Tinulungan ng Binatang Ito ang Pulubing Walang Saplot, Malaking Biyaya Pala ang Naghihintay sa Kaniya
“Hoy, pare, saglit, itabi mo muna ‘tong sasakyan,” utos ni Wilbert sa kaniyang kaibigan nang may makitang pulubing h*bo’t hub@d, isang araw nang sumabay siya rito pauwi galing trabaho.
“Ano na naman bang nakita mo, ha?” masungit na sagot ng kaniyang kaibigan habang patuloy pa rin sa pagmamaneho.
“May isang babaeng walang saplot doon sa tapat ng convenience store, nakakaawa naman!” sagot niya dahilan upang mapatawa ito habang umiiling-iling.
“Naku, pare, tigilan mo na ‘yang kalambutan ng puso mo. Nakailang beses ka nang nadukutan ng mga pulubi dahil sa pagtulong mo, hindi ba? Baka mamaya, teknik lang ‘yan ng babaeng ‘yan para makahuthot ng pera,” sabi pa nito habang siya’y lilinga-linga sa babaeng iyon.
“Kahit na, itabi mo na, pare, nakakaawa talaga, eh, tinitingnan siya ng mga lalaking nakatambay doon,” giit niya.
“Diyos ko, bahala ka nga r’yan sa buhay mo! Hindi ka na natuto sa pagtulong sa mga kawatan na ‘yan! Huwag kang iiyak-iyak sa akin sa bahay kapag nawala na naman ang wallet mo, ha? Halos lahat ata ng sweldo mo, pinadukot mo na sa mga ‘yan!” panakot nito sa kaniya.
“Oo na, sige, itabi mo na ako. Mauna ka nang umuwi,” tugon niya dahilan upang tuluyan siyang ibaba ng kaniyang kaibigan saka na siya tumakbo patungo sa naturang dalaga.
May pusong mamon ang binatang si Wilbert. Kung ang ibang binata’y matikas at walang pakialam sa mga taong nanlilimos sa kalsada, siya nama’y todo bigay sa mga ito. Mapasarili man niyang inuman o pagkain, ibibigay niya pa sa mga ito kapag may nakita siyang pulubi.
Sa katunayan nga, makailang beses na siyang nauutakan ng mga ito. Sa tuwing siya kasi’y tumutulong, labis na saya ang nararamdaman niya dahilan upang mawaglit sa isipan niyang maging alerto at dito na nakukuha ng ibang pulubing kawatan ang kaniyang wallet at kung minsan pa, ang kaniyang selpon dahilan upang labis na siyang pigilan ng kaibigan na kasama niya sa inuupahan niyang bahay sa Maynila.
Bukod kasi sa nakikita nito kung paano siya manlumo sa tuwing mananakawan, sa tagal niya sa trabaho, kahit isang gamit para sa sarili, wala pa siyang napupundar dahilan upang labis siyang pigilan at pangaralan nito.
Ngunit makailang beses man siya nitong pangaralan na mag-ingat sa mga tutulungang pulubi, hindi pa rin siya mapigil nito sa tuwang iiral ang kaniyang pagiging matulungin.
Noong araw na ‘yon, pagkarating niya sa naturang convenience store kung nasaan ang hub*’t hub@d na babae, agad niyang hinubad ang jacket na suot upang ipangtaklob dito.
Nang sumagi pa ang balat niya sa dalaga, naramdaman niyang mainit ito at tila may lagnat dahilan upang magpasiya siyang iuwi ito sa bahay na inuupahan nilang magkaibigan.
“Diyos ko naman, Wilbert! Hanggang dito sa bahay, dinala mo ‘yan? Eh, hindi nga natin kilala ‘yan! Baka mamaya magnanakaw pala ‘yan! Pakalat-kalat pa naman ang mga gamit at pera ko sa buong bahay!” sigaw ng kaniyang kaibigan sa kaniya, ngunit imbis na makinig, hindi siya nagpatinag at agad na pinasok sa kaniyang silid ang dalagang inaapoy ng lagnat.
Pinunasan niya ito ng basang bimpo upang matanggal ang dumi sa katawan at upang gumaan kahit papaano ang pakiramdam nito. Pagkatapos, agad niya itong binihisan at hiniga sa kaniyang kama. Pinakain niya rin ito ng tira niyang pagkain at pinainom ng gamot na padala ng kaniyang ina mula probinsya.
Maya maya, habang tinitignan niya ang temperatura ng babaeng ito, biglang pumasok sa kaniyang silid ang kaniyang kaibigan. Hinawi nito ang buhok na nakatakip sa mukha ng naturang dalaga, at sinabing, “Sabi na, eh!” saka ito humangos palabas dahilan upang siya’y magtaka at sundan ito.
“Pare, pasensiya ka na talaga. Pangako…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil agad na itong nagsalita.
“Diyos ko, pare, may mabuti rin pala talagang dulot ang pagiging matulungin mo,” sambit nito dahilan upang lalo siyang magtaka.
“Anong pinagsasabi mo riyan?” tanong niya saka ipinakita ng kaniyang kaibigan ang litrato ng naturang babae na tila pinaghahanap ng mayayaman nitong mga magulang at mayroong pabuyang nakalaan kung sino ang makatatagpo.
“Naku, kung totoo man ‘yan, hindi ko rin kukunin ang pabuya. Bukal sa loob ko ang pagtulong at ayoko ng kapalit,” sambit niya pa.
“Napakabuti mo talaga, sigurado akong matutuwa ang mga magulang ko,” sabat ng naturang dalaga dahilan upang siya’y magulat.
Doon na niya nalamang may dumukot pala sa dalagang ito at nakatakas lamang nang ito’y pagsasamantalahan na. Dahil nga galing probinsya, hindi nito alam kung paano umuwi kaya minabuting sa lansangan manirahan kahit walang saplot.
Habang sila’y nagkukwentuhan, tinawagan na pala ng kaibigan niya ang numero ng mga magulang nito dahilan upang isang araw lang ang lumipas, matunton na ito ng kaniyang mga magulang.
Labis labis ang pasasalamat ng mga ito sa kaniya dahilan upang bigyan siya ng malaking pabuya. Ayaw niya mang tanggapin, nagpumilit ang mga magulang nito dahilan upang sa isang iglap, gumaan ang buhay niya at magpatuloy pa rin sa pagtulong sa mga pulubi.