Mahiyain at Takot sa Tao ang Kaniyang mga Magulang; Nalungkot Siya nang Matuklasan ang Dahilan sa Likod Nito
“Anak, hindi ako pwede dahil kailangan kong pumasok sa trabaho.”
Napabuntong hininga si Manny nang sa hindi niya na mabilang na pagkakataon ay tumanggi ang kaniyang ama na dumalo sa meeting sa kanilang eskwelahan.
“Nanay, kayo po, hindi po talaga pwede?” bagsak ang balikat na tanong naman ni Manny sa kaniyang ina.
Naging malikot kaagad ang mata nito. “A-anak, hindi ako pwede. Alam mo naman na kailangan ako ng kapatid mo sa bahay, hindi ba?” sagot nito.
“‘Nay, malaki na naman po si Cherry. Baka po pwedeng isama niyo na lang po siya sa school,” patuloy na pakiusap niya sa ina.
Ngunit matigas talaga ang mga ito sa pagtanggi. Wala namang magawa si Manny. Hindi niya naman maaring kaladkarin ang ina at ama kung ayaw talaga ng mga ito dumalo sa meeting.
Ang ipinagtataka lamang niya ay bakit tila ayaw na ayaw ng mga ito na pumunta sa eskwelahan na tila ba may kinatatakutan ang mga ito.
Hindi niya tuloy maiwasan isipin minsan na walang pakialam ang mga ito sa kaniya. Pero alam niya na hindi totoo ‘yun dahil alam niyang kumakayod nang husto ang ama niya upang maigapang ang kaniyang pag-aaral.
Lulugo lugong nagtungo siya sa eskwelahan nang umagang iyon.
“Anak, sabay na tayo papasok!” narinig niya sigaw ng kaniyang ama mula sa likod.
Isang janitor ang kaniyang ama. Nagtatrabaho ito sa isang establisyemento malapit sa kanilang eskwelahan.
Tahimik na naglakad ang mag-ama.
“Dito na ako, anak. Mag-aral ka nang mabuti,” wika nito.
“Sige po, Tatay. Ingat po kayo,” tipid na sagot naman niya rito.
Iniisip pa rin ni Manny kung bakit ganoon ang pag-uugali ng kaniyang ama at ina. Bukod kasi sa ni minsan ay hindi pagpunta ng mga ito sa eskwelahan, hiyang hiya rin ang mga ito sa pagharap sa mga tao.
Ni minsan ay wala pa siyang nakitang kakilala na binati ng kaniyang Tatay at Nanay. Ni minsan ay hindi pa sila nagkaroon ng bisita sa bahay.
Madalas nakayuko ang mga ito sa tuwing naglalakad, base pa sa kaniyang obserbasyon.
Gayunpaman ay masasabi niya naman na kahit minsan ay hindi nagkulang ang mga ito sa pagpapakita ng pagmamahal sa kanilang magkapatid.
Mahirap lamang ang kanilang buhay ngunit patuloy itinataguyod ng mga ito ang kaniyang pag-aaral dahil pangarap daw ng mga ito na makita siyang kinukuha ang kaniyang diploma.
“Ma’am pasensiya na po, hindi po talaga makakapunta sina Nanay at Tatay sa meeting. Pwede po bang sabihin niyo na lang po sa akin kung ano ang dapat nilang malaman at ako na lang po ang magsasabi?” nahihiyang pakiusap niya sa kaniyang guro na si Mrs. Martinez.
“Naku, sayang naman. Ayos lang naman. Ibabalita ko lang naman sa mga magulang mo na ikaw ang magkakamit na pinakamataas na karangalan sa taong ito,” nakangiting pagbabalita ng kaniyang guro.
Nanlaki naman ang mata ng binatilyo.
“Talaga po, Ma’am? Ibig sabihin po ay magkakaroon ako ng scholarship para sa kolehiyo?” natutuwang tugon ni Manny.
“Oo, Manny. Makakapag-aral ka sa isang magandang eskwelahan ng libre.” Bakas sa mukha ng kaniyang guro na natutuwa rin ito para sa kaniya.
Tuwang tuwa naman si Manny nang pauwi na siya kanilang bahay. Sabik na siyang sabihin sa kaniyang Nanay at Tatay ang magandang balita.
Napalis ang kaniyang masayang ngiti nang mapalingon siya sa pinagtatrabahuhan ng kaniyang Tatay. Kasalukuyan kasing sumisigaw ang isang babae habang dinuduro duro nito ang isang lalaking tahimik na nakayuko lamang.
Namutla siya nang makilala ang lalaking kasalukuyang sinisigawan nito. Ang kaniyang Tatay!
“Hindi mo ba nabasa sa pinto ng opisina ko na hindi ako pwedeng istorbohin? Sino ka ba at basta basta ka na lang pumapasok sa opisina ko? Magnanakaw ka ba?” nakapamewang na tanong ng babae.
Matagal bago nakasagot ang kaniyang ama. Tila dinurog naman ang puso ni Manny sa akusasyon ng babae.
“Pasensiya na po talaga, Ma’am. Janitor ho ako at gusto ko lang ho linisin ang opisina niyo. Hindi ho ako magnanakaw!” mariing pagtanggi ng kaniyang Tatay.
“Kaya nga naglagay ako ng karatula sa pinto na bawal pumasok! Hindi ka ba marunong magbasa?” taas kilay na sigaw nito.
Hindi sumagot ang kaniyang ama ngunit marahan itong umiling.
Noon lang naunawaan ni Manny ang itinatagong lihim ng kaniyang ama – kung bakit kailanman ay hindi ito nagtangkang pumunta sa eskwelahan at kung bakit hiyang hiya ito humarap sa tao. Hindi pala ito nakakabasa.
“Ang hirap talagang kumuha ng mga mangmang sa panahon ngayon! Umalis ka na at humanap ka ng ibang trabaho!” taboy ng babae bago nito nagdadabog na tinalikuran ang kaniyang Tatay.
Nang mag-angat ito ng tingin ay nagtama ang kanilang mga mata. Takot ang nakita niya sa mga mata nito. Marahil ay natatakot ito na bumaba ang tingin niya rito.
Binigyan niya ito ng isang mapang-unawang ngiti bago niya ito nilapitan at niyakap.
“Ayos lang ‘yan, Tatay. Makakahanap ka rin ng maayos na trabaho. Doon sa ituturing ka na parang tao,” naluluhang pagpapalubag loob niya rito.
“Mahirap maging mangmang, anak. Kaya gustong gusto namin ng Nanay mo na hindi ka magaya sa amin. Ayaw rin namin malaman ng kahit na sino na ganito lang ang magulang mo dahil natatakot kami na kutyain ka sa eskwelahan at ikahiya mo kami,” malungkot na paliwanag nito.
“Bakit ko naman ikakahiya ang mga taong nagpalaki sa akin, Tatay? Hindi naman sukatan ng pagiging makatao ang taas ng pinag-aralan at dami ng nalalaman. Kagaya na lang nung babae kanina, Tatay. Nakakapagtrabaho nga siya sa magandang opisina pero mukha bang naturuan ng magandang asal ‘yun?” nakangiwing wika niya sa ama.
Natatawang sumang-ayon ito sa kaniya.
Ang pangyayaring iyon ang nagtulak sa kaniya upang mas maging klaro ang kaniyang pangarap.
Makalipas ang limang taon ay isa nang ganap na guro si Manny. Sa loob ng limang taon ay tinuruan niyang magbasa at magsulat ang kaniyang ama at ina para hindi na maliitin ng ibang tao ang mga ito.
Malaki ang pasasalamat ni Manny sa mga magulang. Kaya naman bilang isang guro ay hindi niya hinahayaan na may lumabas sa kaniyang silid-aralan nang walang natututunan. Ayaw niya kasing maliitin ang mga ito ng mga taong mapanghusga gaya ng sinapit ng kaniyang ama at ina.