Kinupkop ng Matanda ang Batang Itinapon sa Basurahan; Susuklian Niya Ito Ngayon ng Kabutihan
Maaga pa ngunit tirik na tirik na agad ang sikat ng araw. Ganoon pa man ay nagsisimula nang dumiskarte ng kakainin ang matandang si Aling Lilia. Dahil matumal ang benta niya ng kakanin kahapon ay wala na naman siyang ibang pagpipilian ngayon kundi ang maghanap ng kaniyang maipanlalamang tiyan, mula sa mga basurahan… mga tira-tira at itinapon nang pagkain ng ibang taong hindi marunong magpahalaga sa biyayang kanilang natatamo.
Sapo ng matanda ang kaniyang sikmurang kumakalam na dahil kagabi pa iyon hindi nalalamanan ng pagkain. Tanging mainit na tubig lang kasi ang nagawa niyang ipantawid gutom kagabi.
Nasa kalagitnaan ng pagbubungkal sa bundok ng mga basura sa likod ng isang kainan si Aling Lilia nang bigla na lang siyang makarinig ng tila impit na mga pag-iyak. Ang buong akala niya ay ngiyaw lamang iyon ng pusa ngunit minabuti niyang mas pakinggan iyon nang mabuti…
“S-sanggol! Sanggol ito!” bulalas niya nang sa pagbuklat niya ng isa pang basurahan ay isang umiiyak na sanggol ang kaniyang nakita! Mabilis na nakalimutan ni Aling Lilia ang iniindang gutom nang makitang halos papakin na ng langgam ang sanggol. Agad niya itong dinampot at maingat na inalo. Iniligtas niya ang batang basta na lamang itinapon ng magulang nito sa basurahan.
Hindi alam ni Aling Lilia kung ano ang kaniyang gagawin kaya nagpasya na lamang siyang iuwi ito. Matapos iyon ay nakipag-ugnayan siya sa kanilang barangay upang ihingi ng tulong ang bata.
“Naku, Aling Lilia, mas mabuti ho siguro kung sa inyo na munang pangangalaga ang bata. Bibigyan na lamang ho muna namin kayo ng cash assistance, para may maipagatas kayo sa kaniya,” saad ng isa sa mga kawani ng barangay noon kay Aling Lilia.
Malugod at buong puso namang tinanggap ng matanda ang bata. Inaruga niya ito, sa tulong na rin ng kanilang barangay. Kahit hikahos sa buhay ay nagpasiya si Aling Lilia na gumawa ng paraan upang maging maayos ang lagay nito. Ngayon lamang kasi niya naranasang magkaroon ng sariling pamilya at ibayong saya ang inihatid nito sa kaniya.
Ngunit dumating ang araw na kinailangan na niyang ipaubaya sa pangangalaga ng mga kawani ng gobiyerno ang bata, lalo na nang malaman ng mga itong wala naman siyang permanenteng pinagkakakitaan. Masakit man ay tinanggap na lamang ni Aling Lilia iyon kahit na talagang napamahal na siya sa batang pinangalanan niyang Rodel.
Lumipas ang mga taon at hindi na muling nakita pa ni Aling Lilia ang batang napulot niya sa basurahan. Ang huling balita niya ay inampon ito ng mag-asawang mayaman at naging maganda na ang buhay nito kaya naman naging masaya na lamang siya para rito.
Naging malungkot sa buhay si Aling Lilia matapos mawala sa kaniyang pangangalaga ang batang kaniyang inaruga, hindi man niya ito kadugo. Ngunit kailangan niyang magpatuloy sa buhay…
Samantala, dalawampung taon na ngayon si Rodel na lumaking matalino at mabait na binata. Katulong ang kaniyang amang negosyante ay nakapagtayo na siya ng sariling kompanya, sa murang edad pa lamang niya.
Hindi lingid sa kaniyang kaisipan ang tungkol sa kaniyang nakaraan… na natagpuan lamang siya ng kaniyang itinuturing na tagapagligtas sa isang basurahan at siya’y inaruga, minahal at inalagaan. Matagal na niyang hinahanap ang matandang babaeng kumupkop sa kaniya noon bago siya napunta sa kaniyang mga adopted parents—at ngayon ay natagpuan na niya ang hinahanap.
Nakadungaw si Rodel sa bintana ng kaniyang kotse, habang nakatitig sa isang patpatin at uugod-ugod nang matanda. Nagkakalkal ito sa basurahan gamit ang isang kahoy na nagsisilbi na rin nitong tungkod. Kulubot na ang balat nito’t puti na ang mga hibla ng buhok. Bakas ang matinding hirap na dinaranas sa katawan nitong animo buto’t balat na lamang.
Agad na nag-ulap ang mga mata ni Rodel habang minamasdan ang kalagayan ng taong nagbigay sa kaniya ng pagkakataong mabuhay dito sa mundo. Ang kaniyang tagapagligtas na si Aling Lilia.
Nagmadaling bumaba sa kaniyang sasakyan si Rodel at biglang niyapos ang matandang babae. Sa gulat ay hindi nakaimik si Aling Lilia…
“L-lola, kumusta na po kayo? A-ako po si Rodel… ako po ang batang napulot n’yo noon sa basurahan…” pagpapakilala niya habang patuloy pa rin sa pag-agos ang kaniyang mga luha dahil sa pinaghalong saya at awang nararamdaman sa muling pagkikita nila ni Aling Lilia.
Lalo pang naantig at nadurog ang puso ni Rodel nang bigla na lamang ngumiti ang pagod na mukha ng matanda at sinabing… “Hindi mo alam kung gaano ako kasabik na muli kang makita! Salamat sa Diyos at lumaki kang malusog at makisig!” tila sabik na sabik pang anito sabay haplos sa kaniyang mukha gamit ang kulubot na nitong mga kamay.
“Lola… ang tagal ko po kayong hinanap. Gusto ko pong magpasalamat sa inyo para sa lahat ng inyong ginawa noon para sa akin. Papayag po ba kayong tumira kasama ko? Gusto ko po kayong makasama ulit.”
“Hindi ba ako magiging pabigat na lang sa ’yo, apo? Matanda na ako’t wala nang alam na trabaho—
“Lola, matanda na rin ho ako. Ako na ho ang bahalang mag-alaga naman sa inyo ngayon. Gusto ko pong suklian ang lahat ng kabutihan n’yo sa akin.” Nagsusumamo ang tinging ipinukol ni Rodel sa kaniyang Lola Lilia.
Ngumiti ang matanda. Sa huli ay tumango ito at isang mahigpit na yakap ulit ang kanilang pinagsaluhan. Simula ngayon ay gagawin ni Rodel ang lahat upang guminhawa ang buhay ng kaniyang Lola Lilia – ang tagapagligtas niya.