Inday TrendingInday Trending
Pinag-Interesan ng Pinsan at ng Asawa Nito ang Lupa ng Isang Kawawang Ginoo; Hindi Nila Akalain na Magbabago Pala ang Buhay Nito

Pinag-Interesan ng Pinsan at ng Asawa Nito ang Lupa ng Isang Kawawang Ginoo; Hindi Nila Akalain na Magbabago Pala ang Buhay Nito

“Parang-awa mo na, Becca, kausapin mo naman ang asawa mo na bigyan pa kami ng kahit kaunting palugit. Mahalaga sa amin ng asawa ko ang lupang ito. Pagsasaka lang ang alam naming ikabuhay. Kung kukunin niyo pa ay hindi ko na alam kung saan kami pupulutin,” pagmamakaawa ni Mang Narciso sa kaniyang pinsan.

“Ano ang magagawa ko, kuya? Kayo ang nagsanla ng lupang ito sa amin. Pumirma ka sa kasulatan! Maliwanag ang nakalagay doon na makalipas ang isang taon at hindi kayo nakabayad ay kukuhain na namin itong lupa!” sambit naman ng ginang.

“Hindi ko alam na may nakasaad na ganiyan, Becca. Alam mong hindi ako marunong bumasa at sumulat,” saad pa ng ginoo.

“Pinapalabas mo bang nilamangan ka namin? Kayo ang lumapit sa amin, kuya! Kailangan na namin ang pera sapagkat may mga pinaplano kaming mga negosyo. Ilang beses na namin kayong binigyan ng palugit. Sana isipin n’yo rin ang kalagayan namin,” sambit naman ng ginang.

“Naiintindihan naman kita, Becca, pero ang hinihiling ko lang sa’yo ay kaunti pang palugit. Hintayin mo lang matapos itong anihan na ito at maghuhulog ako. Kailangang-kailangan ko itong lupa na ito sapagkat ito lang ang pinagkukunan ko ng panggastos sa pagpapagamot kay Saleng. Parang-awa mo na,” patuloy sa pakikiusap ang ginoo.

“Susubukan kong kausapin muli ang asawa ko. Pero kapag hindi na siya pumayag ay wala na akong magagawa,” saad muli ni Becca.

Matagal na ang pagnanasa ng mag-asawang Becca at Renato sa lupain ng ginoong si Mang Narciso. Ngunit isang taon na ang nakakalipas ay nagkaroon sila ng pagkakataon nang isanla sa kanila ng ginoo ang kaniyang sakahan sa kaniyang pinsan dahil sa malubhang karamdaman ng kaniyang asawang si Saleng.

Dahil nga hindi marunong sumulat at bumasa itong si Mang Narciso ay basta na lamang siyang pumirma sa kasulatang nagsasabi na isang taon lamang ang palugit ng pagbabayad at kung hindi ay iilitin nila ang nasabing lupa.

Ito na lamang ang pag-aari ng mag-asawa kaya ganoon na lamang ang pagmamakaawa ni Mang Narciso na bigyan pa sila ng palugit.

“Dapat ay hindi mo na isinanla ang lupa at hinayaan mo na lang ako sa aking karamdaman, mahal. Parang hindi na rin naman ako magtatagal,” sambit ni Aling Saleng kay Mang Narciso.

“Huwag ka ngang magsasalita ng ganiyan, mahal. Ilalaban ko ang buhay mo kahit mawala pa ang lahat sa atin,” tugon naman ng mister.

“Natatandaan mo ba ang kwento ng mga matatanda nung bata pa tayo? Ang sabi nila ay may nabaon daw na kayamanan sa lugar natin. Lagi kong pinapanalangin na sana isang araw ay makuha mo iyon habang binubungkal mo ang lupa ng ating sakahan. Nang sa gayon ay matapos na lahat ng problema natin,” wika ni Aling Saleng.

“Sa tingin mo ba ay totoo ‘yun? Ilang taon ko nang binubungkal ang mga lupa ngunit wala naman akong nakikita. Sapat na ang mga naaani kong bigas para mabuhay tayong dalawa. Basta ang gusto ko lang ay maipagamot ka at makasama ka pa nang mas matagal,” sambit ni Mang Narciso.

Samantala, kinausap naman ni Becca ang kaniyang asawa hinggil sa hiling ni Mang Narciso.

“Medyo naaawa rin ako sa pinsan kong iyon. Ano kaya kung bigyan pa nga natin ng kaunting palugit si Kuya Narciso? Para hindi naman masabi rin ng mga tao na tunay nating pinag-interesan ang lupa niya,” saad ni Becca sa asawa.

“Kapag humingi pa sila ng tulong sa mga abogado ay pwedeng mapawalang bisa ang kasulatan natin dahil nga pinapirma natin siya ng walang kaalaman. Kailangan ay gipitin mo na ngayon palang para ibigay na ang lupa,” tugon naman ni Renato.

Natahimik saglit si Becca sa tinuran ng asawa.

“Kung hindi mo kaya ay ako ang magpapalayas sa mag-asawang iyon. Malinaw sa kasulatan na atin na ang lupa nila,” sambit muli ng mister.

Kinabukasan ay agad nagtungo ang mag-asawa upang paalisin sina Narciso at Saleng sa kanilang lupain. Kasama ang ilang kaibigang pulis ni Renato ay sama-sama nilang itinaboy ang mag-asawa.

“Nagmamakaawa ako sa inyo, wala kaming pupuntahan, may sakit pa ang asawa ko!” pagtangis ni Mang Narciso habang tangan niya ang asawang may sakit.

“Kahit ito lang tinitirikan ng bahay ko ay sapat na. Ibibigay ko na ang lahat ng bahagi ng sakahan basta huwag niyo lang kuhain ang lupang tinitirikan ng bahay ko. Kawawa ang asawa ko, baka hindi na lalong magtagal ang buhay niya kung nasa lansangan kami,” muli niyang pagsusumamo.

Pumayag naman si Renato sa isang kondisyon na kahit kailan ay hindi na tatapak sa lupang sakahan itong si Mang Narciso.

Halos mabiyak ang puso ng ginoo habang nakikita niyang kinakamkam ng asawa ng pinsan ang lupang kaniyang nilaanan ng dugo at pawis.

“Hindi ko na alam kung saan ako kukuha ng panggastos natin. Kahit ang sakahan ay wala na. Hindi man lamang nila ako hinayaang makaani ng tinanim ko,” sambit pa ni Mang Narciso.

“Pasensiya ka na, mahal, at wala akong magawa. Pabigat pa tuloy ako sa iyo,” saad naman ni Aling Saleng.

“Wala kang kasalanan, mahal. Hayaan mo, bukas na bukas ay maghahanap ako ng paraan. Alam kong hindi tayo pababayaan ng Diyos,” wika pa ng ginoo.

Tulad ng kaniyang nakagisnan, hindi pa pumuputok ang araw ay gising na si Mang Narciso. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi dahil upang magsaka kung hindi para maghanap ng ibang ikabubuhay. Hindi maiwasan ng ginoo na malungkot habang tanaw ang lupang kaniyang sakahan.

Umalis sandali si Mang Narciso upang humanap ng pagkakautangan para sa gastusin nila sa araw na iyon. Ngunit sapat lamang para sa gamot ni Aling Saleng ang kaniyang nahagilap.

Muli siyang tumanaw sa kaniyang sakahan at nakita niyang inaani na ng mga ganid niyang pinsan at asawa nito ang mga palay na pinaghirapan niyang itanim. Hanggang sa naisip niya ang isang bagay.

“Hindi ako dapat panghinaan ng loob. Isa akong magsasaka at kaya kong magtanim sa kahit anong uri ng lupa,” sambit niya sa sarili.

Nagsimula siyang magtanim sa kaniyang maliit na bakuran. Habang inihahanda niya ang maliit na lupa ay nadaanan naman siya ni Becca at Renato.

“Hinahanap-hanap ng katawan mo talaga ang pagtatanim, ano? Sa kasamaang palad kailangan mong magtiyaga sa kakarampot na lupa na mayroon ka,” natatawang pang-aalaska pa ni Renato sa ginoo.

Hindi na lamang ito pinansin ni Mang Narciso. Nagpatuloy siya sa pagbubungkal ng kaniyang lupa at sa pagtatanim. Halos inabot na siya ng hatinggabi sa kaniyang ginagawa.

Habang binubungkal niya ang lupa upang itanim ang huling binhi ay biglang mayroong natamaang kung ano ang kaniyang piko. Akala’y isang malaking tipak ng bato ay hinukay niya ito.

Ngunit sa paglalalim ng kaniyang pagbungkal ng lupa ay laking gulat niya sa kaniyang natagpuan. Isang lumang baul ang nakabaon sa kaniyang bakuran!

Sa bigat nito ay hindi kaagad naiangat ng ginoo ang nasabing baul.

Nang matapos niya ang pagbubungkal ay dahan-dahan niya itong binuksan. Laking gulat niya nang tumambad sa kaniyang harapan ang mga ginto at alahas.

“Tunay ang kwento ng mga matatanda noon! May nakabaon ngang kayamanan sa lugar na ito,” tuwang-tuwang sambit niya sa sarili.

Agad niya itong dinala sa loob ng kanilang bahay at ipinakita ang lahat ng kayamanang nahukay sa kaniyang asawa. Labis din ang pagkagulat ni Saleng nang tumambad sa kaniyang harapan ang maraming ginto at alahas.

“Tunay na hindi tayo pinabayaan ng Panginoon!” sambit ni Saleng.

Gamit ang kayamanang ito ay ipinagamot ni Mang Renato ang kaniyang asawa. Umupa rin siya ng magaling na abogado upang mabawi niya kay Becca at Renato ang kaniyang sakahan.

Laking gulat ng mag-asawa nang malamang nakahukay ng kayamanan itong si Mang Narciso.

Matagumpay na nabawi ni Mang Narciso ang kaniyang lupain at nakasuhan pa ang pinsang si Becca at asawa nitong si Renato. Ngunit hindi na ito ipinakulong ng ginoo dahil na rin sa awa.

Nagpagawa ng mas malaki at mas maayos na bahay si Mang Narciso para sa kaniyang asawa. Hindi nagtagal ay tuluyang gumaling din si Saleng sa kaniyang karamdaman. Kahit na may kaya na ay nagsasaka pa rin itong si Mang Narciso ngunit sa pagkakataong ito ay may mga tauhan na rin siya.

Hindi nila ipinagdamot ang kayamanang kanilang nakuha bagkus ay tumulong sila sa mga taong tunay na nangangailangan.

Habang sila Becca at Renato ay nakatanghod lamang na pinapanood ang pag-asenso ni Mang Narciso at asawa nitong si Saleng.

Advertisement