Inday TrendingInday Trending
Kinaalarma ng Lalaki ang Pagiging Malapit ng Anak sa Bulag Nilang Hardinero Kaya Gagawa Siya ng Paraan Upang Paghiwalayin ang Dalawa; Magtagumpay Kaya Siya?

Kinaalarma ng Lalaki ang Pagiging Malapit ng Anak sa Bulag Nilang Hardinero Kaya Gagawa Siya ng Paraan Upang Paghiwalayin ang Dalawa; Magtagumpay Kaya Siya?

“Binatang-binata ka na at napakgandang lalaki pa! Maligayang pagdating aking apo!” masayang bati ni Don Cristobal sa kaniyang apo na si Lenard.

Dumating ito ang binata mula sa Canada kasama ang amang si Renato. Napagpasyahan ng mag-ama na magbakasyon muna sa Pilipinas.

“Na-miss kita ng sobra lolo! Kumusta na po kayo rito?” tanong ng apo.

“Maayos naman ako dito hijo. Ibang-iba na talaga ang hitsura mo. Walong taon ka pa lang nang pumunta kayo ng papa mo sa Canada kaya nagulat ako sa malaking pagbabago sa iyo. Ang ganda mo talagang lalaki apo ako,” puri pa ng matanda.

“Siyempre, kanino pa po ba ako magmamana kundi sa inyo ni papa,” wika ni Lenard.

“Mismo! Siyempre mas nagmana ka sa akin, mas magandang lalaki yata ang lolo mo kaysa sa papa mo,” hirit nito.

“Si lolo talaga, siympre naman mas magandang lalaki ka talaga!”

“Renato, anak. Hanggang kailan ba kayo magtatagal dito ng apo ko?” tanong ni Don Cristobal sa anak.

“Dalawang buwan lang at babalik rin kami sa Canada. Pansamantala lang na iniwan ng apo niyo ang negosyo sa Canada para dumalaw dito,” sagot ng lalaki.

Maya maya ay sinalubong sila ng hardinerong si Mang Loreto. Tuwang-tuwa ito nang makita si Lenard.

“S-senyorito Lenard? Balita ko’y nagbalik ka na?”

Nagulat pa sila ng bigla na lang dumating ang lalaki. Dahan-dahan ito sa paglalakad at tila kinakapa ang paligid. Ang totoo’y bulag si Mang Loreto ngunit kahit may kapansanan ito ay nagagawa pa rin nito ang trabaho sa mansyon bilang hardinero. Nawalan man ng paningin ang lalaki ay mahusay pa rin ito sa paghahalaman.

Laking tuwa rin ng binata nang muling makita ang hardinero.

“Mang Loreto? Na-miss din kita!” anito sabay yakap sa lalaki.

“Kumusta ka na hijo?” masaya nitong tanong.

“Okay naman po ako. Naku, marami po akong ikukuwento sa inyo at may dala rin akong pasalubong para sa iyo!”

Nagsalubong ang kilay ni Don Cristobal sa pagkikita ng apo at ng kanilang hardinero. Nakaramdam din ng inis si Renato sa tagpong iyon.

“Ehem, ang mabuti pa ay pumunta ka na sa hardin at marami ka pang gagawin doon, Loreto. Kailangan nang magpahinga ng apo ko,” utos ng matanda.

“Oo nga, anak. Pagod ka sa biyahe kaya magpahinga ka na muna,” sabad ni Renato.

“A, e o-opo Don Cristobal! Sige, may gagawin pa ako, senyorito. Usap na lang tayo mamaya ha?” paalam nito sa binata.

Nagpaalam muna si Lenard na magpapahinga saglit dahil napagod ito sa biyahe kaya nagpaalam ito sa ama at sa kaniyang lolo na pupunta muna sa kuwarto nito.

Nang wala na ang binata ay nakakuha ng pagkakataon si Renato na kausapin ang ama.

“Narito pa rin pala si Loreto? Ang akala ko’y matagal niyo na siyang pinaalis?”

“Malaki ang pagkakautang niya sa atin, kaya habang nabubuhay siya ay patuloy siyang magsisilbi sa akin,” sagot ng matanda.

“Hindi po ba kayo natatakot na…”

“Huwag kang mag-alala. Hinding-hindi siya magsasalita,” tugon pa ni Don Cristobal.

Matapos na makapagpahinga ay agad na pumunta si Lenard sa hardin. Gustung-gusto niya kasing pinagmamasdan ang paghahalaman ni Mang Loreto. Nang makita niya roon ang hardinero ay nakipagkuwentuhan siya rito at iniabot sa lalaki ang kaniyang mga pasalubong. Tuwang-tuwa naman si Mang Loreto sa ibinigay ng binata.

Mabilis na dumaan ang mga araw ngunit napapansin ni Renato na sobra na ang pagiging malapit ni Lenard sa hardinero. Nakaisip siya ng paraan para mawala sa landas ng kaniyang anak ang hardinero.

“Kung ayaw siyang palayasin dito ni papa ay ako ang gagawa,” bulong ni Renato sa isip.

Isang araw ay galit na galit si Don Cristobal na nagisisigaw at may hinahanap.

“Nawawala ang mamahalin kong singsing, may nagnakaw!” hiyaw ng matanda.

Nagsipuntahan ang lahat sa sala at nakisimpatya sa galit na galit na matanda.

“May pumasok sa kuwarto ko at nagnakaw ng singsing ko! Umamin na kung sino ang nagnakaw,” wika nito sa malakas na tono.

“Papa, baka naman naipatong niyo lang kung saan?” sabi ni Renato.

“Oo nga lolo. Hanapin niyo po ulit, baka naman po nakalagay lang sa ibang taguan niyo,” sabad naman ni Lenard.

“Imposible. Alam na alam ko na nakalagay iyon sa lalagyanan ko ng alahas na nasa loob ng tokador. Hindi ko naman sinususian dahil malaki ang tiwala ko sa mga kasama natin sa bahay ngunit mali pala ang akala ko, mayroong isa sa inyo ang malikot ang kamay,” wika pa ng matanda.

“Teka, isa lang naman ang nakita kong pumasok sa inyong kuwarto, eh,” sabad ni Renato.

“Ano? May pumasok sa kuwarto ko? Sino?”

“Nakita ko si Loreto na pumasok sa inyong kuwarto. Ang akala ko nga ay may ipinag-utos kayo sa kaniya kaya pumasok siya roon,” pagsisinungaling ni Renato.

“Naku, Senyorito Renato hindi po ako pumapasok sa kuwarto ni Don Cristobal!” mariing tanggi ni Mang Loreto.

“Puwes malalaman ko kung ano ang totoo,” wika ni Don Cristobal saka pinuntahan ang kuwarto ni Mang Loreto. Laking gulat ng matanda nang may nakita siya sa ilalim ng unan nito.

“Anong ibig sabihin nito, Loreto?” wika ng matanda habang ipinakita ang hawak-hawak na singsing.

“H-hindi ko po alam kung paano iyan napunta riyan, Don Cristobal. Wala po akong alam. Hindi po ako ang kumuha niyan,” tanggi pa rin ni Mang Loreto. “Paano ko naman po makukuha iyan, isa po akong bulag at hindi ko po alam kung saan iyan nakatago.”

“Huwag kang maniwala sa kaniya, papa. Alam natin na hindi siya dating bulag kaya alam na alam niya ang pasikot-sikot dito sa mansyon,” sabad ni Renato.

“May katwiran ka, anak. At ikaw Loreto, ang kapal ng mukha mo! ‘Di ko akalaing magagawa mo akong pagnakawan sa kabila ng pagpapatira ko sa iyo rito sa aking mansyon? Ang dapat sa iyo ay ipadampot sa mga pulis!” galit na singhal ni Don Cristobal.

“Ang dapat sa magnanakaw na iyan papa ay turuan muna ng leksyon,” sabi pa ni Renato habang inilabas ang latigo at pinaghahampas sa buong katawan ang kaawa-awang hardinero.

“Maawa po kayo, wala po talaga akong kasalanan, wala po akong ginagawang masama!” pagmamakaawa ng lalaki.

Nang biglang pinigilan ni Lenard ang ginagawa ng ama sa bulag na hardinero.

“Tama na, papa! Maawa ka kay Mang Loretro, tama na!” anito.

“At pinagtatanggol mo pa ang magnanakaw na ‘yan?” tanong ni Don Cristobal.

“Naniniwala po ako sa kanya na wala siyang kasalanan. Hinding-hindi po niya magagawa ang ibinibintang niyo,” matapang na wika ng apo.

“Hindi. Kailangan sa magnanakaw na ito ay turuan ng leksyon bago ipahuli sa mga pulis,” sabi pa ni Renato habang patuloy na hinagagupit ng latigo ang hardinero.

Maya maya ay hindi na napigilan ng isa sa kanilang matandang kasambahay ang magsalita.

“Tumigil na kayo, Senyorito Renato! Naniniwala ako na walang kasalanan si Loreto dahil alam ko kung sino ang totoong may sala,” anito sa seryosong tono.

Napatingin ang lahat sa sinabi ng matandang kasambahay na si Manang Cleofe.

“Tama na ang pagpapahirap niyo kay Loreto. Tigilan mo na iyan, Senyorito Renato. Aminin mo na ikaw mismo ang naglagay ng singsing sa ilalim ng unan ni Loreto. Nakita ko na ikaw ang pumasok sa kuwarto ni Don Cristobal at sa iyong paglabas ay pumunta ka sa kuwarto ni Loreto at inilagay doon ang singsing para si Loreto ang mapagbintangan!” bunyag ng kasambahay.

“R-Renato, ikaw ang kumuha ng singsing ko?” gulat na tanong ni Don Cristobal sa anak.

“Hindi ko na kayang itago ito. Tama na na ang pagpapahirap niyo kay Loreto na siyang tunay na ama ni Senyorito Lenard!” giit pa ni Manang Cleofe.

Hindi makapaniwala si Lenard sa ibinunyag ng matandang kasambahay.

“Senyorito, si Loreto ang iyong tunay na ama. Nag-ibigan noon ang iyong ama at ang iyong ina na si Senyorita Milagros na anak ni Don Cristobal at nakababatang kapatid ni Senyorito Renato. Hindi tanggap ng lolo mo ang iyon ama para sa iyong ina dahil isa lamang itong hamak na hardinero kaya ginawa nila ang lahat mapaghiwalay lang sila ngunit huli na, nagdadalantao na noon ang iyong ina kaya sa sobrang galit ng iyong lolo at ni Senyorito Renato ay binulag nila ang iyong ama na siya nilang ganti sa ginawang pagbuntis sa iyong ina. Binawian ng buhay sa panganganak sa iyo si Senyorita Milagros at dahil sa matinding galit ng iyong lolo ay hindi niya hinayaan na umalis ang iyong amang si Loreto sa mansyon, ginawang alipin at habambuhay na naging hardinero nang walang sahod. Halos kaning baboy ang ipinapakain nila sa kaniya. Kaawa-awa ang naging buhay niya rito sa mansyon. Hindi ko maatim ang ginagawa sa iyong ama kaya palihim ko siyang binibigyan ng maayos na pagkain para hindi siya magkasakit. Si Senyorito Renato ang nagpakilala bilang iyong ama at dinala ka niya sa Canada para ilayo sa sarili mong ama na nagdurusa sa mansyon. Mas pinili ni Loreto ang ganoong kapalaran kaysa sa malayo sa iyo, Senyorito Lenard. Kahit alam niyang malayo ka sa kaniya ay mahal na mahal ka ng iyong ama. Mas hinangad niya ang magandang buhay para sa iyo kapalit ng kaniyang habambuhay na pagkaalipin at pagdurusa,” lahad ni Manang Cleofe.

‘Di na napigilan ni Lenard na mapaluha sa lahat ng kaniyang nalaman. Ang hardinero na itinuring niyang kaibigan ay ang tunay pala niyang ama. Nilapitan niya ito at mahigpit na niyakap.

“Papa, ikaw ang totoo kong papa?” lumuluhang sabi ng binata.

“A-anak, patawarin mo ako. Kung hindi kita naipaglaban. Kung mahina ang iyong ama,” lumuluha ring sagot ni Mang Loreto habang yakap-yakap ang anak.

“Wala po kayong kasalanan. Hinahangaan ko nga po kayo dahil kahit kailan ay hindi niyo ako iniwan. Tiniis niyo ang lahat ng hirap para sa akin. Iyon po ay sobra-sobra na, papa para mapatunayan na mahal mo ako, na isa kang mabuting ama,” tugon ni Lenard.

“Mahal na mahal kita, anak ko. Hinding-hindi na tayo maghihiwalay pa!” wika pa ni Mang Loreto.

Natulala at labis na napahya ang mag-amang Renato at Don Cristobal sa tagpong iyon ng mag-ama. Dinala ni Lenard ang ama sa Canada para ipagamot ang nabulang nitong mga mata. Sinigurado ng binata na hinding-hindi na sila maghihiwalay pa. Ipaparanas niya sa ama ang magandang buhay na hindi nito naranasan.

Malaki naman ang pagsisisi ng mag-amang Don Cristobal at Renato sa kanilang mga ginawa kaya hinayaan na nila ang desisyon ni Lenard na makapiling nito ang tunay na ama. Nagawa na ring makapagpatawad ni Mang Loreto sa lahat ng paghihirap na dinanas niya sa mansyon at sa kalupitan nina Don Cristobal ang mahalaga sa kaniya ay natanggap na siya at minahal ng kaniyang anak na matagal na niyang pinangarap na makamtan. Para sa kaniya, masaya na siya at panatag dahil kapiling na niya ang pinakamamahal na anak.

Advertisement