Inday TrendingInday Trending
Kapalit ng Pera ay Trinaydor Niya ang Kaniyang Boss; Karma Pala ang Naghihintay sa Kaniya

Kapalit ng Pera ay Trinaydor Niya ang Kaniyang Boss; Karma Pala ang Naghihintay sa Kaniya

“Sino ang traydor na nakapasok sa kompanya ko?” galit na anang kanilang boss nang pumasok ito sa kanilang kompanya nang umagang iyon. Nabigla ang lahat, ngunit hindi si Aira. Ang totoo ay inaasahan na niya ang pambungad nitong iyon sa kanila.

“May naglabas ng bagong plano para sa susunod sanang project ng kumpanya at naagaw iyon ng kalaban natin!” saad ba nito na napapahilot sa kaniyang sentido.

Yukong-yuko naman si Aira nang mga sandaling iyon. Kampante naman siyang hindi nito mahuhuling siya ang salarin ng pagtatraydor ngunit tila kinakain na siya ng kaniyang konsensya. Matagal na niyang kakilala ang boss, dahil ang pamilya nito ang siyang nagpaaral sa kaniya bilang isa siya sa kanilang mga iskolar. Ang mga ito rin ang tumulong sa kanilang pamilya na makaahon sa hirap noon.

Dahil doon ay hindi napigilan ni Aira ang kaniyang damdamin na mahulog sa nag-iisang anak ng may-ari ng kompanyang kaniyang pinagtatrabahuhan, na ngayon ay siya na rin niyang boss… si Kleo. Iyon nga lang, halos gumuho ang mundo ni Aira nang malamang imbes na sa kaniya ito magkagusto ay nahulog ito sa isa sa kaniyang mga katrabaho na isa pa man din sa kaniyang mga kaibigan. Si Jessa. Iyon ang kumakalat na usap-usapan noon sa kumpanya. Labis ang poot na kaniyang naramdaman dahil dito.

Kaya naman nakaisip ng masama si Aira. Nagpadala siya sa galit at naisipan niyang makipag-ugnayan sa kalabang kumpanya nina Kleo. Nagpabayad siya kapalit ng paglalabas niya ng planong tiyak sanang ikaaangat ng kanilang kompanya ngunit dahil sa ginawa niya ay iba na ngayon ang makikinabang nito.

Nagsagawa ng masusing imbestigasyon sa loob ng kanilang kompanya. Kampante naman siyang poprotektahan siya ng mga kalaban nina Kleo dahil ngayon ay nagtatrabaho na nga siya sa mga ito bilang espiya o spy kapalit ng malaking halaga.

Ngunit lingid sa kaalaman ni Aira ay mayroon ding asset ang kampo nina Kleo sa kompanyang kalaban ng mga ito…

“Kumusta, Aira? Ano’ng balita sa loob ng kompanya nina Martinez?” tanong sa kaniya ni Mr. Gonzualo, ang may-ari ng kompanyang iyon na siyang kalaban ng kompanyang trinaydor niya. Nagpasya silang magkita nang mga sandaling iyon upang personal na pag-usapan ang tungkol sa susunod nilang gagawing hakbang.

“Hayun, pare-pareho silang namomroblema at hinahanap kung sino ang traydor sa kompanya,” sagot naman ni Aiza. “Nag-aalala nga ako dahil baka pabayaan n’yo ako, Mr. Gonzualo,” sabi pa niya upang siguraduhing tutupad ito sa kanilang usapan.

“Hinding-hindi mangyayari iyon, huwag kang mag-alala. Ako ang bahala sa ’yo,” sagot naman nito upang makampante siya.

Hindi niya alam, nang mga sandaling iyon ay palihim na silang kinukuhanan ng litrato ng private investigator na itinalaga ng mga Martinez. Agad nitong ipinadala sa kaniyang boss ang naturang mga ebidensyang magdidiin sa kaniya.

Pagkapasok ni Aira nang umagang iyon sa pinagtatrabahuhan ay ganoon na lamang ang kaniyang gulat nang bigla na lamang siyang arestuhin ng mga pulis na hindi niya namalayang naroon pala sa lobby ng kanilang building!

“Sandali, ano’ng kasalanan ko? Saan n’yo ako dadalhin?” tanong niya sa mga ito. Nagmamaang-maangan kahit pa nga ang totoo ay may ideya na siya sa nangyayari.

“Traydor ka, Aira! Hindi ko akalaing magagawa mo ito sa amin para lang sa pera!” bakas ang galit sa mukha ng kanilang boss at hindi naman masalubong ni Aira ang mga tingin nito.

“Wala kang utang na loob! Sayang. Malaki pa naman ang paghanga ko sa ’yo… sayang!” sabi pa nito bago siya tinalikuran at humarap sa mga pulis. “Dalhin n’yo na ’yan. Hindi ko kailangan ng traydor dito sa kompanya ko.”

Matapos iyon ay sinubukan niyang muling makipag-ugnayan kina Mr. Gonzualo ngunit itinatanggi na ngayon ng mga ito na kilala nila siya. Itinatanggi na ng mga ito ang akusasyon ng mga Martinez tungkol sa pang-aagaw nila ng ideya.

Nahaharap ngayon si Aira sa patong-patong na kaso. Maging ang mga kaibigan niya sa trabaho ay hindi makapaniwala sa kaniyang nagawa at mula sa mga ito ay nakarinig siya ng masasakit na salita.

Isang hindi inaasahang bisita ang pumunta sa presinto upang siya ay dalawin.

“Anong ginagawa mo rito?” tanong niya kay Jessa. Malungkot naman siya nitong tiningnan,

“Sayang, Aira… aamin na sana sa ’yo si Sir Kleo tungkol sa pagtingin niya sa ’yo. Ilang linggo rin naming pinaghandaan ang kaniyang magiging pagtatapat sa ’yo, kaso ginawa mo ito. Mahal ka niya, Aira.”

Nagulat siya sa tinuran ng dating kaibigan. Agad siyang nilukob ng matinding pagsisisi nang mga sandaling iyon. Ngunit hindi na niya kaya pang ibalik ang nakaraan. Ang tanging magagawa na lamang niya upang maitama ang kaniyang mali ay ang harapin ang kaniyang magiging parusa.

Advertisement