Inday TrendingInday Trending
Nawalan ng Kumpiyansa ang Isang Doktor dahil sa Isang Operasyon; Ikakagulat Niya ang Pasyenteng Magbabalik Nito sa Kaniya

Nawalan ng Kumpiyansa ang Isang Doktor dahil sa Isang Operasyon; Ikakagulat Niya ang Pasyenteng Magbabalik Nito sa Kaniya

“Pare, handa ka na ba sa operasyon ni Ginang Sarmiento? Balita ko ay hindi raw maganda ang lagay nung babae. Sa tingin mo ay may pag-asa pa ang puso niya?” tanong ni Dok Ferdie sa kaniyang kaibigang doktor na si Dok Garry.

“Sa totoo lang ay kinakabahan ako sa operasyong iyon. Matanda na ang ginang ngunit mapilit pa rin ang kaniyang mga kaanak. Matindi ang panalangin ko na sana ay maging maayos ang operasyon niya at madagdagan pa ang buhay ng matanda,” tugon naman ni Dok Garry.

“Nakakatuwa lang isipin na sa galing mong iyan ay kinakabahan ka pa pala. Napakarami mong karangalan at pagkilalang natatanggap pero heto ka at sinasabi mo sa akin na kinakabahan ka,” saad pa ng kaibigang doktor.

“Napakahirap na ilagay sa mga kamay mo ang buhay ng isang tao. Tao lang din naman tayo. Ang pinagkaiba lang naman natin ay nag-aral tayo ng medisina. Sa dami ko nang naoperahan ay nakakatawa nga na nakakaramdam pa rin ako ng kaba. Hindi kasi pare-pareho ang bawat pasyente kaya talagang ipinagdarasal ko na gabayan ako lagi ng Panginoon,” saad naman ni Dok Garry.

“May punto ka diyan, pare. O siya, kailangan na kitang iwan muna at ako naman ang may kailangang operahan. Ipanalangin mo rin na hipuin ng Diyos ang mga kamay ko upang maging matagumpay ang operasyon ng aking pasyente,” pagtatapos ni Dok Ferdie.

Kilala si Dok Garry bilang isang mahusay at respetadong doktor sa kaniyang larangan. Halos lahat nga ng mga pasyente na dumaan sa kaniyang pangangalaga ay agad na gumagaling. Tapat at bukal sa puso ang pagseserbisyo ni Dok Garry kaya naman maraming tiwala sa kaniya.

Ilang linggo nang pinag-aaralan ng doktor ang kalagayan ni Ginang Sarmiento. Alam niyang malaki ang posibilidad na mairaos nila ang operasyon at bumuti ang kalagayan nito. Kahit naman may katandaan na ang ginang ay ayos pa naman ang pangangatawan nito. Iyon nga lamang ay may nakabara sa ugat ng puso nito kailangang matanggal ng doktor.

Labis na pinaghandaan ni Dok Garry ang nasabing operasyon. Alam niyang maraming umaasa na madudugtungan pa niya ang buhay ng nasabing matanda. Kumpyansa ang mga ito na basta si Dok Garry ang gagawa ay ligtas ang kanilang kaanak.

Ngunit iba ang nangyari sa operasyon ni Ginang Sarmiento. Habang iniaalis kasi ni Dok Garry ang nakabara sa ugat sa puso ng matanda ay inatake ito. Pilit mang isinasalba ng mga ito ang buhay ng matanda ngunit huli na ang lahat. Binawian na rin ng buhay si Ginang Sarmiento.

Hindi makapaniwala si Dok Garry sa nangyari. Sinisisi rin siya ng ilang kaanak sa pagkawala ng matanda. Kahit anong paliwanag niya ay hindi siya pinapakinggan ng mga ito.

“Ipinagkatiwala namin siya sa’yo sa pag-aakalang isa kang magaling na doktor! Ikaw pa pala ang pap@tay sa aming ina!” sambit ng isang anak ng matanda.

“Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya. Hindi ko nais na mangyari ang ganito,” paliwanag naman ng doktor.

Kahit na tila normal na ang ganitong mga tagpo sa ospital ay hindi matanggap ni Dok Garry na nawalan ng isang buhay habang ito ay nasa kaniyang pangangalaga. Parang binagsakan ng langit at lupa noon ang doktor.

“Hindi mo kasalanan ang nangyari. Hindi naman tayo Diyos, Garry. Ikaw na ang nagsabi niyan sa akin,” saad ni Dok Ferdie sa kaibigan.

“Para kasing may pagkukulang din ako. Pero lahat naman ay tantyado ko. Minsan lang nakakapanlumo na pinipilit nating habaan ang buhay nila tapos ay sa kamay pa natin sila mawawala,” hindi na napigilan ng doktor ang pangingilid ng kaniyang luha.

Mula ng araw na iyon ay tila nawalan na ng gana si Dok Garry sa kaniyang propesyon. Nagulat ang lahat nang isang araw ay humingi na lamang ito ng isang bakasyon at hindi niya masisiguro pa ang kaniyang pagbalik.

“Pare, h’wag namang ganiyan. Maraming nangangailangan sa atin. Normal lang naman ang nangyari sa iyo nang araw na iyon. Hahayaan mo bang maapektuhan ka ng dahil lamang sa isang pagkakataong iyon?” saad ni Dok Ferdie sa kaibigan./

“Paano kung maulit ulit? Paano kung palagi na? Paano kung hindi ko na pala talaga kaya?” tugon naman ng doktor.

Nagpakalayo-layo muna si Dok Garry. Pumunta ito ng ibang bansa upang makalimutan ang lahat ng nangyari at mailayo siya sa kaniyang propesyon. Labis naman ang pag-aalala sa kaniya ng kaniyang mga kaanak.

Makalipas ang ilang buwan ay tila nakakalimutan na ni Dok Garry ang pangyayari ngunit tila nabaon na rin ang kaniyang propesyon. Ayaw na sana niyang bumalik muli sa pagiging doktor nang isang tawag ang kaniyang natanggap.

“Marami namang doktor d’yan! Sabihin mo ay hindi na ako tumatanggap ng kahit anong kaso sa pasyente lalo kung ooperahan,” saad ni Dok Garry.

“Dok, ayaw pong pumayag ng pasyente na maoperahan kung hindi po kayo ang gagawa,” pilit pa ng nars.

Biglang inagaw ni Dok Ferdie ang telepono sa nars.

“Pare, kailangan mo nang bumalik dito. Kailangang maoperahan kaagad ang pasyente,” pakiusap ni Dok Ferdie.

“Bakit kailangan bang ako pa? Ikaw na lang, nariyan ka naman,” tugon naman ni Dok Garry.

“Mapilit ang nanay mo, pare. Ikaw nga ang gusto niya! Kung gusto mong mailigtas ang buhay ng nanay mo ay bumalik ka na rito!” giit pa ng kaibigang doktor.

Labis na nagulat si Dok Garry dahil ang sariling ina pala niya ang nasa bingit ang buhay.

Nagugulumihanan man ay mas nangibabaw kay Dok Garry ang kaniyang pagiging anak. Bumalik siya sa Pilipinas upang tingnan ang kalagayan ng kaniyang ina at pakiusapan itong magpaopera kahit na hindi siya ang gagawa ng operasyon.

“Ikaw ang gusto ko, anak. Kung hindi mo ako ooperahan ay huwag na lang. Hihintayin ko na lang na kunin ako ng itaas,” pagpupumilit ng matanda.

Wala nang nagawa pa si Dok Garry kung hindi suriin ang ina at pag-aralan ang kaso nito. Siya na rin ang mag-oopera sa kaniyang ina. Puno man ng takot ay hinarap niya ito ng buong lakas. Hindi siya kailangang magkamali sapagkat buhay ng kaniyang ina ang nakasalalay rito.

Makalipas ang pitong oras ay natapos din ang operasyon. Maayos naman ang kalagayan ng kaniyang ina ngunit patuloy pa rin ang kaniyang pangamba hanggang hindi pa ito tuluyang nagigising.

Ilang oras pa ay idinilat ng matanda ang kaniyang mata. Labis ang saya ni Dok Garry nang sa wakas ay nagising na rin ang ina.

Makalipas pa ang isang linggong pananatili sa ospital ay tuluyan nang nakauwi ang matanda.

Nangilid ang luha ni Dok Garry sapagkat sa wakas ay tunay na naging matagumpay ang operasyon. Nang tanungin niya ang ina sa naging desisyon nito.

“Anak kita at alam kong magaling ka. Kung ilalagay ko sa ibang kamay ang aking buhay ay mas nanaisin ko nang ilagay ito sa mga kamay mo. Malakas ang tiwala ko na makakaya mo dahil bukod sa iyong galing ay alam kong ginagabayan ka ng Panginoon,” tugon ng ina.

Dahil sa sinabi ng ina ay bumalik ang kumpyansa ni Dok Garry sa kaniyang sarili. Unti-unti niyang natanggap na wala sa kaniyang mga kamay ang buhay ng tao. Ngunit gagamitin niya ang kakayahang ibinigay sa kaniya ng Panginoon upang magampanan niya nang maayos ang kaniyang tungkulin bilang isang mahusay na doktor.

Tuluyan nang bumalik sa serbisyo si Dok Garry. Sa pagkakataong ito ay buong tapang at galing na niyang haharapin ang lahat ng pagsubok na ilahad sa kaniya ng pagkakataon.

Advertisement