Inday TrendingInday Trending
Pinaghinalaan ng Ginang ang Kaniyang Asawa dahil sa mga Katrabaho Nito; Nasurpresa Siya sa Eksenang Nasaksihan Niya

Pinaghinalaan ng Ginang ang Kaniyang Asawa dahil sa mga Katrabaho Nito; Nasurpresa Siya sa Eksenang Nasaksihan Niya

“Ang dami nating bagong katrabahong babae, ano? Ang gaganda at ang seseksi pa! Kaya ganadong-ganado ako magtrabaho ngayon, eh. Kahit saan ako lumingon, may mga anghel sa paligid ko!” kwento ni Jon sa kaniyang mga kaibigan, isang gabi habang sila’y masayang nag-iinuman.

“Hoy, tumigil ka nga sa kakaganyan mo. Umiiral na naman ang kapilyuhan mo. Mamaya baka may mauto ka na naman do’n, ha? Naku, lagot ka na naman sa asawa mo, susugurin ka na naman no’n sa trabaho,” paalala ni Denis dito dahilan upang magtawanan ang kanilang mga katrabaho.

“Ako pa talaga ang sinasabihan mo, ha? Eh, ikaw nga, nakadikit na agad sa isang babae ro’n! Sino sa atin ngayon ang pilyo, ha? Ikaw kamo ang lagot sa asawa mo!” sigaw nito dahilan upang takpan niya ang bibig nito at tignan kung narinig ba ito ng asawa niyang nagluluto ng kanilang pulutan.

“Ang ingay-ingay mo! Baka mamaya marinig ‘yan ng asawa ko, akalain totoo ang sinasabi mo!” wika niya rito saka bahagya itong sinuntok sa braso.

“Bakit, hindi ba totoo? Kahapon nga lang, sabay pa kayo umuwi!” segunda pa nito dahilan upang maghiyawan ang iba niya pang katrabaho.

“Siyempre…” hindi na niya natapos ang pagdadahilan dahil agad na itong tinapos ng isa niya pang katrabaho.

“Siyempre bagong putahe, kailangan agad tikman,” sambit nito dahilan upang maghiyawan ang mga katrabaho niya.

“Hanep talaga kayo!” sigaw niya saka bahagyang sinipa ang lamesa sa harap nila.

Rinig na rinig ng ginang na si Cristel ang usapang ito ng kaniyang asawa at ng mga katrabaho nito, isang gabi nang magdaos ang mga ito ng selebrasyon sa kanilang bahay. Hindi niya alam ang dapat niyang maramdaman noong gabing iyon habang nagluluto sa kusina, pigil-pigil niya ang luhang kanina pa nais lumagpak.

Kung hindi lang dahil sa anak niyang wala pang isang taon, agad siyang magpapasiyang hiwalayan ang lalaking ito na hindi makatiis sa iisang babae at may kasama pang mga pilyong katrabahong sumusuporta pa sa kalokohan ng isa’t-isa.

Dahil sa usapang ito, tila unti-unting lumayo ang loob niya sa kaniyang asawa. Kada yayakapin siya nito, agad siyang iiwas at sa tuwing siya’y kakausapin nito, agad siyang aalis para lang makaiwas dito.

Hindi niya pa kasi kayang kausapin ito dahil alam niyang anumang oras na pag-usapan nila ang bagay na iyon, madudurog lang siya at iiyak sa harapan nito.

Lalo pang umigting ang paglayo ng loob niya rito nang mapansin niyang palagi na itong may kausap sa selpon. Ito ang dahilan upang magdesisyon siyang hulihin na ang kalokohang ginagawa nito upang matapos na ang delubyong nararanasan niya.

Isang araw, sinadya niyang hindi gisingin ang asawa upang mahuli sa trabaho at mataranta. Nagtagumpay nga siya sa plano niyang ito dahil nang magmadali itong pumasok sa trabaho, naiwan nito ang selpon nito na nakatago sa ilalim ng unan nito.

Pagkaalis na pagkaalis nito, agad na niyang binuksan ang selpong ito. Nanginginig man siya at kabang-kaba sa kung anong pupwedeng mabasa, nilaksan niya ang loob at sinuri ng maigi ang selpong ito.

Doon na niya nabasa ang isang kahina-hinalang mensahe mula sa isang hindi rehistradong numero, “Kita tayo mamayang alas singko sa rooftop ng restawran sa tapat ng kumpanya natin,” dahilan upang labis siyang manghina at muling mapaiyak.

Ilang oras pa ang nakalipas, minabuti niyang linisan ang anak at ipaalaga muna ito sa kaniyang kapatid. Habang siya, naghanda na upang mahuli sa akto ang naglolokong asawa.

Bandang alas kuwatro ng hapon, umalis na siya sa kanilang bahay at nagtungo sa lugar na iyon. Bago pa mag-alas singko, nakarating na siya sa lugar na iyon at nakita niyang may isang dalagang nag-aayos ng mga kurtina ro’n, maraming lobo sa paligid at nagkalat ang mga rosas sa paligid.

“Aba, mukhang may surpresa pa sa asawa ko ang dalagang ‘to,” sabi niya nang makita niya ang litrato ng kaniyang asawa sa isang sulok.

Maya maya pa, dumating na ang kaniyang asawang may dalang bulaklak. Napapikit na lang siya dahil tila hindi niya kayang makitang may iba itong kasamang babae. Ngunit laking gulat niya nang ilapag lang ng kaniyang asawa ang dalang bulaklak sa lamesa at tumulong sa pag-aayos ng mga lobo dahilan upang bahagya siyang lumapit at nakita niyang sa kabilang sulok, nandoon ang litrato niya.

Narinig niya pang, “Ilang linggo na rin akong hindi pinapansin ng asawa ko, eh. Loko kasi ang mga katrabaho natin, eh, gumagawa ng usap, akala ata ng asawa ko may babae talaga ako,” saka ito tumawa kasama ang naturang dalaga.

Maya maya pa, nakatanggap na siya ng tawag mula sa kaniyang asawa gamit ang selpon ng dalaga.

Sabi nito, nakitawag lang siya at siya’y pinapapunta sa lugar na iyon at doon na siya naiyak nang labis.

Lumabas siya sa pinagtataguan niya habang umiiyak dahilan upang magulat ang kaniyang asawa at agad siyang yakapin.

Doon niya napagtanto kung gaano siya kamahal ng kaniyang asawa na kahit maraming tukso sa paligid nito, siya pa rin ang pipiliin nito.

Advertisement