Inday TrendingInday Trending
Pakialamera ang Nanay na Ito sa Buhay Pag-ibig ng Kaniyang Panganay; Natauhan Siya dahil sa Huling Lalaking Inireto Niya sa Anak

Pakialamera ang Nanay na Ito sa Buhay Pag-ibig ng Kaniyang Panganay; Natauhan Siya dahil sa Huling Lalaking Inireto Niya sa Anak

“Therese naman! Wala ka ba talagang planong mag-asawa?” nangungunsuming wika ni Alicia sa panganay na anak.

Irap lamang ang isinagot ng tatlumpung taong gulang na si Therese sa nanay nito.

“Mawawala na ang edad mo sa kalendaryo, anak! ‘Yung mga kaedaran mo may mga sariling pamilya na! Sa inyong magkakapatid ikaw na lang ang walang asawa, panganay ka pa naman!” nanlalaki ang matang bulalas niya sa anak na kasalukuyang nagmumukmok sa kwarto nito.

“Mama! Ilang beses ko ba kailangang sabihin na hindi porke may asawa na ang mga kaedaran ko, eh kailangan ko na ring mag-asawa?” inis na pangangatwiran nito.

“Eh paano ka makakapag-asawa niyan kung hindi ka naman naghahanap ng mapapangasawa? Kaya ako na ang naghahanap para sa’yo!” hindi nagpapatalong gagad niya.

“Mama, hindi ko naman kailangang maghanap. Kusa siyang darating kung siya talaga ang para sa akin! Mamaya niyan kung sino sino pang masamang loob ang maireto mo sa akin!” naiinis namang turan nito.

“Gag@ ka talaga! Sa tingin mo ipapahamak kita? Ang problema sa’yo, masyado kang mapili! Naubos na lang ang mga anak ng amiga ko at nagkaroon na ng mga asawa, wala ka pa ring nakikitang lalaking gusto mo!” gigil na sigaw niya sa anak bago nagdadabog na tumungo sa kusina.

Inis na inis pa rin siya anak. Masyado itong maarte! Wala na siyang mairereto rito dahil pawang hindi nito gusto ang mga inireto niya dati.

“Bahala siya sa buhay niya. Tumanda siyang dalaga kung gusto niya!” bulong niya.

Ngunit hindi pa rin niya magawang hindi makialam sa buhay ng anak. Bilang ina nito ay naniniwala siya na siya ang nakakaalam ng pinakanakabubuti para dito.

Kaya naman hindi niya man sabihin dito ay patuloy pa rin siya sa paghahanap ng lalaking maaring matipuhan nito.

Isang araw ay pauwi si Teresa sa kanilang bahay mula sa pamamalengke. Hapong hapo na tumigil siya paglalakad at inilapag sa isang tabi ang kaniyang mga pinamili.

“Ayos lang po kayo?”

Mula sa pagkakayuko ay napatingala si Alicia.

Nakita niya ang isang gwapong lalaki na nakasuot ng sumbrerong itim.

Bakas sa mukha nito ay bakas ang pag-aalala.

“Naku, ayos lang ako, hijo. Napagod lang ako sa paglalakad at dahil mainit at may kabigatan ang dala ko,” nakangiting paliwanag niya sa binata.

“Gusto niyo ho ba na ihatid ko na kayo? May dala ho akong sasakyan.” Tinuro nito ang itim na sasakyan na nakaparada sa ‘di kalayuan.

Umiling siya binata.

“Hindi na, hijo. Malapit lang ang bahay ko rito. Ilang minutong lakaran na lang, ayoko naman na maabala ka,” nahihiyang tanggi niya sa alok nito.

Umiling ang binata. “Wala hong problema. Tulungan ko na lang ho kayo magdala ng mga pinamili niyo,” nakangiting alok ng binata.

Hindi na siya nakatanggi dahil sa isang iglap ay bitbit na ng binata ang kaniyang mga pinamili.

“Maraming salamat, hijo. Naabala ka pa,” nahihiyang paumanhin niya sa lalaki habang naglalakad sila.

Sa kanilang pagkukwentuhan ay napag-alaman niya na “Elmer” pala ang pangalan ng lalaki.

“Bakit parang ngayon lang kita nakita rito, Elmer?” usisa niya sa lalaki.

“A-ah, kalilipat ko lang ho. Nasa bandang dulo ho ang bahay na nilipatan ko,” maagap na sagot nito.

May isang pilyang ideya naman na kasalukuyang naglalaro sa isip ni Teresa.

“Hijo, ilang taon ka na ba? Ikaw ba’y may asawa na?” maya maya ay tanong niya sa lalaki.

“Lampas trenta na ho ako. Wala pa nga ho, may mairereto ho ba kayo?” pabirong sagot naman ng lalaki, bagay na lalong ikinatuwa ni Alicia.

Napahalakhak siya sa sagot nito. Tuwang tuwa siya kay Elmer, bukod kasi sa gwapo ito ay kitang kita niya ang kagandahang asal nito sa pagtulong na ginawa nito sa isang estranghero na kagaya niya. Sa tingin niya ay bagay na bagay ito at si Therese.

“Oo, may irereto ako sa’yo, ‘yung anak ko,” direktang sagot niya sa lalaki.

Gulat na napalingon sa kaniya ang lalaki. Nagniningning ang mata nito.

“Oo, seryoso ako,” natatawang wika niya sa lalaki.

“Aba, hindi ko ho ‘yan tatanggihan, lalo na kung singganda niyo ho ‘yung anak niyo,” pabirong pambobola pa nito.

Natawa na lang si Alicia sa lalaki. Mas lalo niyang nagustuhan si Elmer dahil magaan itong kausap at mapagbiro. Sabik na siyang makilala ito ng anak niya.

“Tita Alicia, sigurado po ba na ayos lang kay Therese na mag-date kami?” bago umalis ang lalaki ay alanganin nitong tanong sa kaniya.

“Oo naman, hijo, akong bahala sa anak ko. Mabait kang bata, sigurado ako na magugustuhan ka niya,” paninigurado niya.

Nang sabihin niya kay Therese ang tungkol sa lalaki ay napasimangot agad ito.

“Mama naman, hindi pa rin pala tayo tapos dito? Paano kung masamang tao ‘yung Elmer na ‘yun? Hindi naman natin kilala ‘yun!” nagmamarakulyong saad kaagad ng dalaga.

“Therese, sa ikinwento ko sa’yo, talaga bang naniniwala ka na masamang tao siya? Eh ang bait bait nga nung tao! Bigyan mo siya ng tiyansa, anak. Baka siya na ang hinihintay mo,” kumbinsi niya sa anak.

Matagal bago ito sumagot. Tila nag-iisip at ikinokonsidera ang sinabi niya.

“Sige na anak, kapag hindi mo siya nagustuhan, hindi na kita irereto sa kahit na sino at hindi na ako makikialam sa lovelife mo,” sulsol pa niya.

Tila noon lang ito tuluyang nakumbinsi.

Kinagabihan ay malaki ang ngiti ni Alicia nang sunduin ni Elmer ang kaniyang panganay na anak.

“Sa wakas, mukhang makakapag-asawa na ang panganay ko. Makukuntento na ako,” wika pa niya habang sinusundan ng tingin ang itim na sasakyan na paalis.

Naiwan siyang mag-isa kaya naman inabala niya ang sarili sa panonood ng telebisyon. Isang balita ang umagaw sa kaniyang atensiyon.

“Nakilala na ng mga pulis ang mga salarin sa salang pagp@slang sa mga siyam na bikt*ma. Ito ay kinilalang si Elmer Sta. Elena. Napag-alamang ginagamit ng salarin ang guwapo nitong mukha upang mabikt*ma ang mga babae bago niya ito brut@l na pinap@slang.”

Nanlaki ang mata ni Alicia nang makita ang larawan ng lalaki sa na ipinaskil sa balita. Walang iba kundi ang lalaking nakilala niya kaninang umaga!

Nanlalambot na sinubukan niyang tawagan ang anak. Subalit hindi nito sinasagot ang telepono nito. Sinubukan niya na pumunta sa bahay ng binata ngunit bumagsak ang balikat niya nang malamang walang nakatira sa bahay na tinutukoy nito.

“Diyos ko! Ipinahamak ko ang sarili kong anak!” umiiyak na wika niya habang papunta sa presinto upang iulat ang nalalaman niya tungkol kay Elmer.

Agad na naalarma ang mga pulis sa kaniyang ulat. Lubhang mapanganib ang lalaki kaya naman agad agad kumilos ang mga ito upang hanapin ito at ang kaniyang anak bago pa mahuli ang lahat.

Ilang oras siya naghintay ngunit wala siyang narinig na balita tungkol sa lalaki at sa anak. Buong gabi siyang hindi nakatulog dahil sa labis na pag-aalala sa anak.

Kinaumagahan ay napaluha na lamang siya nang makita ang anak.

Mugto ang mata nito habang inaalalayan ng mga pulis palabas ng sasakyan.

“Ang anak ko, Therese! Salamat naman at ligtas ka, anak!” umiiyak na niyakap niya ang anak.

“Mama!”

“Sorry, anak, sorry. Hindi ko alam na masamang tao pala ang lalaking ‘yun.” Hindi niya mapigil ang pagdaloy ng kaniyang luha. Dahil sa pakikialam niya sa buhay ng anak ay naipahamak niya pa ito.

Laking pasasalamat ni Alicia dahil maayos ang lagay ng anak. Mabuti na lamang at nahuli na ng pulis si Elmer bago pa nito gawan ng masama ang kaniyang anak.

Ang pangyayaring iyon ay nagdulot ng matinding aral kay Alicia.

Natutunan niya na mas maging maingat sa mga taong hindi niya lubos na kilala. At mula noon ay hindi niya na pinakialaman ang buhay pag-ibig ng anak.

Ipinangako niya na kahit sinuman ang dumating, tatanggapin niya ang ito kung mamahalin at poprotektahan nito ang kaniyang mahal na anak.

Advertisement