Pinagtatawanan ang Ginang dahil sa Tayog ng Pangarap ng Anak; Hindi Nila Akalain na Isang Araw ay Matutupad Ito
“Sa tingin n’yo po ba, ‘nay, matutupad ko pa po ang pangarap ko na maging isang doktor?” tanong ni Mabel sa kaniyang inang si Lorna.
“Bakit mo naman naitanong ang ganiyang bagay, anak?” tanong rin ng ina.
“Kasi po noong isang araw ay nag-aaral-aralan kami ng mga kalaro ko. Tapos ay sinabi ko po na gusto kong maging isang doktor. Ang sabi po ni Tiya Nena ay imposible raw po ang gusto ko dahil pagkain nga raw po sa araw-araw ay wala tayo. Mahal daw po ang pag-aaral para maging isang doktor,” paliwanag ng bata sa ina.
“Alam mo, anak, libre ang mangarap. Iyan ang huwag mong tatanggalin sa’yo. Kahit na ngayon ay mahirap tayo, hindi pa naman tapos ang buhay. Lagi ka lang magtiwala sa Panginoon at sabayan mo ng sipag at tiyaga, matutupad din ang lahat ng pangarap mo. Huwag mong pakikinggan ang sinasabi ng ibang tao,” pahayag naman ni Lorna.
Kinabukasan ay maayos na kinausap ni Lorna ang kaniyang hipag.
“Nena, sa tuwing maririnig mo naman ang anak kong si Mabel na may sinasabi tungkol sa kaniyang pangarap ay huwag mo naman bigyan ng ideya ang bata para panghinaan ng loob. Kailangan tayong mga nakakatanda ang magbigay ng pag-asa sa kanila na posibleng maabot nila ang kanilang pangarap, kahit ano man ‘yan,” pakiusap ni Lorna.
“Bakit, Lorna? Hindi ba ay nagsasabi lang naman ako ng totoo. Tingnan mo nga ang sarili mo. Sa tingin mo ay kaya mong pag-aralin ng pagdodoktor iyang anak mo? Ni hindi niyo nga kayang mag-ulam ng masarap! Hanggang ngayon nga ay nakikitira pa rin kayo dito sa amin!” tugon ni Nena.
“Napakataas ng pangarap ng anak mo. Sinasabi ko lang sa kaniya ang totoo dahil baka lumagpak siya sa lupa sa sobrang taas ng lipad niya. Mabuti na ‘yong bata pa lang sila ay alam na nila ang katotohanan para hindi sila umasa,” dagdag pa ng hipag.
“Hindi ko naman gustong makipagtalo sa iyo, Nena, ang sa akin lang ay hayaan mo ang mga bata na magkaroon ng pangarap,” wika muli ni Lorna.
“Ang arte-arte mo sa mga pangarap na ‘yan. Ikaw nga wala kang narating! Disgrasyadang babae!” sambit muli ni Nena.
Napayuko na lang si Lorna sa tinuran ng hipag.
Matagal na panahon na kasi noong mabuntis itong si Lorna ng kaniyang kasintahan. Ang pinapangarap niya noong wagas na pag-ibig ay kaagad ding nagwakas nang hindi siya pinanagutan ng lalaking ito. Ang masakit pa roon ay hindi niya alam na may asawa at pamilya na pala ang kasintahan.
Simula noon ay mag-isa na lamang niyang tinaguyod ang kaniyang anak sa pamamagitan ng paglalabandera sa isang konsehal at pamilya nito.
Isang araw habang naglalaba ang ginang ay napansin niyang may kakaiba sa konsehal.
“Sir Noel, ayos lang po ba kayo?” tanong ni Lorna.
“Ayos lang ako. Parang nahihilo lang ako at para akong hinahapo,” tugon naman ng ginoo.
“Sandali po at ikukuha ko kayo ng tubig,” saad pa ng ginang.
“Huwag na, Lorna, ako na ang ba–” hindi pa man din natatapos ng ginoo ang kaniyang sinasabi ay bumagsak na dito.
Agad na tumawag ng ambulansya itong si Lorna. Mabuti na lamang at mabilis ang responde ng mga ito kaya nailigtas pa ang buhay ng konsehal mula sa isang atake sa puso.
Nang gumaling ang konsehal ay agad itong nagpasalamat kay Lorna.
“Utang ko sa’yo ang buhay ko, Lorna. Sana ay maibalik ko man lang ang kabutihan na nagawa mo sa akin,” saad ni Noel.
“Wala po iyon. Kahit sino naman po ay gagawin ang bagay na iyon. Wala po kayong utang sa akin. Sa katunayan nga po ay gumaganti lang din po ako sa kabutihan n’yo sa akin. Dahil sa inyo ay naitatawid ko po ang pang-araw-araw namin ng anak ko,” pahayag naman ni Lorna.
“Siya nga pala, may anak ka. Tamang-tama at naghahanap kami ng iskolar. P’wede ko siyang tulungan na makapasok doon upang hindi mo na intindihin pa ang pag-aaral niya,” wika muli ng konsehal.
“Maraming salamat po, Sir Noel. Malaking tulong po iyon sa amin. Sa katunayan nga po ay gusto niyang maging isang doktor pero alam n’yo namang mahirap ang magpaaral. Ngunit ayaw ko rin pong mabigyan ng kulay ang pagiging iskolar ng anak ko. Baka sabihin po nila kaya nakapasok ang anak ko ay dahil sa inyo. Ayoko ring mabahiran ang pangalan n’yo,” saad pa ng ginang.
“O siya, kung ganiyan ang iniisip mo ay idaan natin sa tamang proseso ang anak mo. Pero kahit ano pa man ang kalabasan, Lorna, gusto kong tumulong sa pag-aaral niya kahit galing sa sarili kong bulsa,” wika naman ng ginoo.
Pinaghandaang maigi ni Mabel ang pagsusulit para sa iskolarsyip na sinasabi ng konsehal. Nais nilang mag-ina na patunayan na karapat-dapat nga ang bata para dito.
Dahil masikap talaga sa pag-aaral si Mabel ay hindi na nakakapagtaka na makapasa siya. Labis niyang pinahanga ang marami dahil halos walang mali sa mga sagot nito.
Mula noon ay hindi na naging problema pa ni Lorna ang pag-aaral ni Mabel. Si Konsehal Noel na rin ang sumasagot ng baon nito at ilang pangangailangan sa eskwelahan. Ngunit nariyan pa rin ang agam-agam sa puso ng dalaga nang si Mabel na tila suntok sa buwan na magiging isang doktor siya.
“Sa tingin ko, ‘nay, kailangan ko munang magtrabaho para na rin makatulong sa inyo. Tumatanda na rin kayo at hindi na po kayo dapat pa naglalabada. Kapag nakaipon po ako ay saka na po ako magpapatuloy sa pagdodoktor ko. O kaya naman po kung kaya ay pagsasabayin ko ang pag-aaral at pagtatrabaho. Basta ang gusto ko lang po ay mahinto na kayo sa paghahanapbuhay,” wika ni Mabel sa ina.
“Kaya pa ng katawan ko, Mabel. Anong tingin mo sa nanay mo? Saka ang gusto ko ay makapagtapos ka at maging isang ganap na doktor. Ako ang magulang mo kaya dapat ako talaga ang nagtatrabaho para sa atin. Ang kailangan mo lang gawin, anak, ay pagsumikapan ang pag-aaral mo para makamit mo ang iyong pangarap. Kapag naging doktor ka, ako ang pinaka magiging masayang tao sa mundo,” pahayag naman ni Lorna.
Sa tulong na rin ni Konsehal Noel at sa pagsusumikap ni Mabel ay nagpatuloy siya sa kaniyang pag-aaral na hindi na kinakailangan pang magtrabaho. Lalong pinaghusayan ng dalaga dahil nais niyang maging isang mahusay na doktor.
Makalipas pa ang ilang taon ay tuluyan nang nagtapos ng may karangalan itong si Mabel. Pinahanga niya ang lahat lalo nang sabihin niya na ang kaniyang ina ay ang tanging tumataguyod sa kaniya at isa itong labandera.
Pinasalamatan niya ang lahat ng taong naniwala at tumulong sa kaniya lalo na si Konsehal Noel sa mga naging pagsuporta nito.
Naging isang ganap na mahusay at tanyag na doktor si Mabel. Naiahon na niya sa hirap ang kaniyang ina. Isa siyang patunay na kung magsusumikap ka kasabay ang pananalig sa Diyos ay hindi imposibleng makamtan mo ang iyong pangarap sa buhay kahit gaano pa ito kataas.