Laging Ipinamumukha ng Biyenan sa Manugang na Wala Itong Pinag-aralan; Magbabago ang Isip ng Matanda dahil sa Isang Aksidente
“Joseph, bakit nariyan ka na naman sa ilalim ng dyip mo? Huwag mong sabihing sira na naman ‘yan! Kakapagawa lang niyan, a!” bungad ni Aling Lucy sa kaniyang anak habang nagkukumpuni ito.
“Opo, ‘nay. Tumirik na naman kahapon. Hindi ko nga maayos-ayos. Wala tuloy akong kita ngayon,” tugon ng ginoo.
“O, ito. Buti na lang pala at pinagdalhan ko kayo nito. Nagluto ako ng palabok at shanghai dahil kam@tayan ng inang ng tatay nyo. Tigilan mo muna ‘yan at maglinis ka muna ng katawan. Kumain ka muna!” paanyaya pa ng ina.
Sabay na pumasok ng bahay ang mag-ina.
Nang makita ni Bridget, maybahay ni Joseph, ang kaniyang biyenan ay agad niya itong sinalubong at saka nagmano. Iniabot naman ni Aling Lucy sa manugang ang kaniyang dalang pagkain.
“Heto at nagdala ako ng makakain niyo. Ihain mo nga ng makakain na ‘tong asawa mo,” sambit pa ng matanda.
“Nagluto rin po ako ng adobo, ‘nay. Dito na po kayo kumain,” sambit naman ni Bridget.
“Sige na, kumain na ako. Saka sa tingin ko diyan sa adobo mo ay parang tataas ang presyon ng dugo ko. Sobrang mamantika. Ihain mo na ang dala kong pagkain nang sa gayon ay makakain na ang asawa mo,” muli niyang utos sa ginang.
Hindi na lamang umimik si Bridget at inihain na lamang ang pagkain.
Habang kumakain ay patuloy sa pagsesermon si Aling Lucy sa kaniyang anak.
“Paano ngayon ‘yan at wala kayong ikabubuhay kapag hindi pa nagawa iyang dyip? Sagabay kayong dalawa lang naman. Mas mahirap ‘yan kapag may anak na kayo at may pinapagatas pa,” sambit ni Aling Lucy.
“Kaya nga sinasabi ko sa kuya mo. Unahin muna ang pag-asenso niya. Tingnan mo at nakapagpatayo na ng sariling bahay at may kotse pa. Sabi ko nga rin sa kaniya kung hahanap ng mapapangasawa ay siguraduhin niyang may pinag-aralan din ay hindi pabigat sa kaniya,” dagdag pa ng matanda.
“Tama na po, ‘nay,” wika ni Joseph.
Nakita kasi ng ginoo na tila nanliliit na ang kaniyang maybahay. Hindi kasi ito nakatapos kahit ng hayskul lamang.
“Totoo lang naman ang sinasabi ko, Joseph. Aanhin mo ang asawang hindi makakatulong sa iyo. Kung wala kang pinag-aralan ay dapat ay maabilidad ka sa buhay. Hindi ‘yung pabigat ka pa,” sambit pa ng ina.
Hindi na lamang umimik ang mag-asawa. Nang paalis na si Aling Lucy ay kinausap siya ng ginoo.
“Hindi po tama ang ginawa nyo kanina, ‘nay. Dahan-dahan po sa pagsasalita. Alam n’yong walang tinapos ang asawa ko tapos ay ipapamukha n’yo pa sa kaniya. Natural sa kaniya na masaktan,” saad ni Joseph.
“E, ‘di masaktan siya kung masasaktan siya! Basta ako nagsasabi lang ako ng totoo. Ewan ko ba naman kasi sa’yo, Joseph, ang dami-daming babae bakit iyang si Bridget pa ang pinakasalan mo. Tingnan mo tuloy ang buhay mo ngayon! Hindi ka kasi marunong makinig sa akin, anak. Kung si Joana sana ang napangasawa mo ay maayos ang buhay mo ngayon,” saad pa ng ina.
“Mahal ko po si Bridget, ‘nay. Kahit na simple lang ang buhay namin ay masaya naman kami sa isa’t isa,” sambit pa ni Joseph.
“Mapapakain ba kayo ng pagmamahal at kasiyahan na ‘yan?” wika pa ni Aling Lucy sa anak.
Samantala, bakas ni Joseph ang lungkot sa mga mata ng kaniyang asawa.
“Huwag mo nang intindihin ang sinabi ni nanay. Kilala mo naman ‘yun, walang tigil ang bunganga. Madalas ay hindi niya iniisip ang kaniyang mga sinasabi,” wika pa ng ginoo.
“Totoo naman ang sinasabi niya, Joseph. Wala naman talaga akong silbi dahil wala akong pinag-aralan. Tingnan mo at hindi nga ako makatulong man lang sa’yo dito sa mga gastusin,” pahayag pa ng maybahay.
“H’wag mong alalahanin ‘yun. Hindi naman kita pinakasalan dahil lamang sa ganung bagay,” wika pa ng ginoo.
Lumipas ang mga araw at sa tuwing nagpupunta doon ang nanay ni Joseph ay hindi ito humihinto sa pagpaparinig sa kaniyang manugang ng masasakit na salita. Pinipilit na lamang na balewalain ito ni Bridget para sa kaniyang mister.
Isang araw ay nagulat ang lahat nang mabalitaan na naaksidente raw ang dyip na minamaneho ni Joseph. Sumalpok ito sa isang sasakyan at dahil matinding pinsala ay himala na lamang at nabuhay pa ang ginoo.
“Nawalan ng preno ang sasakyan. Buti na lamang at ako lamang ang sakay kung hindi ay baka baldado na nga ako ay kasuhan pa ako kung may ibang nasaktan,” saad ni Joseph.
“Ngunit paano na ngayon ‘to? Habang buhay na akong magiging pabigat sa iyo,” malungkot pang sambit ng ginoo.
“Hindi kita iiwan. Sa tingin mo ba ay hanggang doon lang ang pagmamahal ko sa’yo? Ako naman ang gagawa ng paraan para mabuhay tayo. Wala man akong pinag-aralan ay gagawa ako ng paraan para mayroon tayong pagkakakitaan,” pahayag naman ni Bridget.
Naglako ng isda at mga gulay si Lucy sa kanilang lugar. Kahit pagod at mabigat ang kaniyang mga dala ay hindi niya ito ininda. Kailangan niyang magtrabaho para sa kanilang mag-asawa.
Samantala, nakita ni Aling Lucy ang pagpupursige ni Bridget para sa kanilang mag-asawa. Kahit na pagod ito mula sa pagtitinda ay magiliw pa rin nitong inaasikaso si Joseph. Ni wala kang makikita ditong pag-aalinlangan at pagdadalawang-isip sa pananatili sa piling ng ginoo.
“Baldado na ang anak ko at wala kang mapapala sa kaniya. Bakit hindi mo nalang siya iwan?” saad ni Aling Lucy sa manugang.
“Wala po akong pinag-aralan pero may puso po ako. Mahal ko po ang anak n’yo at kahit anong mangyari ay kakayanin ko para sa aming dalawa. Hindi naman po kailangan na may pinag-aralan ka para lamang magmahal. Tinanggap ako ng anak nyo kung ano ako, kaya kung ano man siya ngayon ay tatanggapin ko rin ng buong puso,” pahayag ni Bridget.
Natunaw ang pusong bato ni Aling Lucy dahil sa tinuran ng kaniyang manugang. Labis ang paghingi niya ng tawad kay Bridget para sa lahat ng masasakit at masasamang nasabi niya sa asawa ng kaniyang anak.
Simula noon ay naging maayos na ang pagsasama ng magbiyenan. Labis na ipinagmamalaki ni Aling Lucy ang manugang dahil sa wagas nitong pagmamahal sa kaniyang anak.