Inday TrendingInday Trending
Naririndi na ang Ginang sa Tsismosang Naninira sa Anak Niya, Katatawanang may Leksyon ang Kaniyang Ginawa

Naririndi na ang Ginang sa Tsismosang Naninira sa Anak Niya, Katatawanang may Leksyon ang Kaniyang Ginawa

“Mari, alam mo na ba ang ang kumakalat na balita ngayon dito sa barangay natin?” nguso ni Karen sa isa niyang kapitbahay nang minsan itong mapadaan sa kaniyang bahay, isang umaga habang siya’y nagkakape.

“Hindi, eh, hindi naman kasi ako tsismosa katulad mo,” pangbabara ni Elisa sa ginang na ito dahilan upang ito’y mapangisi.

“Ayan, sa paggaganyan-ganyan mo sa akin, pati buhay ng anak mo, hindi mo na alam. Minsan may kagandahan din ang pagiging tsismosa dahil alam mo ang mga pangyayari sa paligid mo,” sambit nito kaya labis siyang napaisip.

“Teka, sinabi mo bang may hindi ako alam sa buhay ng anak ko?” paglilinaw niya rito, tumawa muna ito nang malakas bago siya sagutin.

“Oo, bakit, alam mo bang buntis ngayon ang anak mo?” tanong nito dahilan upang siya’y mapangisi.

“Hindi, eh, buti ka pa alam mong buntis ang anak ko. Sa pagkakaalam ko kasi, walang nobyo ang anak ko,” sagot niya, ngunit imbis na tumigil na, sumagot ang naturang ginang.

“Wala ngang nobyo, pero pulutan naman sa inuman ‘yang anak mo, kwento ng anak ko!” sabi pa nito na labis niyang ikinagalit. “Aba, teka, huwag mong ginaganyan-ganyan ang anak ko, ha?” banta niya pa rito.

“Totoo naman kasi, kaya huwag ka nang magtaka kung mapatunayan mong buntis ‘yang malandi mong anak,” sambit pa nito dahilan upang magdilim na ang kaniyang paningin.

“Hintayin mo ako d’yan!” sabi niya saka agad na nagpunta sa kanilang bahay.

Inis na inis ang ginang na si Elisa sa mga tsismosa nilang kapitbahay. Lahat kasi ng mga kinakalat na kwento ng mga ito ay walang katotohanan at puro paninirang puri lamang. Ito ang dahilan upang minsan lamang siya lumabas ng kanilang bahay dahil ayaw niyang makarinig ng mga bubuyog na nagbubulungan.

Lalo pa niyang kinaiinis sa tuwing maririnig ang pangalan ng kaniyang anak mula sa bibig ng mga ito. Mala-diyosa kasi ang ganda ng kaniyang anak at matalino pa, talaga nga namang kainggit-inggit dahilan upang halos araw-araw nagsusumbong ito sa kaniya na may ibang balita na namang kumakalat tungkol dito.

At dahil nga alam naman niyang walang katotohanan ang mga pinapakalat ng mga tsismosa sa kanilang lugar, hindi niya ito inintindi at sinasabi sa kaniyang anak na huwag na lamang pansinin.

Ngunit noong araw na ‘yon, dumaloy sa kaniyang ugat ang labis na galit dahil sa harap niya, minaliit ng ginang na iyon ang pinakamamahal niyang anak.

Pagkauwing-pagkauwi niya sa kanilang bahay, agad niyang kinatok sa kwarto ang anak niyang nag-aaral.

“Agnes, buntis ka raw sabi ni Aling Karen?” tanong niya rito, sinisigurado niya munang ito’y hindi totoo. Tinawanan lang siya nito at sinabing, “Akala ko ba mama, huwag na lang natin silang intindihin? Paano ako mabubuntis, eh, wala naman akong nobyo, saka sa katunayan nga, may buwanang dalaw pa ako ngayon!”

“Aba, sakto pala, eh, ngayon, mapapatunayan nating hindi ka buntis! Naririndi na ako sa mga tsismosang ‘yan, eh!” gigil na gigil niyang sabi.

“Anong balak mo, mama?” pagtataka ng kaniyang anak.

“Akin na ang napkin mong may dugo, dali!” sabi niya dahilan upang agad na tumanggi ang dalaga, “Dalian mo, para matapos na ang kadem*nyohan ng mga tsismosa sa atin. Hanggat hindi kasi sila tinuturuan ng leksyon, patuloy ‘yan silang gagawa ng ikasisira mo!” dagdag niya pa dahilan upang mapilitan na ang kaniyang anak.

Nang makuha na niya ang napkin ng kaniyang anak, agad na siyang lumabas ng bahay at bumalik sa lugar kung saan siya pinagsalitaan ng ginang na iyon.

Nakita niya pang kasama na nito ang mga kapwa nitong tsismosa at nakatumpok na sa isang sulok.

“Aba, tamang-tama, lahat kayo matututo ngayong araw,” sambit niya saka ipinakita sa mga ito ang napkin ng anak, “Nakita niyo ‘to? Napkin ‘to ng anak ko, may dugo pa, hindi ba? May buwanang dalaw kasi siya ngayon kaya imposibleng buntis siya!” sigaw niya.

“Naku, mukhang simpleng dugo lang naman ‘yan, parang dugo pa nga ng baboy, eh. Aminin mo na kasing buntis ang anak mo,” giit pa ni Karen dahilan upang labis siyang mag-init.

“Ah, dugo pala ng baboy, edi, tikman mo!” sigaw niya saka ipinahid sa mukha ng naturang ginang ang napkin na kaniyang hawak dahilan upang masuka ito at magsitakbuhan ang mga alagad nitong tsismosa, “Anong lasa? Lasang dugo ba ng baboy?” sabi niya pa dahilan upang magtawanan ang mga kapitbahay nilang nakakita ng kaniyang ginawa.

“Sa wakas, nakahanap din kayo ng katapat, mga tsismosang mapapanghe!” sigaw pa ng isa niyang kapitbahay na tuwang-tuwa sa kaniyang ginawa.

Simula noon, wala nang nagtangkang gumawa ng tsismis sa kaniya at sa kaniyang anak. Nabuwag na rin ang samahan ng mga tsismosa roon dahilan upang matiwasay na silang mamuhay doon.

Advertisement