Nakaranas ng Pangmamaliit at Panghahamak ang Lalaki Mula sa mga Dating Kaklase, Mga Anak Niya ang Nagtaas sa Kaniya
“Kumusta ka na, Toto? Tagal na nating hindi nagkita, ha? Ano nang pinagkakaabalahan mo ngayon?” bati ni Ronald sa dati niyang kamag-aral, isang umaga nang makita niya itong nagtutulak ng kariton sa palengke.
“Ah, eh, ito, nangangalakal ako ng mga bote, dyaryo at iba pang pupwedeng ibenta sa junkshop,” nakangiting sagot ni Toto saka pinakita sa dating kamag-aral ang mga ibebenta niyang kalakal sa junkshop.
“Ano? Nangangalakal ka lang ngayon? Diyos ko, akala ko pa naman ikaw ang magiging pinakamayaman sa ating mga magkakaklase dahil iba ang talino mo, eh! Bakit naman bumagsak ka sa pangangalakal? Nakakaawa ka naman,” sambit nito dahilan upang mapakamot siya ng ulo.
“Pagkatapos ng graduation natin sa elementarya, noong pauwi na kami, naaksidente kami ng mga magulang ko at ako lang ang nakaligtas. Simula noon hindi na ako muling nakapag-aral. Nangalakal na lang ako hanggang sa ito, may sarili na akong pamilya,” kwento niya rito.
“Grabe naman pala ang nangyari sa’yo, ano? Parang telenobela! Ibahagi mo ang buhay mo sa telebisyon tiyak maraming mag-aabot sa’yo ng limos,” wika nito saka tumawa nang napakalakas dahilan upang mapakunot ang noo niya, “Biro lang! O, paano, una na ako sa’yo, ha? Mag-iibang bansa kami ngayon, eh, birthday kasi ng anak ko, namimili lang kami ngayon dito sa palengke,” pagyayabang pa nito saka siya kinindatan.
Sa pangangalakal binubuhay ng padre de pamilyang ito ang kaniyang pamilya. Kahit na siya’y hirap sa araw-araw na pagsuyod sa buo nilang lalawigan para lang makakita ng mga gamit ng pupwedeng ibenta sa junkshop, hindi ito naging hadlang upang hindi niya matugunan ang pangangailangan ng kaniyang asawa at ng tatlo niyang mga anak na pawang mga nag-aaral na sa kolehiyo.
Maaga man siyang nag-asawa bunsod ng pagkawala ng kaniyang mga magulang, hindi niya pinagsisisihan ito dahil ang pamilyang mayroon siya ngayon ang tinuturing niyang kayamanan.
Sa katunayan, tanging pangbaon lang ang binibigay niya sa kaniyang mga anak. Iskolar kasi ang mga ito ng iba’t ibang organisasyon dahil sa katalinuhan at kasipagan ng mga ito sa pag-aaral dahilan upang mapadali na sa kaniya kahit papaano ang pagpapaaral sa mga anak.
Bukod pa ro’n, isa ring tutor ng isang mayamang bata ang kaniyang panganay na anak sa tuwing wala itong klase dahilan upang ang kinikita nitong pera, kahit hindi kalakihan, ay nakatutulong na sa pang-araw-araw nilang pamumuhay.
Ito ang dahilan upang labis pa siyang magsumikap sa pangangalakal. Hindi man siya matulungan ng baldado niyang asawa, sobra-sobrang tulong naman ang ginagawa ng kaniyang mga anak.
Ilang taon pa ang nakalipas, tuluyan nang nakapagtapos ang kaniyang panganay na anak at isang buwan lang muling lumipas, agad na itong nakakuha ng trabaho bilang isang guro sa kolehiyo dahilan upang bahagya nang gumaan ang buhay nila.
Lalo namang gumaan ang buhay nila pagkalipas ng dalawang taon dahil ang kambal niyang anak, naging matagumpay nang mga abogado at ngayo’y marami nang kliyente dahil sa galing sa pagreresolba ng mga kaso.
Hindi siya makapaniwala sa tagumpay na naabot ng kaniyang mga anak na araw-araw niyang pinasasalamat sa Diyos. Ika niya habang pinagmamasdang maghanda sa pagpasok sa trabaho ang tatlo niyang mga anak, “Kapag talaga Ikaw ang kumilos, Panginoon ko, kahit sa mga mahihirap na katulad namin, wala pa ring imposible!” dahilan upang yakapin na lang siya ng kaniyang asawa.
Dahil nga may mga magaganda nang trabaho ang kaniyang mga anak, pinatigil na siya ng mga ito sa pangangakal. Nagpatayo rin ang mga ito ng sari-sari store sa tapat ng ginagawa nilang bahay upang siya’y may pagkalibangan habang nagbabantay sa baldado niyang asawa.
Isang araw, labis niyang ikinagulat ang pagdalaw ng dati niyang kamag-aral na si Ronald. May dala itong sandamakmak na pagkain at hinahanap ang isa sa mga kambal niyang anak.
Doon niya nalamang nabunyag pala ang pagnanakaw na ginagawa ng lalaking ito sa kumpanyang pinagtatrababuhan nito at nais nitong ipalinis ang pangalan sa kaniyang anak.
“Sige na, Toto, tulungan mo akong mapapayag ang anak mo. Pasensiya ka na kung pinagtawanan kita noon. Pangako kahit anong gusto mo at ng pamilya mo, ibibigay ko,” sambit nito habang lumuluhod sa harap niya.
“Pasensya ka na rin, Ronald, pero hindi naghirap ang mga anak ko sa pag-aaral upang pagtakpan ang mga suwail na katulad mo. Kahit anong ibigay mo sa amin, o kahit sa anak ko, sa tama pa rin papanig ‘yon dahil ganoon ko sila pinalaki,” sambit niya dahilan upang mapangiti ang kaniyang asawa at mangiyakngiyak na umalis ang lalaking iyon.
Sa buhay, darating talaga ang pagkakataong iikot ang mundong ginagalawan mo. Nawa’y maghintay tayong dumating sa atin ang pabor ng buhay kaysa gumawa ng hindi magandang bagay.