Inday TrendingInday Trending
Ikinulong ng Isang Ginang ang Dalawang Anak Upang Makapag-Bingo; Pagsisisihan Niya ang Mangyayari sa mga Ito

Ikinulong ng Isang Ginang ang Dalawang Anak Upang Makapag-Bingo; Pagsisisihan Niya ang Mangyayari sa mga Ito

“Marites, aalis na ako. Ikaw na ang bahala sa mga bata, a,” sambit ni Dario sa kaniyang misis.

“Ito nga pala ang panggastos n’yo. Baka sa makalawa pa ako makauwi dahil malayo ang byahe namin ngayon,” saad pa ng mister sabay abot ng pera.

“Huwag mo na kaming isipin ng mga anak mo, Dario. Ayos lang naman kami dito sa bahay. Ang alalaahin mo ay ang pagmamaneho mo. Umuwi ka nang ligtas sa amin,” saad naman ni Marites.

Inihatid ni Marites ang asawa kasama ang dalawa nilang anak hanggang sa tarangkahan ng kanilang bahay. Kumakamay silang nagpaalam sa padre de pamilya.

Mula noon pa man ay drayber na ng trak itong si Dario. Ito na ang kinagisnan niyang trabaho. Dito na rin sila nagkakilala ng kaniyang asawang si Marites habang tauhan sa isang karinderya ang ginang at suki naman doon si Dario. Nagkamabutihan at nagkaibigan hanggang sa mauwi na rin ito sa kasalan.

Lumipas ang mga taon ay biniyayaan sila ng dalawang mga anak. Sina Den-Den, anim na taong gulang at si Sammy, tatlong taong gulang. Naiiwan ang mga ito sa pangangalaga ng kanilang ina sa tuwing aalis ang padre de pamilya.

Lingid sa kaalalam ni Dario, sa tuwing nariyan lamang siya ay saka lamang inaasikaso ng misis ang kanilang mga anak. Sa katunayan nga pagkaalis nito sa bahay upang magtrabaho ay siya ring alis ng misis upang pumunta naman sa bingguhan.

“Magbibinggo kami ng mga kumare ko! Dito lang kayo sa bahay! Den-Den, ikaw na ang bahala sa kapatid mo. Huwag mo siyang aasarin, a. At huwag na huwag kayong lalabas kung hindi ay tatamaan kayo sa akin! Babalik ako kaagad!” sambit ng ginang sa panganay na anak.

“Hindi po ba pwedeng sumama na lang kami, ‘nay? Iyak po kasi nang iyak itong si Sammy sa tuwing umaalis kayo. Hindi ko po alam kung paano papatahanin,” pakiusap naman ng bata.

“Anong gagawin n’yo dun? Baka manggulo pa kayo! Dito na lang kayo sa bahay at manood na lang kayo ng telebisyon! Uuwi naman ako kaagad!” naiinis pang wika ng ina.

Wala nang nagawa pa si Den-Den kung hindi sundin ang kaniyang ina. Sa murang edad ay pilit na inaalagaan niya ang kaniyang bunsong kapatid.

Lumipas ang ilang oras at wala pa rin ang kanilang ina. Nakatulugan na nga ni Sammy ang kaniyang pag-iyak. Pinagtimpla naman ni Den-den ito ng gatas ngunit ang gusto talaga ay sa kanilang nanay.

Maggagabi na nang makarating ng bahay si Marites.

“Hindi mo pa rin nilinisan ang kapatid mo? Nakita mong basang-basa na ang lampin niya!” imbis na magpasalamat sa anak ay pinagalitan pa niya ito.

“Ang kalat-kalat dito sa bahay! Talo na nga ako sa binggo, ito pa ang madadatnan ko!” patuloy niyang pagsigaw.

Kinabukasan, maaga pa lang ay nagluto na si Marites. Iniayos na rin niya ang mga kakailanganin ng dalawang anak dahil maaga siyang magtutungo sa bingguhan.

“Maaga kami ngayon para makarami. Ikaw na ang bahala dito sa kapatid mo. Tandaan mo ang mga bilin ko sa’yo, Den-Den! Babalik ako kaagad!” sambit ni Marites sa anak.

Bandang tanghali ay walang tigil sa kakaiyak itong si Sammy. Kahit ano ang gawin ni Den-Den ay hindi niya ito mapatigil kaya nagdesisyon na lamang siyang bitbitin ang kapatid at puntahan ang nanay sa bingguhan.

Nang makita ni Marites ang dalawang anak ay lubos pa siyang nagalit kay Den-Den.

“Anong ginagawa niyo rito? ‘Di ba ang sabi ko ay huwag na huwag kayong lalabas ng bahay. Napakatigas talaga ng ulo mo, Den-Den at binitbit mo pa ang kapatid mo!” sambit nito sa anak sabay pingot sa tenga nito.

Napaiyak naman si Den-Den sa pananakit ng ina.

“Ayaw mo kasi niyang tumigil umiyak. Kanina pa po kayo hinahanap,” saad ng bata habang patuloy sa pag-iyak.

Sumabat naman ang ilang ginang na kalaro ni Marites sa bingguhan.

“Sige na, Marites, iuwi mo na ang mga anak mo. Sinusundo ka na, o! Tutal inaalat ka rin naman. Ni hindi ka pa nga nananalo,” saad ng isang ginang sabay tawanan ng ilang naglalaro.

“Iuuwi ko lang ang mga ito at babalik ako. Babawian ko kayo!” sambit naman ni Marites.

Gigil na gigil si Marites na iniuwi ang mga anak. Sa sobrang galit niya’y pagbukas ng pinto ng kanilang bahay ay itinulak niya ang kaniyang mga anak papasok.

“Diyan lang kayo sa bahay at huwag na huwag kayong lalabas! Huwag ding makakarating ito sa tatay n’yo dahil alam n’yo ang gagawin ko. Lalayasan ko talaga kayo at magkakawatak-watak ang pamilya natin!” sigaw pa ni Marites.

Upang masigurado niyang hindi lalabas ang mga anak ay kinandado niya ang pinto at saka umalis pabalik ng bingguhan.

Ilang oras ang nakalipas ay may narinig silang tila nagkakagulo.

“Marites! Marites! Nasusunog ang bahay n’yo! Bilisan mo! Umuwi ka na!” sigaw ng isang lalaki.

Agad na napatayo si Marites sa kanyang kinauupuan at nagtatakbo pabalik ng bahay. Naisip niya ang mga anak niya ay hindi makakalabas ng bahay dahil kinandado nya ang mga ito sa loob.

Pagkauwi niya ay halos matupok na ang kanilang bahay. Nangangatog ang buo niyang katawan habang pinagmamasdan na tulyang nilalamon ng apoy ang kanilang bahay.

“Ang mga anak ko! Naroon ang mga anak ko! Den-Den! Sammy!” patuloy sa pagsigaw ang ginang,

Mabuti na lang ay bago pa lumaki ang sunog ay dumating na ang kaniyang mister na si Dario at pilit nitong iniligtas ang kaniyang mga anak.

Laking pasasalamat ng ginang dahil buhay ang kaniyang mga ito.

Ngunit kailangan niyang harapin ang galit ng kaniyang asawa.

“Kinasusuklaman kita! Hindi akalain na kaya mong gawin ito sa mga anak natin. Para lang masunod ang layaw mo, ikukulong mo ang mga anak natin sa bahay. Paano kung hindi ako dumating at hindi ko kaagad sila nailigtas?” galit na galit na sambit ni Dario sa kaniyang misis.

Wala namang tigil sa kakahingi ng tawad itong si Marites. Ngunit kahit ano pa ang sabihin niya ay hindi nito mapawi ang galit ng asawa.

Lalo pang tumindi ang sama ng loob at poot ni Dario kay Marites nang malamang hindi lang pala ito ang ginagawa ng misis sa mga anak sa tuwing wala ang ginoo.

Dahil doon ay hiniwalayan na ni Dario ang kaniyang asawa at kasama ang kaniyang mga anak. Habang nagtatrabaho si Dario ay iniiwan muna niya ang mga bata sa pangangalaga ng kanilang lola.

Kahit kailan ay hindi na nakita ni Marites ang kaniyang mga anak. Lubusan ang pagsisisi niya kung bakit nalulong siya sa binggo. Ngunit kahit kailan ay hindi na siya magawang mapatawad pa ng kaniyang asawa.

Advertisement