo niya sa kaibigan.

“Salamat, Jen. Pero hindi rin ‘yan magandang ideya. Paano na lang ang mga kapatid ko kapag wala na si Nanay? Ayokong mawalan sila ng ina,” nakayukong tugon ng kaniyang kaibigan.

Nalulungkot na napabuntong hininga na lamang si Jenny. Mukha kasing malabo na matulungan niya ang kaibigan na makaalis sa impiy*rnong kinasasadlakan nito.

Subalit hindi siya sumuko. Ginamit niya ang makabagong teknolohiya upang hanapin ang ama ng kaibigan na nang-iwan dito.

Hindi naman siya nabigo. Ilang linggo lang ang lumipas ay nahanap niya si Mang Rodolfo, ang ama ni Agnes.

“Mang Rodolfo, si Jenny po ito, kaibigan ni Agnes. Tumawag lang po ako upang ibalita sa inyo ang lagay ng kaibigan ko,” bungad niya sa matanda nang unang beses niya itong makausap a telepono.

Sa kabutihang palad ay bukas ang isip na nakinig naman ang lalaki. Napag-alaman niya na hindi pala ito nakabalik upang kunin si Agnes dahil nagsinungaling ito at sinabi na galit si Agnes dito.

“Hindi ko alam na minam@ltrato pala ni Lupe ang nag-iisang anak ko. Makakaasa ka na magiging maayos ang buhay ni Agnes sa piling ko. Maraming salamat hija,” madamdaming pangako ng lalaki.

Nang araw ding iyon ay dumating ang ama ng kaniyang kaibigan upang kunin ang anak nito.

Kahit anong tanggi ni Aling Lupe ay wala itong nagawa dahil nakita ng mga pulis ang mga pasa at sugat sa katawan ng kaawa-awang si Agnes, bunsod ng pang-aab*so niya rito.

“Jenny, aalis muna ako. Pero pangako, ibabalik ko sa’yo ang kabutihang nagawa mo para sa akin,” emosyonal na pahayag ni Agnes bago ito sumama sa ama upang tuluyang magpakalayo layo.

Inakala ni Jenny na babalik si Agnes makalipas lamang ang ilang buwan o taon subalit matagal na panahon ang lumipas ay hindi siya nakarinig ng balita sa kaibigan.

Nalulungkot man siya na hindi na bumalik si Agnes ay masaya naman siya dahil alam niya na malayo na ito mula sa ina nitong mapanakit.

Sa paglipas ng panahon ay nagkaroon na rin siya ng sariling pamilya. Isang pulis ang napangasawa niya, at binayayaan sila ng dalawang anak na babae.

“Jenny! Put@ngina naman! Bakit wala pang hapunan na nakahain!”

Nanginig siya nang marinig ang galit na tinig ng asawa. Sa boses pa lamang nito ay alam na niya na nakainom ito.

“R-ramil, pasensiya na, naubusan kasi tayo ng gas kaya hindi ako nakapagluto. Wala ka naman iniwan na pera k-kaya hindi ako nakabili,” alanganing paliwanag niya sa asawa na kasalukuyang nagtatanggal ng sapatos sa sala.

Hindi kasi siya nito binibigyan ng pera sa kadahilananang baka raw tumakas silang mag-iina at iwan nila ito.

“Punyet@! Wala ka talagang silbi!” galit na sigaw nito kasabay ng pagbato nito ng hinubad na sapatos, direkta sa kaniya. Sapol siya sa mukha.

Umiiyak na napaupo na lang siya hawak ang nagdurugong ilong. Iyon ang normal na senaryo sa kanilang bahay lalo na kapag nalalasing ang kaniyang asawa.

Bugb*g sarado siya kahit na sa kaliit liitang pagkakamali na nagawa niya.

Dati niya na itong sinubukang isumbong sa mga pulis ngunit walang nangyari. Nalaman lamang nito ang kaniyang ginawa at bugb*g lang din ang inabot niya. Isinumbong lang pala siya ng kasamahan nito.

Hindi niya rin magawang makipaghiwalay rito dahil ayaw niya na mapunta rito ang kaniyang mga anak kung sakaling maghihiwalay sila. Mahirap itong labanan sa korte dahil marami itong koneksiyon.

Takot na takot siya dahil minsan na nitong napagbantaan ang buhay niya nang minsan ay mahuli siya nitong itinatakas ang kaniyang mga anak.

Wala siyang ibang magawa kundi magdasal na may milagrong dumating at mailigtas siya sa sitwasyong kinasasadlakan niya.

Kasalukuyan siyang naglilinis ng bahay nang marinig niyang may nagtatawag sa kaniyang pangalan.

“Tao po! Tao po! Jenny?”

Takang lumabas siya upang kilalanin ang bisita at ganun na lamang ang kaniyang pagkasurpresa nang makilala ang babae. Lampas sampung taon man ang lumipas ay kilalang kilala niya pa rin ito.

“Diyos ko! Agnes!” natutuwang salubong niya sa matalik na kaibigan.

“Jenny!” maligayang sambit naman nito bago siya mahigpit na niyakap.

Masayang nagkumustahan ang magkaibigan na nawalay sa isa’t isa. Tuwang tuwa rin ito nang malaman na isinunod niya ang pangalan ng kaniyang panganay na anak sa pangalan nito.

Napag-alaman ni Jenny na nagkaroon ng malubhang karamdaman ang kaibigan at kagagaling lamang nito. Iyon ang dahilan kaya hindi siya nito nabalikan at napasalamatan.

Napawi ang masayang ngiti sa kaniyang labi nang mag-usisa ito.

“Jenny, bakit may mga pasa ka sa braso? May mga malapit na maghilom pero may mga bago kang pasa. Saan mo nakuha ‘yan? ‘Wag kang magsisinungaling sa akin,” seryosong tanong nito.

Doon na siya napabunghalit ng iyak. Sinabi niya rito ang lahat lahat.

Galit na galit ito. Marahil ay nakikita nito ang sarili noon sa kaniyang kasalukuyang sitwasyon.

“Lalaban tayo,” determinadong wika ng babae.

“Hindi, Agnes. Hindi na kailangan. Ayoko na madawit ka rito at mapahamak ka. Hindi mo kilala ang asawa ko. Nakakatakot siya,” lumuluhang tanggi niya.

Isang makahulugang ngiti lamang ang isinukli sa kaniya ng kaibigan.

Kinabukasan rin ay ginulat sila nang arestuhin ng mga kapulisan ang kaniyang asawa sa salang pang-aab*so.

Kasama ng mga pulis ang kaniyang kaibigan at ang ama nito na si Mang Rodolfo.

“S-sir Rodolfo!” gulat na bulalas ng kaniyang asawa nang makita ang tatay ni Agnes.

“Isa kang kahihiyan! Hindi ako makapaniwala na ginagamit mo ang ating propesyon para abus*hin ang asawa mo!” galit na sigaw nito sa kaniyang asawa. Yukong yuko naman ito at hindi makapagsalita.

Hindi naman makapaniwala si Jenny sa takbo ng pangyayari. Isa palang mataas na opisyal ang tatay ng kaniyang kaibigan.

“Sa wakas ay malaya ka na. Napakatapang mo, Jenny.” Niyakap siya nang mahigpit ni Agnes.

“Maraming salamat po!” humahagulhol na pasasalamat niya sa mag-ama.

“Jenny, hija. Kami ang dapat magpasalamat sa’yo. Mula noon hanggang ngayon ay malaki ang pasasalamat namin sa’yo. Kundi dahil sa’yo ay baka hindi ko na nakasama ang anak ko,” nakangiting wika ni Mang Rodolfo.

Patuloy na lumuha si Jenny. Sa wakas ay malaya na siya.

Umusal siya ng pasasalamat. Akala niya ay habambuhay na siyang magdurusa sa piling ng malupit na asawa.

Salamat sa maliit na kabutihang nagawa niya noon para sa kaibigan, ibinalik sa kaniya ang kabutihang iyon sa anyo ng isang milagro.

Advertisement