Inday TrendingInday Trending
Inabot ng Sangkatutak na Kamalasan ang Isang Pamilya; Makabangon Pa Kaya Sila sa Pagkakalugmok?

Inabot ng Sangkatutak na Kamalasan ang Isang Pamilya; Makabangon Pa Kaya Sila sa Pagkakalugmok?

Magkasunod na kamalasan ang dumating sa pamilya ni Aling Guada. Pagkatapos matanggal sa trabaho ang kaniyang asawang si Mang Fredo ay nawalan din ng trabaho ang panganay niyang anak na si Eloisa. Nalugi kasi ang pinapasukan nitong restaurant kaya isa ang dalaga sa nawalan ng trabaho.

“Ano ba namang kamalasan ito? Una ay ang tatay mo, ngayon ay ikaw naman ang natanggal sa pinagtatrabahuhan mo. Eh, bakit ba naman kasi nalulugi ang mga pinapasukan niyo?” inis na sabi ni Aling Guada.

“Sorry po, nanay. Hindi naman po namin kagustuhan ni tatay na mawalan kami ng trabaho. Baka po sadyang mahina ang kita ng mga negosyante ngayong taon kaya napilitan silang magtanggal ng mga empleyado. Sa kasamaang palad nga lang ay kami pa ni tatay ang napasama sa mga natanggal. Huwag kang mag-alala ‘nay, naghahanap naman po kami ng bagong mapapasukan, eh,” sagot ni Eloisa.

“Mabuti na lang at may trabaho pa rin si Freddie. Kahit maliit ang kinikita niya sa gasolinahan ay puwede na para sa pang-araw-araw nating gastusin. Isa pa, kahit paano ay marami pa ring bumibili sa inilalako kong suman at kutsinta, pandagdag din sa budget,” wika pa ni Aling Guada na ang tinutukoy ay ang bunsong anak at ang pagtitinda niya ng mga kakanin.

Ngunit isang araw ay nagulat na lang sila nang biglang dumating si Aling Bebang na may-ari ng inuupahan nilang apartment.

“Hoy, anong petsa na? Kailan ba kayo magbabayad ng renta? Aba, tatlong buwan niyo na akong hindi nababayaran ah!” anas ng babae.

“Naku, pasensiya ka na, Bebang. Medyo minamalas kami ngayon, eh. Parehong nawalan ng trabaho ang asawa ko at panganay kong anak. Tanging ang bunso ko lang ang naghahanapbuhay ngayon. Ang kinikita ko naman sa paglalako ng mga kakanin ay hindi sasapat para makabayad sa iyo. Maaari bang humingi pa ng palugit? Bigyan mo pa ako ng ilang linggo para mabayaran ka,” paliwanag ni Aling Guada.

“Hoy, Guada, huwag mo nga akong idamay sa kamalasan niyo! Gawan niyo ng paraan na mabayaran ako bago matapos ang linggo kundi ay palalayasin ko na kayo rito!” galit na singhal ng babae.

Pinagbuti ni Aling Guada ang pagtitinda ng suman at kutsinta ngunit ang kaniyang kinita sa isang linggo at ang sahod ng anak na si Freddie ay kulang pa ring pambayad ng renta. Hindi pa rin nakakahanap ng trabaho ang asawang si Fredo at anak na si Eloisa. Lumapit na rin sila sa mga kamag-anak at kaibigan ngunit walang nagpautang sa kanila. Naging mailap talaga sa kanila ang suwerte.

Kaya nang bumalik si Aling Bebang ay tinotoo na nito ang pagpapaalis sa kanila sa apartment dahil hindi pa rin sila nakapagbayad ng renta. Namomroblema sila kung saan sila pansamantalang makikitira dahil wala ring tumanggap sa kanila at nagbigay ng tulong kung saan sila maaaring makituloy. Walang nagawa ang mag-anak kundi ang sumilong sa ilalim ng tulay na malapit sa daanan ng sasakyan. Nilapitan na nila lahat ng maaari nilang malapitan ngunit walang nahabag at tumulong sa kanila. Nagawa na lang nilang pansamantalang manirahan sa ilalim ng tulay habang patuloy na naghahanap ng trabaho ang asawa at anak. Hindi rin kasi kakasya ang kinikita niya at ang kinikita ni Freddie para umupa sa bagong apartment.

“Nahihiya ako sa inyo ng bunso natin, Guada. Hindi man lang kami makatulong ni Eloisa sa gastusin natin. Nawalan pa tayo ng tirahan nang dahil sa amin,” malungkot na wika ni Fredo sa asawa.

“Huwag mong isipin ‘yan, Fredo. Makakahanap din kayo ni Eloisa ng trabaho. Nag-iipon lang kami ni Freddie para makahanap na tayo ng bago nating malilipatan,” tugon ni Aling Guada sabay hawak sa mga kamay ng mister.

Isang araw, habang naglalako ng kakanin si Aling Guada ay isang pari ang tumawag sa kaniya para bumili ng paninda niya.

“Ale, Ale, pagbilhan mo nga ako ng suman at kutsinta,” wika ng pari na sa tingin niya ay nasa kuwarenta hanggang kuwarenta y singko na ang edad.

“Naku, padre, kayo po ang buena mano ko. Salamat po,” aniya sabay abot sa biniling kakanin ng pari.

Nang tikman ng pari ang biniling kutsina ay nagulat ito.

“Aba, napakasarap naman nitong kutsinta mo. Ikaw ba talaga ang gumagawa nito?” tanong ng pari.

“Opo, padre. Ako mismo ang gumagawa ng mga inilalako kong kakanin. Salamat naman po at nagustuhan niyo.”

“Tiyak na magugustuhan ito ng mga taong nagsisimba. Bakit hindi mo ‘yan itinda sa harap ng simbahan? Sigurado akong dudumugin ang iyong paninda sa sobrang sarap nito,” sabi pa ng pari.

“Talaga, padre? S-sige po. B-baka po bawal magtinda sa harap ng simbahan. Baka hulihin lang po ako ng pulis?”

“Hindi bawal ang magtinda sa harap ng simbahan kung saan ako nakadestino. Marami nga ang nagtitinda roon sa tuwing araw ng linggo. Sige na, subukan mo na at natitiyak ko na magugustuhan ng mga magsisimba ang iyong paninda,” giit pa ng pari.

Sinunod ni Aling Guada ang payo ng mabait na pari. Pagsapit ng araw ng linggo ay nagtinda siya sa harap ng simbahan kung saan nagmimisa ang nakilalang pari na nagngangalang Padre Martin. Gaya nang sinabi ng pari ay dinumog nga ng mga nagsisimba ang paninda niyang suman at kutsinta. Nagustuhan ng mga mamimili ang lasa ng kaniyang mga kakanin. Mula noon ay mas nakilala ang masarap niyang mga kakanin. ‘Di lang mga tao sa kanilang lugar ang naghahanap sa mga paninda niya kundi pati mga turista galing sa iba’t ibang lugar ay napansin at nasarapan sa kaniyang espesyal na suman at kutsinta.

‘Di nagtagal ay umasenso ang buhay nina Aling Guada dahil sa negosyo niyang kakanin. Nakapagpatayo sila ng stall na malapit sa simbahan at doon patuloy na binabalik-balikan ang kanilang mga kakanin. Hindi na rin sila nakatira sa ilalim ng tulay, nakahanap sila ng magandang apartment na naupahan nila. Nagkaroon na rin ng bagong trabaho ang asawang si Mang Fredo at anak na si Eloisa. Na-promote din ang anak niyang si Freddie sa trabaho. Biglang pasok ang suwerte sa kanilang pamilya. Makalipas ang isang taon ay mabilis silang nakapagpundar ng bahay at lupa at sasakyan.

Labis na ipinagpapasalamat ng pamilya ang magandang kapalaran na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos kaya naisipan nila na ibalik sa kanilang kapwa ang kabutihang iyon. Nagtayo sila ng maliit na foundation na hangaring makatulong sa mga mamamayan nilang gustong makapagsimula ng maliit na negosyo. Malaking pasasalamat din nila kay Padre Martin kundi nakilala ni Aling Guada ang mabait na pari ay hindi sila aasenso kaya nagbigay sila ng malaking donasyon sa simbahan kung saan ito nakadestino.

Ngunit isang araw ay hindi inaasahang panauhin ang dumulog sa pamilya ni Aling Guada. Nanghihingi ito ng tulong, nawalan daw ng kabuhayan at ari-arian ang pamilya nito dahil sa nagdaang malakas na bagyo. Ang babaeng naglakas-loob na humingi sa kanila ng tulong ay si Aling Bebang na nagpalayas sa kanila noon sa inuupahan nilang apartment.

“Parang awa niyo na, Guada. Wala na kaming ibang malalapitan. Napag-alaman ko na nagbibigay kayo ng tulong sa mga gustong magsimula ng negosyo. Mula nang hagupitin ng malakas na bagyo ang aming tahanan ay wala nang natira sa amin. Pati kabuhayan namin ay nawala. Maawa ka sa amin, patawarin niyo rin ako sa nagawa ko noon. Pinagsisisihan ko na ang aking nagawa,” hagulgol ng babae.

Nakaramdam ng habag si Aling Guada at si Mang Fredo. Hindi nila makakalimutan ang ginawang pagpapalayas sa kanila noon ng babae na hindi man lang sila binigyan ng pagkakataon ngunit sino ba naman sila para hindi tumulong sa nangangailangan?

“Napatawad ka na namin, Bebang. Huwag kang mag-alala at tutulungan ka namin. Magiging maayos din ang lahat,” sabi ni Aling Guada.

“Ibinigay sa amin ng Diyos ang biyayang ito, wala kaming karapatan para solohin ito at ipagkait sa iba lalo na sa mga mas nangangailangan,” sabad naman ni Mang Fredo.

“Maraming salamat sa inyong mag-asawa,” patuloy na iyak ni Aling Bebang.

Sa kabila ng hirap at kamalasang naranasan noon ng pamilya ni Aling Guada ay ‘di nila inakala na may pag-asa pa sila upang makabangon. Imbes na magtanim ng galit ay kabutihan pa ang ibinalik nila sa kanilang kapwa. Tama ang kasabihan na ang buhay ng tao ay bilog, kung minsan ay nasa ilalim at kung minsan ay nasa ibabaw ngunit kahit saan man dalhin ng kapalaran ay panatilihin ang pagiging mabuting tao para kabutihan pa rin ang aanihin.

Advertisement