Inday TrendingInday Trending
Tutol ang Isang Ama sa Pagiging Sundalo ng Anak; Isang Araw ay Ipagmamalaki Rin Niya Ito

Tutol ang Isang Ama sa Pagiging Sundalo ng Anak; Isang Araw ay Ipagmamalaki Rin Niya Ito

“Greg, hindi pa rin ba kayo nag-uusap ng papa mo? Naroon siya sa kaniyang opisina ngayon. Mag-usap muna kayo bago ka umalis,” saad ni Lina sa kaniyang anak.

“Hindi na siguro, ma. Ayaw rin naman akong kausap ni papa. Saka alam ko hanggang ngayon ay masama pa ang loob nun sa akin,” tugon naman ni Greg.

“Ikaw na ang magpasensiya sa papa mo. Alam mo naman kung gaano niya kagusto na maging isang abogado ka tulad niya,” sambit muli ng ina.

“Pero siya na rin ang nagsabi, mama. Ikinahihiya niya ang pagiging sundalo ko. Baka lalo pa po akong magbigay ng sama ng loob sa kaniya kung magpapakita pa ako na nakauniporme,” wika pa ng binata.

Ngunit sa pamimilit na rin ng ina ay pinuntahan na rin ni Greg ang ama sa tanggapan nito sa bahay para makapagpaalam.

“Pa, aalis na po ako,” bungad ni Greg.

Hindi man lamang umimik ang kaniyang ama na abala sa kaniyang ginagawa.

“Pa, sana po ay h’wag na kayong magalit sa akin. Sa malayo po ako madedestino at hindi ko po alam kung kailan na po ang balik ko o kung makakabalik pa nga ba ako. Kaya po sana ay mag-usap na tayo,” pakiusap ng binata.

“Bakit kasi pagsusundalo pa ang napili mo, Greg. Nais kong maging isang abogado ka pero mas nais mo ng ganiyang buhay. Napakabata mo pa. Ang dapat sa’yo ay magkaroon ng kasintahan, mag-asawa, magkapamilya. Hindi ‘yung parang pinapanangga mo ang sarili mo sa mga bala. Sa tingin mo ba ay karapat-dapat ang mga inililigtas mo kapalit ng buhay mo?” panunumbat ng amang si Ramon.

“Dito ko po talaga nakikita ang sarili ko. Patawad po kung hindi po ako naging mabuting anak sa inyo, pa. At hindi ko sinunod ang nais niyo sa akin. Pero mas nangingibabaw kasi sa akin ang pagsisilbi sa bayan. Alam ko, pa, isang araw ay maipagmamalaki mo rin ako,” sambit pa ng binata.

Dahil wala nang tugon na mula sa kaniyang ama ay napilitan na si Greg na umalis. Alam niyang ang pag-alis niyang ito ay lalong magkakalamat ang pakikitungo sa kaniya ng kaniyang ama.

Matagal nang pinipigilan ni Ramon ang anak na si Greg. Ngunit wala siyang nagawa dahil ito raw ang tunay na pangarap ng binata. Simula nang pumasok si Greg sa pagsusundalo ay hindi na naging tulad ng dati ang pagsasama ng mag-ama.

Madalas ay parang binabalewala lamang ni Ramon ang presensiya ni Greg. Sa tuwing nagpapakita ang binata ng kaniyang mga naabot sa pagiging sundalo ay lalo namang ipinararamdamn ni Ramon na wala siyang bilib sa anak.

Kaya natanggap na rin ni Greg na kahit kailan hanggang siya ay sundalo’y hindi babalik ang pagtingin sa kaniya ng kaniyang ama.

Nadestino si Greg ngayon sa Mindanao upang ayusin ang kaguluhan doon. Anim na buwan siyang mamamalagi roon.

Kapag may panahaon ay lagi naman siyang tumatawag sa kaniyang ina upang kumustahin din ang mga magulang.

“Umuwi ka na kaya, anak. Hindi lang nagsasalita ang papa mo pero alalang-alala din ‘yun sa iyo,” sambit ng ng ina.

“Kapag po kasi hindi naagapan ang kaguluhan dito, ma, baka pati kayo riyan ay madamay pa. Sandali na lang naman ito at makakapiling n’yo na akong muli. Miss na miss ko na rin naman kayo. Pakikumusta na lang din po ako kay papa,” wika pa ni Greg.

Sa pananatili ng mga sundalo sa lugar ay unti-unti nang naibabalik ang katahimikan. Ilang linggo na lang daw ay maari na silang tuluyang umuwi. Ngunit isang pagsabog ang hindi nila inaasahan.

Agad na nagtungo ang mga sundalo sa gusaling ito upang tingnan kung mayroong mga tao na kailangang iligtas.

Sa puntong iyon ay ang pinakamalapit ay ang tropa ni Greg. Agad silang kumilos at nakita nilang may ilang bata at mga magulang ngang nasa gusali at hindi alam ang gagawin.

“Greg, h’wag ka munang biglang lumusob. Hindi natin alam kung may kalaban sa malapit,” saad ng kapitan.

“Kung gayon, sir, kailangan pong kumilos tayo ng mas mabilis upang iligtas ang mga batang ito,” tugon naman ng binata.

Hindi na nagdalawang-isip pa si Greg at kaagad niyang nilusob ang lugar. Galit man ang kapitan sa kaniyang ginawa ay hindi na niya ito napigilan pa.

Isa-isang inialis ni Greg ang mga taong nakulong sa nasabing gusali. Lahat ng dalawampu’t tatlong mga taong naroroon ay naging niligtas niya. Ngunit may isang bata pa raw na nawawala kaya agad niya itong binalikan.

Lalabas na sana ng nasabing gusali si Greg kasama ang bata ay mayroon na namang sumabog. Kaya upang mailigtas ang bata ay ibinato niya mula sa ikalawang palapag ang bata patungo sa kaniyang mga kasamahan. Ngunit nang siya na ang aalis ay muling may pagsabog na naganap at sa pagkakataong ito ay matindi siyang napuruhan.

Mabilis na inilayo ng mga sundalo ang mga sibilyan at nang humupa. Sa tindi ng pagsabog ay alam nila na wala nang pag-asa pang mabuhay ang binata.

Nang makuha ang kaniyang katawan ay halos hindi mo ito makikilala.

Malungkot nilang ibinalita sa kaniyang mga magulang ang nangyari kay Greg.

“Magkakaroon po siya ng parangal sa pagkilala sa kaniyang kabayanihan. Napakatapang po ng anak ninyo. Ibinuwis niya ang kaniyang buhay para sa maraming tao,” sambit ng kapitan.

Napahagulgol na lamang si Lina sa sinapit ng kaniyang anak. Ngunit batid niyang ito ang nais ni Greg ang ialay ang buhay sa bayan ng may dangal.

Nang mabalitaan ni Ramon ang nangyari sa kaniyang anak ay hindi na rin nito napigilan pa ang kaniyang sarili. Lalo na nang salubungin niya ang kahon na naglalaman ng mga labi ng anak.

“Ayaw kong magsundalo ka, anak, dahil madamot ako. Ayaw kong ibahagi kita sa mundo dahil nais ko ay makita kita hanggang sa ako’y tumanda. Nais kong makita ang iyong kasal at ang aking mga apo sa’yo. Kaya hindi ko matanggap na ito ang napili mong propesyon,” sambit ng ama habang hinahagkan ang ataul ng anak.

“Hindi ko man nasabi sa’yo pero simula’t sapul ay ipinagmamalaki kita. Ipinagmamalaki kita, Greg. Mahal na mahal kita, anak,” patuloy sa pagtangis ang ama.

Nagsisisi man ay hindi na maibabalik ni Ramon ang mga sandali na sana’y nakausap pa niya ang kaniyang anak sa mga huling sandali.

Nasawi si Greg na isang bayani at kinilala ito ng marami.

Sa puso naman ng kaniyang mga magulang ay mananatili siyang buhay magpakailan pa man.

Advertisement