Inday TrendingInday Trending
Matagal Itinago ng Binata ang Pag-Ibig Niya sa Matalik na Kaibigan; Isang Liham ang Magpapabago ng Kaniyang Isipan

Matagal Itinago ng Binata ang Pag-Ibig Niya sa Matalik na Kaibigan; Isang Liham ang Magpapabago ng Kaniyang Isipan

“Ang lagkit na naman ng tingin mo kay Alice. Bakit kasi hindi mo pa sabihin sa kaniya ang tunay mong nararamdaman, pare? Baka mamaya ay maunahan ka pa ng iba,” saad ni Karl sa kaniyang kaibigang si Jerome.

“Sa totoo lang, sa hinaba-haba ng taong magkasama kami ni Alice ay gusto ko na ring aminin sa kaniya ang totoo — na higit pa sa matalik na kaibigan ang turing ko sa kaniya. Pero sa tuwing gagawin ko ay natitigilan ako. Nag-aalala ako na baka masira ang pinagsamahan namin. Tapos ay hindi na mabalik sa ganito,” paliwanag naman ng binata.

“Sa pag-ibig, pare, kailangan mo talagang sumugal. Paano mo malalaman kung hindi ka magtatanong? Paano aabot sa pagiging magkasintahan ang relasyon nyo kung hindi mo ipaparamdam na higit na sa kaibigan ang pagmamahal mo sa kaniya. Gawin mo na, pare. Baka sa huli ay magsisi ka,” wika pa ng kaibigan.

Bata pa lamang ay magkaibigan na sina Jerome at Alice. Halos hindi mapaghiwalay ang dalawa dahil matalik ding magkaibigan ang kanilang mga magulang. Kung saan nag-aaral ang isa ay naroon din ang isa. Pareho din ang naging kurso nila dahil pareho halos ang kanilang mga hilig.

Ngunit habang tumatagal ay iba na ang nararamdaman ni Jerome para sa dalaga. Hindi pa siya nakaramdam ng ganito sa ibang babae. Tanging sa matalik niyang kaibigang si Alice lamang siya nakakaramdam ng ganito. Hanggang sa aminin na niya sa kaniyang sarili na higit pa sa pagkakaibigan ang nais niya sa kanilang dalawa.

Ngunit natitigilan ang binata. Hindi niya magawang maamin sa kaniyang matalik na kaibigan ang kaniyang pagsinta dahil alam niyang may iba itong mahal. Ayaw rin niyang masira ang kanilang pagkakaibigan sapagkat ayaw niyang lumayo sa kaniya si Alice.

Kaya mas pinili niyang itago ang pagmamahal sa dalaga.

“Nakapagdesisyon ka na ba, pare? Malapit na ang pagtatapos natin. Kahit ayaw natin ay tatanda na tayo at maghihiwalay rin ng mga landas,” wika ni Karl kay Jerome.

“Oo, pare. Sa gaganapin na graduation ball ay aaminin ko na sa kaniya ang lahat. Sa totoo lang kasi ay hindi ko rin kaya na makita siya sa iba,” pahayag naman ni Jerome.

“Ayan ang gusto ko sa’yo! Susuportahan kita d’yan, pare!” sambit naman ng kaibigan.

Dumating na ang graduation ball at handang-handa na si Jerome ng gabing iyon para aminin kay Alice ang kaniyang nararamdaman. Dala ang mga bulaklak at tsokolate ay nilapitan niya ang dalaga upang yayain magsayaw.

“May gusto sana akong sabihin sa’yo, Alice,” wika ni Jerome.

“Ako rin may gusto akong sabihin sa ‘yo, Jerome,” sambit naman ng dalaga.

Napakalakas ng kabog ng dibdib ni Jerome. Ipinagdadasal niya na sana ay parehas sila ng sasabihin ng dalaga.

“Kami na ni Alex. Sinagot ko na siya kagabi. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya. Tama ka, kailangan ko ngang buksan ang sarili ko sa ibang tao. Pagkatapos din ng graduation natin ay pupunta na kami ng pamilya ko sa ibang bansa. Hindi ko ito nasabi sa’yo agad kasi biglaan. Pero sana ay hindi pa rin tayo magbabago. Ikaw pa rin ang pinakamatalik kong kaibigan, Jerome!” wika pa ni Alice.

Halos gumuho ang mundo ni Jerome nang marinig niya ang mga sinabi ng matalik na kaibigan. Nais niyang sabihin na sana ay siya na lang at hindi na si Alex. At sana ay huwag na rin silang pumunta ng ibang bansa dahil hindi niya kaya ang malayo sa dalaga. Ngunit pagbuka ng kaniyang bibig ay iba ang lumabas na mga kataga.

“Masaya ako para sa inyo ni Alex. Masaya rin ako para sa pagpunta mo sa ibang bansa. Sa wakas ay matutupad na ang pangarap mong makakita ng nyebe,” sambit niya kay Alice kalakip ang isang pilit na ngiti.

Iyon na ang huling pagkikita ng dalawa.

Hinihintay siya noon ni Alice sa paliparan ngunit hindi siya sumipot. Simula nang makalipat ang pamilya ng dalaga sa ibang bansa ay wala na rin siyang naging balita pa kay Jerome. Hindi nito sinasagot ang kaniyang mga tawag at ni sulat ay wala ring mga sagot.

Lubusang nagugulumihanan ni Alice sa tunay na dahilan.

Lumipas ang mga taon at kahit na nagkakaroon ng ibang kasintahan itong si Jerome ay hindi pa rin niya maialis sa kaniyang isipan na sana ang kapiling niya ay si Alice. Kaya ang lahat ng pinasok niyang relasyon ay hindi nagtatagal.

Isang araw ay napagdesisyunan niyang basahin ang mga tinago at hindi man lamang nabuksang mga sulat na ipinadala ni Alice sa kaniya. Tila bumabalik sa kaniya ang lahat ng alaala habang binabasa niya ang liham ng kababata.

Ngunit isang sulat ang talagang kumuha ng kaniyang atensyon. Nang mabasa niyang mahal din pala siya ni Alice at sa loob ng mahabang taon ay siya lang ang mahal nito. At kung sana ay kung mahal din siya ni Jerome ay handa na siyang dalhin sa mas mataas na lebel ang kanilang pagtitinginan.

Kaagad na kinuha ni Jerome ang kaniyang laptop at saka siya bumili ng tiket patungong Amerika upang puntahan ang kababata. Bitbit ang liham ay nagtungo siya kay Alice sa pag-asang maituloy nila ang naudlot nilang pagmamahalan.

Tangan ang isang bata, nagulat si Alice nang makita sa kaniyang harapan si Jerome.

“Kay tagal kong naghintay sa mga sulat at tawag mo, Jerome. Masaya akong makita kang muli,” naluluhang wika ni Alice sa dating kaibigan.

“A-ano ang ginagawa mo rito?” tanong niya.

“Narito ako para sa’yo. Kakabasa ko lang ng sulat mo. Sana ay hindi pa huli ang lahat para sa atin, Alice. Kung alam mo lang kung gaano kita kamahal,” pahayag ng binata.

“May anak na ako, Jerome,” sagot ni Alice.

Napayuko na lamang ang binata.

“Matagal na panahon na ang nakalipas at ni kahit ano ay wala akong natanggap mula sa’yo. Hindi ko alam kung galit ka sa akin o kung ano man ang nangyari sa’yo. Pero nalungkot ako na bigla mo na lang akong iniwasan. Pero kahit kailan ay hindi ka nawala sa puso ko,” pahayag ni Alice.

“May anak na ako, Jerome pero hindi naman din kami nagkatuluyan ng kaniyang ama dahil kahit anong gawin ko ay ikaw ang nasa puso ko. Pinag-aralan ko siyang mahalin ngunit hindi ka mawawala-wala sa isip ko. Nananalangin na isang araw ay makita kang muli at marinig ko ang boses mo at sabihin mo sa akin na mahal mo rin ako,” saad ni Alice.

“Mahal pa rin kita. Sa tinagal-tagal, Alice, ay ikaw pa rin. Handa akong tanggapin ang anak mo at lahat ng nakaraan mo. Pero ngayon ay hindi ko na hahayaan pang mawala ka sa akin. Mahal kita at wala nang makakapigil pa sa nararadaman ko sa’yo. Patawarin mo ako kung natagalan ako, Alice. Pero heto na ako ngayon!” saad ni Jerome.

Isang matinding yakap ang nagtapos sa matagal na panahong pangungulila nila sa isa’t isa.

Hindi akalain ni Jerome at Alice na sa bandang huli ay sila rin pala ang magkakatuluyan.

Hindi na nagpatumtik-tumpik pa si Jerome at inaya na niya kaagad ng kasal ang kababata. Itinuring din ni Jerome ang anak ni Alice bilang kaniyang anak. Nanirahan ang dalawa sa Amerika at doon ay ipinagpatuloy ang lahat ng nabaon sa limot nilang mga pangarap.

Advertisement