Labis ang Pagtataka ng Isang Bata sa Hindi Pagpansin sa Kaniya ng Ina; Nakakapanindig Balahibo Pala ang Katotohanan
“Ma, tama na po ang pag-iyak niyo. Huwag na po kayong malungkot sa pagkawala ni Chelsea, narito pa naman ako. Hinding-hindi ko po kayo iiwan,” sambit ni Cindy sa kaniyang inang si Lorie habang tangan nito ang larawan ng kanilang pamilya.
Walang naging tugon mula sa kaniyang ina. Bagkus ay lalo lamang nitong hinigpitan ang yakap sa tangang larawan at lalong bumuhos ang luha ng ginang.
Nalulungkot si Cindy sapagkat batid niyang sa pagkakataon na iyon ay tila hindi siya ang kailangan ng kaniyang ina. Kaya dahan-dahan na lamang siyang pumanhik matungo sa kaniyang silid at doon ay inalala niya ang masasayang tagpo sa loob ng kanilang tahanan.
Maaga mang kinuha ng Diyos ang kanilang amang si Roger dahil sa isang matinding karamdaman ay hindi nakita ni Cindy ang kaniyang ina na pinanghinaan ng loob. Kahit nga noong unang Pasko na hindi nila kapiling ang ama ay isinabit pa rin ng kaniyang ina ang malaking parol sa labas ng kanilang bahay.
Itinayo pa rin niya ang Christmas tree at pinalibutan pa rin niya ito ng mga palamuti. Saka niya binuhat ang magkapatid yung sabay nilang ilagay ang tala sa tuktok nito. Masaya nilang binuksan ang kanilang mga regalo.
Sa kaarawan nila ay laging may handang spaghetti. Iniluluto ito ng kanilang ina sapagkat alam ng ginang na ito ang paborito ng magkapatid. At pagkatapos ay masaya nilang pagsasaluhan ang sorbetes.
Madalas din silang dalhin ni Lorie sa parke upang maglaro. Parang walang katapusan ang kaligayahan na nararamdaman nila ng mga araw na iyon na pati ang kanilang ina ay nakikipaglaro pa sa kanila.
Ngunit labis ang lungkot ni Cindy nang tuluyang magbago ang ina dahil sa pagkawala ng kaniyang kapatid na si Chelsea. Mula noon ay hindi na siya pinapansin nito. Ni hindi na nga rin naaalala ng ina na ipaghain ang kaniyang anak. Lagi lamang itong malungkot at tila tulala.
At noong araw ng Pasko ay wala man lamang maliwanag na parol sa labas ng kanilang bahay. Ni hindi nga nito itinayo ang Christmas tree at wala ring mga regalong naghihintay na buksan para sa kanila.
Hindi alam ni Cindy kung kaya pa ba niyang ibalik ang saya sa mukha ng kaniyang ina. Batid niyang sa pagkawala ng ama at ni Chelsea ay mahihirapan siya.
Isang gabi ay bahagyang bukas ang silid ng kaniyang ina. Nang kaniyang silipin ay wala na naman itong ginawa kung hindi ang patuloy na lumuha. Tangan muli ang larawan ng kanilang pamilya ay patuloy ang kaniyang pagsusumamo.
“Hindi na kailanman mabubuo ang pamilyang ito. Bakit kasi hindi niyo na lang din ako sinama. Hindi ko na makakayanan pa ang sakit na ito,” pagtangis ni Lorie.
Nasaktan si Cindy sa tinuring ng ina. Napayuko siya at hindi napigilan ang kaniyang pagluha. Napagtanto niyang hindi pala sapat na maging dahilan siya upang magpatuloy sa buhay ang kaniyang ina.
“Kahit ano siguro ang gawin ko ay hindi ko mapapalitan si Chelsea at papa sa puso ni mama. Hindi ako sapat na dahilan para maging masaya siya,” saad ni Cindy sa kaniyang sarili.
Nang mapansin ng ina na bukas ang pinto ng kaniyang silid ay tumayo ito at isinarado kaagad ang pinto.
Napabuntong hininga na lamang si Cindy sa ginawa ng kaniyang ina. Bumalik siya sa kaniyang silid at humiga sa kaniyang kama. Umiisip ng paraan kung paano niya mapapahinto sa pag-iyak ang kaniyang ina.
Hanggang sa naalala niyang bukas nga pala ay kaarawan ni Chelsea.
Kinabuksan ay maagang nagising si Cindy upang samahan ang kaniyang ina. Alam niyang dadalawin nito ang kapatid sa sementeryo kung saan ito nahihimlay.
“Sasama po ako,” sambit ng bata sa ina.
Ngunit tila walang narinig si Lorie. Lumabas siya ng bahay at sumakay sa kaniyang sasakyan. Humabol naman si Cindy at dali-dali ding sumakay naman sa likuran ng kotse. Sa pagkakataong iyon ay napahinto ang ina sa kaniyang ginagawa at panandaliang tumingin sa likurang bahagi ng sasakyan.
Masaya naman si Cindy dahil iyon na lamang ang pagkakataon na muli siyang tinitigan ng kaniyang ina. Ngunit imbis na ngitian ang anak ay muling bumagsak ang luha ni Lorie.
Nagpatuloy sa pagmamaneho ang ginang patungong sementeryo. Bumaba siya ng sasakyan at nagmamadaling nagtungo sa libingan ng mahal sa buhay bitbit ang mga bulaklak at kandila.
“Ma, narito po ako. Ako na po ang magdadala ng mga kandila,” sambit ni Cindy sa ina ngunit nagpatuloy lamang ito sa paglalakad.
Nang makarating sila sa puntod ay inilapag ni Lorie ang mga bulaklak at itinirik ang mga kandila. Pinagmamasdan lamang ni Cindy ang ina habang bakas sa mukha nito ang labis na kalungkutan.
Sinindihan ni Lorie ang mga kandila. Inalis niya ang mga tuyong dahon na tumatakip sa mga lapida.
Muling bumagsak ang luha ni Lorie.
“Patawad mga anak, hindi kayo nailigtas ng mommy. Kung sana ay mas maaga akong nakarating sa eskwelahan ay hindi ito nangyari sa inyo. Sana ay kasama ko pa sana kayo hanggang ngayon,” pagtangis ng ina.
Hindi maunawaan ni Cindy ang sinasabi ng ina.
Hanggang sa makita na lamang ng bata ang kaniyang pangalan sa pagitan ng lapida ng kaniyang ama at ng kapatid na si Chelsea.
Doon bumalik sa alaala ni Cindy ang tunay na nangyari. Ilang buwan na ang nakakalipas nang gumuho ang isang parte ng gusali na ginagawa sa paaralan nina Cindy at Chelsea. Sa kasamaang palad ay magkasama noon ang magkapatid bandang uwian at naghihintay sa kanilang ina upang sunduin sila. Natamaan ng pagguho ang magkapatid na kanilang ikinasawi kaagad.
Ngayon ay nauunawaan na ni Cindy ang lahat. Kaya pala hindi man lamang siya magawang tingnan ng ina at wala itong patid sa pagluha dahil tanging ito na lamang ang natitira sa kanilang pamilya.
Pilit mang yakapin ni Cindy ang kaniyang ina ay hindi niya magawa.
“Mahal na mahal ka namin, ma. Ihahalik at iyayakap na lamang ako ng hangin sa iyo…”
Wala man ang asawa at mga anak ay mananatili sa puso ni Lorie ang mga ito magpakailanpaman.