Inday TrendingInday Trending
Labis ang Inis ng Binata Nang Hindi Maibigay ng Kuyang OFW ang Hinihiling; Mauunawaan Niya ang Lahat Nang Siya Naman ang Malagay sa Sitwasyon ng Kapatid

Labis ang Inis ng Binata Nang Hindi Maibigay ng Kuyang OFW ang Hinihiling; Mauunawaan Niya ang Lahat Nang Siya Naman ang Malagay sa Sitwasyon ng Kapatid

“Kuya, baka naman puwede mo akong bigyan ng pambili ng bagong selpon. Tutal malapit na ang kaarawan ko. Hindi ba nangako ka sa akin? Tingnan mo hindi tuloy malinaw ang dating mo sa akin kasi mababang klase lang ‘tong selpon na gamit ko ngayon,” wika ni Vince sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Carlo na isang OFW.

“Sige magpapa-ekstra ako ng padala kay mama. Kunin mo ang limang libo para makabili ka na ng bagong selpon mo,” tugon naman ng kapatid.

“Limang libo? Saan naman aabot ang limang libo mo, kuya? Baka katulad lang din ng ganitong selpon ang mabili ko. Ang gusto ko sana ‘yung pinakabango ngayon, kuya. Sige naman na, kayang-kaya mo naman ‘yun. Kung gusto mo ay d’yan mo na lang ako ibili. Sigurado ako na mas mura diyan,” sambit pa ng kapatid.

“Pasensiya ka na, Carlo. May pinaglalaanan kasi ako ngayon. Kapag nakaluwag-luwag ay pangako ko sa’yo na papadalhan kita. Pero sa ngayon ay ‘yan lang ang makakayanan ko,” wika naman ni Vince.

“Hindi na ako maniniwala sa mga pangako mo! Sabi mo rin dati ibibili mo ako ng selpon kapag kaarawan ko, tapos ‘yun pala ikaw rin ang masusunod kung ano ang ibibili mo sa akin. Sige, ’di bale na lang. Kapag nakapagtrabaho rin ako sa ibang bansa ay hindi na ako hihingi pa sa iyo,” sambit pa ng binata sa kaniyang kuya.

Limang taon na ring nagtatrabaho bilang isang waiter sa bar sa Korea si Carlo. Napilitan siyang mangibang bansa nang masawi ang kaniyang ama dahil sa isang matinding karamdaman. Nagkabaon-baon sa utang ang kanilang pamilya at hindi ito kayang bayaran ng pagtatrabaho lamang niya sa isang opisina sa Pilipinas.

Kaya minabuti na lamang ni Carlo na tanggapin ang trabahong iniaalok sa kaniya sa ibang bansa.

Tulad ng maraming OFW ay halos wala nang natitira sa kinikita ni Carlo dahil ipinapadala niya ang lahat sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. Minsan nga ay nagkakautang pa siya dahil kaliwa’t kanan ang hingi sa kaniya ng mga ito.

Ang hindi alam ng kaniyang mga kaanak sa Pilipinas ay may iniinda sa katawan ang binata. Kailangan niyang magpaopera ng tuhod dahil sa isang aksidente sa bar. Sasagutin naman ito ng kompanyang kaniyang pinagtatrabahuhan. Ang pinoproblema lang ni Carlo ay kung uuwi siya’y mawawalan sila ng panggastos.

“Nakasimangot ka na naman riyan, Carlo? Hindi ba kausap mo ang kapatid mo? Dapat ay masaya ka. Ako nga minsan lang akong tawagan ng pamilya ko, puro hingi pa ang sinasabi,” saad ng kaniyang kaibigan at kasamahang si Albert.

“Iyon na nga ang problema ko, pare. Kakatawag lang ng kapatid ko. Nagpapabili ng selpon sa akin. Handa naman ako magbigay kaso ang gusto pala ay ‘yung pinakabagong modelo. Napakamahal nun!” tugon naman ni Carlo.

“Alam na ba ng pamilya mo na kailangang ipaopera mo ang tuhod mo? Kung ako sa iyo, pare, umuwi ka na muna at ipagamot mo ‘yang tuhod mo. Hayaan mo na muna ang sasabihin sa’yo ng pamilya mo. Kailangan ay alagaan mo ang katawan mo kasi ito ang sandata natin sa pagtatrabaho dito sa ibang bansa,” paliwanag pa ni Albert

“Nanghihinayang kasi ako sa trabaho ko. Baka mamaya ay wala na akong balikan,” sambit pa ng binata.

“Minsan talagang nakakainis din ang mga pamilya natin. Hingi dito at hingi doon lang ang alam na gawin. Puro pagyayabang lang sa iba ang inaatupag. Hindi nila naisip ang hirap natin dito,” wika naman ng kaibigan.

Sa sinabi na iyon ni Albert ay tila nagkaroon ng ideya itong si Carlo.

“Ipapasok ko na muna dito ang kapatid ko kahalili ko habang wala pa ako. Nang sa gayon ay patuloy na magkaroon ng panggastos ang pamilya ko. Sigurado pa na may trabaho akong babalikan dito,” saad ni Carlo.

Nang sabihin niya sa pamunuan ng bar ang kaniyang suhestiyon ay agad naman nila itong inaprubahan. Sinabi na rin ni Carlo ang kaniyang plano sa kapatid.

Hindi nga inaasahan ng binata ang magiging tugon ni Vince sa kaniya. Tila nasasabik pa itong magtungo ng ibang bansa.

“Tandaan mo, Vince, kailangan ay masipag ka sa trabaho. Dapat ay magaling ka ring makisama. Importante ang trabahong ito sa akin kaya sana ay pag-igihan mo,” bilin ng nakakatandang kapatid.

Lumipad patungong Korea si Vince. Hindi pa man din nakakarating sa ibang bansa ay iniisip niya kaagad ang kaniyang mga gagawin at bibilhin doon.

Pagdating niya sa nasabing bar ay kabababa lamang niya ng kaniyang mga gamit nang tawagin siya ni Albert.

“Trabaho, kaagad? Hindi ba pwedeng magpahinga muna ako?” tugon ni Vince.

“Pinapaalala ko lang sa’yo, Vince, hindi bakasyon ang pinunta mo dito kung hindi trabaho. Mabuti ka pa nga ay nakapagpalit ka pa ng damit. ‘Yung kuya mo nang dumating dito saka pa lamang niya naiayos ang gamit niya pagtapos ng trabaho,” saad pa ng kasamahan.

Hindi naging madali ang buhay ni Vince sa Korea. Hindi nga rin niya magawang mabili ang kaniyang mga gusto at mapuntahan ang mga lugar na nais marating dahil sa pagkaabala sa trabaho. Madalas pa nga siyang mapagalitan dahil hindi siya sanay sa bigat ng gawain. Hindi rin siya sanay na makisama sa iba.

Sa unang buwan niya sa pagiging waiter ay matatanggap na sana niya ang kaniyang sahod at may maitatabi ng kaunti para sa nais niyang bilhing selpon pero kailangan niyang magpadala sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. Ang masakit pa roon ay wala na halos matitira sa sahod niya sa bayad sa lahat ng kaniyang nabasag sa bar.

Sa puntong iyon ay nais na bumalik ni Vince sa Pilipinas. Napagtanto niya ang lahat ng hirap na pinagdadaanan ng kaniyang kuya para lamang may maipadala sa kanila.

Tamang-tama naman na magaling na si Carlo at makakabalik na ito sa trabaho.

Bumalik na ng Pilipinas si Vince at si Carlo naman ang aalis patungo ng Korea. Sa paliparan ay nagkausap ang magkapatid.

“Kuya, pasensiya ka na sa lahat ng mga nasabi ko sa’yo. Hindi pala talaga madali ang pinagdadaanan mo sa ibang bansa. Mahirap ang trabaho. Idagdag mo pa ang pangungulila sa mga mahal mo sa buhay. Wala ang nanay na nag-aasikaso sa akin. Lahat ay ako. Patawad, kuya. Simula ngayon ay pahahalagahan ko na ang lahat ng naitutulong mo sa amin,” saad ni Vince sa kaniyang kuya.

“Salamat, Vince. Wala naman akong hindi kakayanin para sa inyo. Pero mas masaya ako na malaman na ngayon ay nauunawaan mo na ang kalagayan ko bilang isang OFW,” tugon naman ni Carlo.

Simula noon ay hindi na naging bulagsak sa pananalapi si Vince. Hindi na rin siya palahingi sa kaniyang kuya. Naghanap na rin siya ng trabaho para makatulong sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Advertisement