Inday TrendingInday Trending
Kinukupitan ng Isang Dalaga ang Pensyon ng Kaniyang Lola; Nakakadurog ng Puso ang Susunod na mga Mangyayari

Kinukupitan ng Isang Dalaga ang Pensyon ng Kaniyang Lola; Nakakadurog ng Puso ang Susunod na mga Mangyayari

“Lola, pwede po ba akong bumili ng bagong telepono? Nakita ko po kasi ang kaibigan kong si Mela na may bagong selpon po siya, bigay raw po ng nanay niya noong kaarawan niya. Tutal, malapit na rin po ang kaarawan ko baka pwedeng magkaroon na po ako ng sarili kong selpon,” sambit ni Rosalie sa kaniyang Lola Minda.

“Naku, pagpasensiyahan mo muna, apo. Ni pambili nga ng bigas ay wala tayo ngayon. Kung sana ay may mas malaking perang papasok sa atin maliban sa paglalako ko ng biko ay makakaipon ako para sa selpon mo,” tugon naman ng matanda.

“Lagi na lang hindi nabibili ang gusto ko, lola! Nakakainis ang maging mahirap. Bakit ba kasi ganito pa ang naging buhay natin?!” galit na sambit muli ng dalagita.

Ulilang lubos na itong si Rosalie kaya ang kaniyang Lola Minda na ang nagpalaki sa kaniya. Nasawi ang kaniyang ina habang siya ay pinanganganak samantalang ang kaniyang ama naman ay nasawi habang nasa piitan dahil nasangkot sa ipin@gbabawal na g@mot.

Kahit matanda na ay pilit pa ring nagtitinda ng kalamay itong si Aling Minda upang mayroon silang panawid gutom ng kaniyang apo. Nais rin kasi niyang makaipon at hindi mahinto sa pag-aaral si Rosalie.

Isang araw ay abot tenga ang ngiti ng matanda.

“Rosalie, apo, pumarito ka nga muna at may iuutos ako sa’yo,” sambit ng matanda sa kaniyang apo.

“Apo, hindi kasi ako marunong sa ganitong bagay. Pero itong kard na ito ay gagamitin mo para makakuha ng pera. Alam mo ba kung paano ito gamitin?” tanong muli ni Lola Minda.

“Opo, ATM card po ang tawag d’yan. Saan niyo po ba nakuha ‘yan lola?” tanong naman ni Rosalie.

“Dito raw kasi babagsak ang pensyon ko, apo. Pero hindi ko naman alam kung paano ito gamitin. Kaya p’wedeng ikaw na lang ang pumunta sa bayan upang kumuha ng pera? Sasabihin ko na lang sa iyo ang PIN kailangan daw iyon para maglabas ang makina ng pera,” pahayag pa ng matanda.

“Opo, lola. Alam ko na po iyan. Sige po at ako na po ang kukuha. Alam niyo pala kung magkano ang darating na pera sa inyo?” tanong naman ng dalaga.

“Hindi ko alam pero makikita mo daw sa makina ‘yun, apo,” tugon ni Lola Minda.

Agad na nagbihis si Rosalie upang pumunta ng bayan at tignan kung may makukuha na ngang pensyon ang kaniyang Lola Minda.

Nang tignan niya ang balanse ng kard nito ay nagulat siyang makakatanggap ang kaniyang lola ng limang libong piso.

“Malaki-laking halaga din ito,” saad ni Rosalie sa kaniyang sarili.

Maingat niyang kinuha ang lamang pera at saka siya bumalik ng kanilang bahay.

“Tatlong libo po ang makukuha niyo, lola,” sambit niya sa matanda sabay abot ng kard at ng pera.

Laking tuwa naman ng kaniyang Lola Minda dahil ngayon lamang siya makakahawak ng ganitong halaga.

“Mainam na rin ito at may aasahan tayo buwan-buwan. Hindi ko na rin hahatiin ang mga gamot ko. Makakainom na ako ng tama kaya makakapaglako na ako ng kalamay araw-araw,” saad pa ng matanda.

Hindi alam ni Lola Minda ay kinukuhanan siya ng dalawang libo ng kaniyang apo.

Matagal na kasi itong nagnanais na bumili ng mga usong damit at kung anu-anong palamuti. Higit sa lahat ay nais niyang makaipon upang makabili ng kaniyang selpon.

Lumipas ang ilang buwan at patuloy ang pangungupit ni Rosalie sa kaniyang lola. Ginagamit niya ang pera upang bilhin ang kaniyang naisin at madalas ay nanlilibre pa siya sa mga kamag-aral at mga kaibigan.

Hanggang isang araw habang naglilibang kasama ang kaniyang mga kaibigan ay dagli siyang tinawag ng kapitbahay upang puntahan ang kaniyang lola.

“Rosalie, ang Lola Minda mo natumba habang naglalako. Dinala na sa pagamutang bayan! Pumunta ka na do’n, bilis! Parang hindi maganda ang lagay ng lola mo,” sambit ng lalaki.

Agad na nagtungo si Rosalie sa pagamutan. Nanlumo siya sa isinalubong sa kaniya ng mga nars.

“Hindi na umabot nang buhay dito ang lola mo. May ibang kamag-anak pa ba kayo para madala na ang mga labi niya sa punerarya,” sambit ng nars.

Halos manginig ang buong katawan niya sa tinuran ng babae. Hindi niya akalain na ganung kabilis lang mangyayari ang lahat.

“Ano po ang nangyari sa Lola Minda ko? Bakit po wala na siya,” nangangatal niyang tanong.

“Tumaas ang presyon ng lola mo kaya inatake siya sa puso. Hindi na ba siya nakakainom ng kaniyang gamot?” sambit naman ng doktor.

“Hindi ko po alam. Ang alam ko po ay umiinom naman siya ng gamot niya. Ang sabi pa nga po niya ay hindi na siya maghahati pa ng gamot dahil mayroon na po siyang pensyon,” umiiyak na tugon ni Rosalie.

Habang iniaayos ng dalaga ang gamit ng kaniyang lola ay nakita niya ang lalagyanan nito. May dalawang nakabalunbon na pera na nakatali ng goma. Ang isa ay may nakasulat na “para sa pag-aaral ni Rosalie” at ang isa naman ay “para sa bagong selpon”.

Labis ang pag-iyak ni Rosalie.

Sa burol ay tumabi sa dalaga ang kaibigan ng kaniyang lola. Mas lalo siyang napaluha sa sinabi nito.

“Ang kulit kasi ng lola mo. Ang sabi niya ay ayos na raw ang pakiramdam niya. Matagal nang hindi umiinom ng gamot ‘yan at may pinaglalaanan daw. Inaaway ko nga kasi kung kailan siya nagkapensyon ay doon pa siya hindi uminom ng gamot,” wika ng ginang.

Labis ang pagsisisi ni Rosalie sa pagnanakaw na ginawa niya sa kaniyang Lola Minda. Hindi niya akalain na bandang huli ay siya pa rin pala ang inaalala nito. Hindi niya matanggap na tila ipinagpalit niya ang buhay ng matanda para lamang sa sarili niyang kaligayahan.

Napayakap na lamang siya sa kabaong ng kaniyang lola habang walang tigil sa pag-iyak.

“Patawarin niyo po ako, lola! Patawarin niyo ako at hindi ako naging mabuting apo sa inyo!” pagsusumamo ni Rosalie.

Ngunit kahit anong lakas pa ng kaniyang paghingi ng kapatawaran ay hindi na nito maibabalik pa ang buhay ng kaniyang Lola Minda.

Advertisement