Inday TrendingInday Trending
Nambababae Pa rin ang Binatang Ito Kahit pa may Nobya na, Hindi Niya Inasahan ang Ganti Nito sa Kaniya

Nambababae Pa rin ang Binatang Ito Kahit pa may Nobya na, Hindi Niya Inasahan ang Ganti Nito sa Kaniya

“Pare, maling-mali naman yata ang ginagawa mo ngayon. Hindi ba’t may nobya ka? Bakit ka natutulog kasama ang isa pang babae?” sambit ni Jon sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang makita niya itong may kasamang ibang babae sa sariling silid sa inuupahan nilang bahay.

“Nangingialam ka ba, Jon? Eh, sa gusto kong iba’t ibang babae ang makasama sa pagtulog, eh. Saka, kahit ano namang gawin ko, hindi ako iiwan ng nobya ko. Tingnan mo, ha, kapag nalaman niya pa ito, siya pa ang hihingi ng tawad sa akin,” kumpiyansadong sagot ni Noel saka niyakap pa ang babaeng tulog sa kaniyang braso.

“Kahit na, pare, maawa ka naman sa nobya mo. Hindi porque hindi siya lumalaban o nagrereklamo sa iyo, ayos lang sa kaniya ang mga ginagawa mo,” giit nito dahilan upang siya’y mapabangon at hilahin ito palabas ng naturang silid.

“Alam mo, mas maiging huwag kang mangialam kaysa tayo pang dalawa ang mag-away. Kung ako sa’yo, magdala ka rin ng babae mo rito sa bahay para hindi ako nang ako ang napapansin mo,” payo niya pa rito saka tinapik-tapik ang braso nito.

“Pinagsasabihan lang kita kasi natatakot akong karmahin ka,” sambit nito saka siya nilayasan.

“Ang sweet mo naman, pare!” patawa-tawa niyang sigaw habang tinitignan ang kaibigang palabas ng kanilang bahay.

Ang binatang si Noel na yata ang pinakababaerong lalaki sa kanilang barangay. Mayroon man siyang nobya o wala, kung sinu-sinong babae ang inuuwi niya sa inuupahan nilang bahay ng kaniyang kaibigan.

Basta’t matipuhan niya ang isang babae, agad niya itong yayayaing matulog kasama siya.

Kahit na ito’y isang bayarang babae o kaibigan ng tropa niya sa inumang dinadaluhan, basta’t napansin niyang ito’y maganda at kakagat sa gusto niya, hindi siya nagdadalawang-isip na ito’y lingkisan.

Ito ang dahilan upang walang tumagal na babae sa kaniya bukod sa pangkasalukuyan niyang nobya na deds na deds sa kaniya sa hindi malamang dahilan.

Hindi naman siya kagwapuhan, walang permanenteng trabaho at umaasa lamang sa kaniyang negosiyanteng mga magulang, ngunit kahit anong gawin niyang kat@rantaduhan, palagi pa ring nagmamakaawa ang dalagang ito na magkaayos sila dahilan upang labis siyang makampante na iwan man siya ng lahat, mananatili ‘yon sa kaniyang tabi.

Sa katunayan, napamahal na rin naman talaga siya sa dalagang iyon, hindi niya lang maiwasang maghangad pa ng ibang babae dahilan upang ipagtuloy niya ang pangbababae at saktan ang naturang dalaga.

Noong araw na ‘yon, pagkaalis ng kaniyang kaibigan, sakto namang dating ng kaniyang nobya. Nakita siya nitong may kayakap na babae sa silid dahilan upang agad itong lumabas ng bahay. Hindi man lang niya ito pinaliwanagan. Tinawagan niya lang ito upang sabihing, “Balik ka na lang mamayang hapon, may tinatapos pa ako rito sa babaeng ‘to,” dahilan upang agad itong umalis sa kanilang bahay.

Pagsapit ng hapon, pinauwi na niya ang dalagang iyon at agad na tinawagan ang kaniyang nobya upang papuntahin na. Ngunit makailang tawag na siya, hindi pa rin ito sumasagot dahilan upang mag-init na ang ulo niya.

“Bahala ka! Kung ayaw mong magpunta, edi ‘wag!” sigaw niya saka agad na nagdesisyong humanap ng babaeng pupwedeng mapapunta sa kaniyang bahay sa social media.

Ngunit, pagkabukas na pagkabukas niya pa lang ng social media, larawan na ng kaniyang nobya ang tumambad sa kaniya at may kasama itong ibang lalaki sa bahay nito dahilan upang labis siyang mapahangos at agad na magpunta ro’n.

Pagkadating na pagkadating niya ro’n, tumambad sa kaniya ang nobya niyang nakikiharutan sa lalaking iyon dahilan upang labis siyang magalit at buhatin ito palayo sa naturang binata.

“Ano ba, Noel?” sigaw nito saka nagpumiglas sa pagkakabuhat niya.

“Anong ano ba? Alam mo ba ang ginagawa mo, ha?” sigaw niya rito.

“Oo, katulad lang ng ginagawa mo sa akin. Masakit ba?” sarkastiko nitong tanong saka muling lumingkis sa naturang lalaki, “Alam mo, maghiwalay na tayo, naglolokohan lang tayong dalawa. Ngayong may lalaki nang handang umiwas sa tukso para sa akin, tingin ko hindi ko na kailangan ang isang katulad mong hayok sa babae,” dagdag pa nito na labis niyang ikinadurog, “Umalis ka na,” huling sambit nito saka siya tinaboy palabas.

Doon niya napagtantong ang sakit sakit pala talaga ng ginagawa niya sa naturang babaeng ‘yon na handang ipatapak sa kaniya ang dignidad at puso huwag lang siya mawala.

“Bakit kailangan ko pang maramdaman ito upang matuto ako?” mangiyakngiyak niyang sabi habang siya’y naglalakad pauwi.

Ngayong wala na ito, hindi niya alam kung saan muling makakatagpo ng babaeng mamahalin siya nang lubos.

Advertisement